IDINIIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan o pangangailangang maitatag sa lalong madaling panahon ang Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) — ang panukalang batas na isinulong sa Senado ni Senator Christopher “Bong” Go — para na rin sa kapakanan ng milyong overseas Filipinos na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang huling State of the Nation Address, binanggit ng Pangulo na dahil sa pandaigdigang krisis na hatid ng COVID-19, maraming nababalisang Filipino sa ibayong dagat ang humihiling ng suporta ng gobyerno habang may ilang nais o napipilitang mapauwi na lamang sa bansa matapos mawalan ng oportunidad at trabaho.
Ayon kay Duterte, dahil dito ay sadyang napakahalaga ng panukalang batas ni Senator Go na lilikha sa DMWOF.
May Committee Report na inisponsoran si Sen. Joel Villanueva sa Senate plenary, bilang chairman ng Committee on Labor. Ang nasabing committee report ay consolidated version ng kaugnay na batas na naunang inihain ni Go na layong lumikha ng Department of Overseas Filipinos. Ang naunang bersyon ay matatandang sinertipikahan ng Pangulo bilang “urgent”.
Kinikilala ang sakripisyo ng mga Filipino sa abroad, lubos na nagpasalamat si Go kay Pangulong Duterte sa palagian nitong pagsuporta sa kapakanan ng OFWs, at sa kani-kanilang pamilya, lalo ngayon nahaharap sa matinding hamon ang buhay ng bawat isa.
“Our goal is simple in this measure: to give our migrant workers and all other Filipinos abroad the best government service that we could give them,” sabi ni Go.
“Ito po ang ating ipinaglalaban — ang kapakanan ng mga Pilipino kahit saan man sila sa mundo. Napaka-unfair naman na 10 percent ng population ay overseas Filipinos pero wala kayong sariling departamento,” idinagdag ng senador.
Kung maisasabatas, ang Senate Bill No. 2234, ay lilikha ng departamentong pangunahing may mandato na i-develop, irekomenda at iimplementa ang pambansang polisiya, mga plano, programa, at alituntunin na magpoprotekta sa kapakanan, interes at reresolba sa mga isyu ng OFWs.
Ang DMWOF ang siya ring magiging responsable sa pagbibigay ng fundamental social at welfare services, kinabibilangan ng insurance, social work assistance, legal assistance sa overseas Filipinos.
“Sa panukalang batas na ito, tapos na ang panahon na pinapagpapasa-pasahan natin ang ating mga kababayan. Tapos na ang panahon na nauubos ang pasensya, pera at pagod ng kapwa natin mga Pilipino dahil sa burukrasya at bulok na sistema. Tapos na ang panahon na ang mga ahensya at opisina sa gobyerno na nagtuturuan [kung] sino ang dapat umako sa responsibilidad,” deklara ni Go.
“Napapanahon na po na meron din silang sariling departamento. Long overdue na po ‘yan, matatapos na po ang termino ni Pangulong Duterte, matagal na po n’yang ipinangako ‘yan. Ibigay na natin sa kanila ang para sa kanila. Mga modern-day heroes natin sila tapos wala pa silang sariling departamento,” anang senador.
Kaya naman umapela si Go sa mga kapwa mambabatas na patuloy na kilalanin ang pagsisikap at pagsasakripisyo ng OFWs para sa kanilang pamilya at lipunan.
“My fellow legislators, nanawagan po ako sa inyo na tulungan po natin ang ating mga OFWs. Marami po sa kanila ang nawalan ng mga trabaho dulot ng pandemya. Apektado rin po ang mga pamilya na umaasa sa OFWs sa kanilang pang araw-araw na pangkabuhayan.”
“Matagal na po nating itinuturing na bagong bayani ang ating mga OFWs. Malaking tulong po ang kanilang kontribusyon hindi lang sa ating ekonomiya, kundi pati na rin sa pag-ahon sa kanilang mga pamilya at komunidad,” ayon kay Go.
The post DMWOF NI BONG GO, PINABIBILISAN NI PDU30 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: