Facebook

DOH, payag sa house-to-house anti-COVID-19 vaccination

PAYAG ang Department of Health (DOH) sa house-to-house vaccinations upang ligtas na makapagbakuna ng mga mamamayan laban sa COVID-19.

Sa isang pulong balitaan nitong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na makakatulong rin ang house-to-house vaccination para masigurong bakunado ang mga komunidad.

Ayon kay Vergeire, mas ligtas din ito dahil may mga tao lang na iikot at magbabahay-bahay sa halip na sila pa ang pumunta sa vaccination sites at pumila ng mahaba.

“Sa tingin namin maganda yan na strategy, kasi una sa lahat, hindi magkukumpul-kumpol ang mga tao. Ang iikot po ang [mga magbabakuna] at hindi na kailangang pumunta ng mga tao sa ibang lugar para magpabakuna,” sabi pa ni Vergeire.

Bukod dito, isinusulong din ng DOH ang pagkakaroon ng iba pang ligtas na pamamaraan sa pagbabakuna, gaya nang pag-i-iskedyul ng bakuna at pagkakaroon ng mas malalaking vaccination sites para matiyak na mayroong physical distancing.

“Gagawa tayo ng safe vaccination sites kung saan sisiguraduhin natin na hindi tayo magkukumpulan kapag tayo ay magpapabakuna na. There will be scheduling, we will be using bigger vaccination sites. Mas madali po ang mobilization ng [babakunahan] and [magbabakuna] para makapagpabakuna tayo ng mas marami,” ayon pa dito.

Matatandaang matapos na makapagtala ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19, hiniling ng Metro Manila Mayors sa pamahalaan na magpatupad muli ng enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon para mapigilan ang higit pang pagkalat ng naturang mas nakahahawang sakit.

Inaprubahan naman ng pamahalaan ang pagpapatupad ng ECQ sa rehiyon, na iiral simula Agosto 6 hanggang 20.

Kahit naman may ECQ, tuloy ang pagbabakuna sa mga residente sa rehiyon upang maproteksiyunan sila laban sa COVID-19.

Humihiling rin ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ng apat na milyong bakuna ng COVID-19 na pinagbigyan naman ng pamahalaan. (ANDI GARCIA)

The post DOH, payag sa house-to-house anti-COVID-19 vaccination appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DOH, payag sa house-to-house anti-COVID-19 vaccination DOH, payag sa house-to-house anti-COVID-19 vaccination Reviewed by misfitgympal on Hulyo 31, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.