HANGGANG ngayon ay sakal pa rin tayo ng korapsiyon at tiwaling pamamahala ng mga pinunong bayan na ating iniluklok sa kapangyarihan.
Mahalagang ulitin at banggitin ko ang ilang linya ng tulang “Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Bayan,” tula ng makata at makabayang si Amado V. Hernandez.
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha/Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa/Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,/Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan; Katulad mo si Sisa, binaliw ng kahirapan; Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,/Tumataghoy kung palangin; tumatangis kung nakawan.
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtatakop/Na sa iyo’y pampahirap; sa banyaga’y pampalusog;/Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,/Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos.
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod;/Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot …
Katotohanan ang isinisigaw ng tulang ito ni Ka Amado: marami sa atin ay nakalublob sa kahirapan; masagana sa pagkain ang hapag ng magnanakaw; asin at luha ang kinakain ng walang-wala sa buhay.
Hanggang ngayon ay nakagapos tayo sa pagkasakop ng kababayang sakim sa kapangyarihan; tinatampalasan ang tiwala natin sa pag-uupo natin sa kapangyarihan.
Bawat kilos nila ay paimbabaw na pagmamahal pero ang totoo, pangakong pag-ahon sa hirap ng buhay ay pag-agaw sa bawat hininga ng ating buhay.
May katubusan ang pangarap ng makatang si Ka Amado sa kanyang tula: May araw ding luha mo’y masasaid , matutuyo;/May araw ding di na luha sa mata mong namumugto;/Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,/Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;/Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo/At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
May katuparan pa kaya ang diwa ng tulang ito ni Ka Amado V. Hernandez?
***
Marami na ang nagtatanong kung tatakbo ba si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso o hindi.
Sa tuwing tinatanong si Yorme Isko kung interesado ba siyang tumakbong Pangulo sa 2022, palaging sagot niya: “Wala pa sa isip ko yan,” at idinagdag na pokus muna ang isip ko sa pagpapaganda at kung paano tuluyang malilinis ang Maynila.
Batid ng mga Batang Maynila at ng sambayanan na marami ang nagbago sa lungsod: nilinis at inayos ang mga palengke sa Maynila, lalo na ang Divisoria pati ang Blumentritt area at Quiapo.
Puspusang inaayos at pinagaganda ang mga plaza o pasyalan, inaayos at patuloy niyang kinukumpleto ang mga kailangang gamit ng mga ospital, mga paaralan, at iba pang impraestruktura sa siyudad at nireporma niya ang patakbo sa cityhall.
Dahil sa ginawang ito ni Yorme Isko ay gumanda at nagningning ang Maynila, at bunga nito, naging mabangong-mabango ang pangalang “Yorme Isko Moreno.”
***
Marami naman talaga sa tulad ni Yorme ay nangangarap na maging Pangulo.
Pero ang mahalal na Pangulo ay isang “destiny” at sadyang tadhana ang magtatakda.
Ngayong papalapit na ang election 2022 ay lalong mas tumitindi ang udyok at panghihikayat sa 47 anyos na alkalde na ikonsidera ang mga mata sa Malakanyang.
Kabi-kabila na ang kilusang itinutulak si Mayor Isko na tumakbo sa pagka-Pangulo.
Kaliwa’t kanan ang mga isinasagawang survey kung saan lumulutang na ang nag-aagawan sa numero unong “gusto” ng taumbayan na manalong Pangulo ay sina Yorme Isko, Mayor Sara, dating Sen. Bongbong Marcos, VP Leni Robredo, Sen. Manny Pacquiao at kulelat si Sen. Ping Lacon.
Napakarami nang nagbibibgay ng “basbas” kay Yorme Isko, at maraming kabataan at ilang organisadong grupo ang nagsasabi na malaki ang pag-asa ni Yorme Isko dahil ito ay popular na popular sa buong bansa.
Ang maraming ginawa at patuloy na magagandang programa at proyekto ipinatutupad ni Moreno sa Maynila ay alam ng sambayanan at ginagaya sa ibang siyudad at munisipalidad.
Iba ang karisma ni Isko, masigabo, maingay at malakas “makahawa” ang sigla ng mga kabataang umiidolo kay Moreno.
Napakarami ang buong tapang na iniendorso sa Panguluhan ang Batang Tundo.
Lagi na, nakatuon ang mata ng publiko sa bawat gawi, gawa, kilos at salita ni Mayor Isko.
***
Napakarami ang nagsasabi na ibang-iba raw ang karisma ni Yorme Isko na wala sa oposisyon at mga lumulutang na pambato ng administrasyon para sa panguluhan.
Kayrami ring political strategists at mga kritiko ang nagkokomento na kayang-kaya ni Yorme Isko na pagkaisahin ang mga nagbabangayang “Dilaw” at “DDS.”
Ilang partido politikal sa bansa ay nakahandang sumuporta kay Yorme Isko sakaling magdesisyon itong tumakbong pangulo.
Matatandaang sa mga nakaraang takbo niya, siya ay sinuportahan ng Nacionalista, NUP, UNA at iba pang partido politikal.
Tunay na umaani ng maraming suporta ang Batang Tundo.
Destiny na nga ba ni Yorme Isko ang Malakanyang?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Tatakbo bang pangulo si Yorme Isko? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: