Facebook

DONYA HIDILYN!

ISA na ngayong donya o milyonarya at higit sa lahat ay naukit sa mundo ng sports ang pangalang Hidilyn Diaz matapos nitong tuldukan ang 97 taon na pagkauhaw ng Pilipinas sa Gintong Medalya sa Olympics sapul nang lumahok dito noong 1924.

Ang award winning performance ng 30-anyos na Diaz ay nangibabaw sa world champion ng China at record holder na si Liao Qiuyun sa makapigil-hininga na face-off sa Tokyo International Forum Lunes ng gabi.

Ang makasaysayang gold medal feat ng Zamboangena ay nang buhatin nito ang 127 kilogram na bigat ng barbel para sa kanyang ikatlo at huling lift sa clean and jerk.

Ang bigat na ito ay naiposte rin ni Diaz bilang bagong Olympic record nang makatipon siya ng kabuuang 224 kgs kasama na ang 97 kilograms sa snatch.

Si Qiuyun ay nagtala ng 126 kgs sa huling pagtatangka.

Nakuha ng atleta mula Kazakhstan ang bronze medal.

Ito ang ikalawang Olympic medal ni Diaz. Noong 2016 sa Rio Olympics ay nakasungit siya ng silver medal.

Si Diaz na reservist ng Philippine Air Force (PAF) ay inamin na matapos ang event ay “hindi pa rin siya makapaniwala” sa kanyang nagawa.

Sa panalong ito ni Diaz, siya ay makatatanggap siya ng P10 milion mula sa gobyerno base sa RA 10699 na nilagdaan ni late President Noynoy Aquino noong 2015 na ang sinumang atletang Filipino na makakukuha ng Olympic gold ay tatanggap ng P10 million, P5 million sa silver, at P2 million sa bronze; P10 million mula sa bilyonaryong negosyante na si Manny Pangilinan, P10 million din sa bilyonaryong si Ramon Ang, P3 million kay PBA Partylist Representative Mikee Romero, P2.5 million mula sa LGU Zamboanga City, P14 million worth ng condo unit sa Eastwood City ni Andrew Tan, at house and lot sa Tagaytay City mula kay POC President Abraham Tolentino.

Inaasahang marami pang magbibigay ng premyo kay Diaz pagbalik niya sa Maynila, pati ang mga alok para sa endorsement ng mga energy drinks. Tangan na niya ang yaman at katanyagan.

Samantala, labis ang pasasalamat ni Diaz sa Poong Maykapal sa paggabay sa kaniya sa kabila ng kanyang dinaanang hirap sa training.

“Sa lahat ng sumuporta sa akin thank you so much for believing in me,” Wika ni Diaz. “There were times na gusto ko ng sumuko dahil sa dami nang pinagdaanan ko.”

Sinabi naman ng Samahang ng Weightlifting sa Pilipinas President, Monico Puentevella, na inabot din ng mahigit isang taon sa kanyang training si Diaz sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nagpahiwatig pa ito na posibleng ito na ang huling paglahok ni Diaz makalipas ang apat na taon sa Olympics.

Si Puentevella ay kabilang sa unang sumalubong sa kanyang atleta sa venue ay naiyak din sa sobrang tuwa.

Sa panayam kay Mrs Emelita Diaz, sinabi nito na maaari pa namang lumaban sa darating na SEA Games ang kanyang anak.

Para naman sa chef de mission ng Team Pilipinas sa Tokyo 2020 Olympics na si Nonong Araneta, iniulat nito na todo rin ang kanilang dasal sa hotel habang sinusubaybayan ang laban ni Diaz.

Inamin din niya na emosyunal ang kanilang grupo lalo na at halos 100 taon din bago nakamit ng Pilipinas ang pinakamimithing gintong medalya.

Habang sinusulat ang balitang ito, pumasok na rin sa medal column ang Pilipinas at nasa pang-16 na puwesto mula sa kabuang 205 bansa na lumalahok sa Olimpiyada.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay pumailanlang din ang national anthem ng Pilipinas matapos na isabit kay Hidilyn ang medalya. Sinabayan niya ito sa pagsaludo habang nangingilid ang kanyang luha sa podium.

Tatlong Pinoy pa ang inaasahang makakasungkit ng gold mula sa boxing at gymnastics.

The post DONYA HIDILYN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DONYA HIDILYN! DONYA HIDILYN! Reviewed by misfitgympal on Hulyo 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.