SA kabila ng katotohanang halos ay may 300,000 na ang mga naaarestong suspek sa drug war ng Administrasyong Rodrigo R. Duterte ay maituturing namang isang malaki pa ring kabiguan ang kampanyang ito na sinimulang ilunsad pa noong taong 2016.
Masasabing bigo ang anti-drug campaign ng pamahalaan, pagkat kahit kabi-kabila ang ginagawang pag-aresto ng mga awtoridad laban sa mga drug pusher at drug addict ay marami pa rin naman sa mga akusado ang napapalaya ng mga hukuman.
Hindi iilan ang pumupuna sa korte at maging sa piskalya na posibleng may mga nababayarang huwes at prosecutors kaya hindi iilan ang naakusahan sa mga ito ni Pangulong Digong na korap at protektor ng ilan ding high profile na drug traders.
Ngunit tila hindi karakang nasuri ng pamahalaan ang mga tunay na ugat at “butas” ng maramihang paglaya ng mga nakasuhang drug personalities.
Ang “butas” na ito ang nagbunsod kay PNP Director General Guillermo T. Eleazar kamakailan para ipag-utos na repasuhin ang mga nadismiss o nabasurang kaso na may kaugnayan sa iligal na droga.
Batay sa ginagawang pagrerepaso sa mga nabasurang kaso, magsasagawa ang pamunuan ng PNP ng mga pagbabago kung paano nila mapabubuti ang anti-illegal drug operation ng pulisya.
Hangad ni Eleazar ang mas mataas na conviction rate, partikular na sa mga drug related case, na siyang pangunahing barometro upang magtagumpay ang kampanya ng PNP kontra iligal na droga.
Nais din ni Eleazar na matukoy kung ang mga pulis ang nagiging dahilan ng pagkabasura ng kaso dahil sa pagkakamali, tulad ng hindi tamang pagsasagawa ng operasyon at pagpapahina ng mga ebidensiya sa piskalya.
Panahon na marahil na matutukan din ng PNP hierarchy ang iba pang malawakang paglabag sa batas lalo na sa mga SOP (Standard Operating Procedures) sa pagsasagawa ng anti-drug operations ng ilan nating PNP operating units.
Bilang beteranong mamamahayag alam natin ang ginagawa ng di iilang opisyales at operatiba na paggamit ng bayarang hao-siao na media para magsilbing testigo sa mga isinasagawang drug raids.
Ang ating unsolicited na payo kay General Eleazar ay repasuhin din nito ang mga tala kung sino-sino ang mga tumatayong media representatives sa mga drug raid.
Tiyak na lilitaw na iilang mga suking media representative kuno lamang ang nagpapalitan at siyang ginagamit ng maraming PNP operating unit bilang mga saksi sa isinasagawang anti-drug operations.
Huwag nang magtaka kung bakit napakababa ng conviction rate, pagkat kalimitan ay mga bayarang media kuno ang pinatetestigo ng mga naturang awtoridad kapalit ng Php 1500 hanggang Php 3,000 para sumama sa pagsalakay sa santuaryo ng mga tulak.
Masaklap pa nito kadalasan, ang mga testigong media kuno na wala namang inererepresintang tri-media outfits (radio, print at tv) ay pinalalagda na lamang ng marami ding mga imbestigador sa kanilang gawa-gawang affidavit of arrest.
Ang mga bagay na ito ay hindi napag-ukulan ng pansin ng sinuman sa mga nakaraang pinuno ng Pambansang Kapulisan at sa pagkakataong ito lamang malamang ay matutukan ng ating estriktong PNP Chief.
Sa ilalim ng Comprehensive Anti-Drug Laws ay kailangang may mga saksing kinatawan ang Department of Justice, Local na opisyales at media sa mga isinasagawang raid ng kapulisan at iba pang law enforcing agencies.
Ang nakumpiskang ebidensya sa mga drug operations ay kailangang magkarooon ng kaukulang imbentaryo sa harapan ng arestadong suspek at mga nabanggit na testigo.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Eleazar, “butas” sa drug war, sisilipin! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: