
SINABI ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na ang mga COVID-19 vaccines na ilegal na ipinagbibili sa bansa ay natuklasan nilang genuine, ngunit hindi ito maaaring gamitin sa tao dahil walang garantiya kung tama ang handling nito at kung ito ba ay naiimbak sa tamang temperatura.
Ipinaliwanag ni Domingo na ito’y dahil ang packaging ng ilan sa mga ito ay bukas na at may isa pang video kung saan makikita na ang mga bakuna ay nakaimbak lamang sa isang cooler sa loob ng isang sasakyan, gayung kinakailangan aniya itong ilagay sa isang storage facility na may tamang temperatura.
“Hindi na maaaring gamitin ‘yan… Hindi mo na kasi alam ‘yung integrity ng cold chain, ng pagha-handle niyan at ‘pag ganyang merong doubt, hindi na po natin pinapayagang gamitin sa tao ang ganyan po na mga bakuna,” ayon pa kay Domingo, sa panayam sa telebisyon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Domingo na tinutunton na ng mga awtoridad ang source ng mga bakuna upang matukoy kung ang mga ito ay smuggled lamang o kinuha mula sa suplay ng pamahalaan.
Nanawagan din siya sa publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan kung sila ay may nalalaman o kilalang mga COVID-19 vaccine vendors.
Nauna rito, tatlong katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa ilegal na pagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Ang pagbebenta ng naturang bakuna sa bansa ay hindi pa pinapayagan dahil wala pang market authorization na iniisyu para dito ang FDA. (Andi Garcia)
The post COVID-19 vaccines na ilegal na binebenta ‘di maaaring gamitin – FDA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: