Facebook

Endo ‘troll farms’

MARAMING DAPAT IPALIWANAG ang mga tagapagpaliwanag ng mga kaganapan sa Palasyo ng Malacañang.

Sa resolusyon na nilagdaan ng 12 senador ay naghahanda na ang Senado sa gagawing imbestigasyon tungkol sa sinasabi nitong ‘resurgence’ ng ‘troll farms’ habang papalapit ang 2022 elections. Matatandaan na naging tampok ang usaping ‘troll farm’ noong 2016 elections dahil sa mga ulat na ang administrasyong Duterte ay gumamit at gumastos ng malaking halaga sa ganitong pamamaraan upang manalo sa halalan.

Ang ‘troll farms’ o ‘troll factory’ ay kilala bilang bayad na organisadong grupo ng internet trolls na nagpapakalat ng mga impormasyon o disimpormasyon sa social media pabor sa isang tao, partido, o administrasyon, o kaya naman ay laban sa mga kalaban o kritiko ng nasabing administrasyon, kabilang ang masmidya. Sa ‘troll farms’ nagmumula ang tinatawag na fake news o alternative facts, ayon sa mga pag-aaral.

Ang Presidential Communications Opertions Office o PCOO mismo ang siya ngayong naakusahan na nagmimintina ng tinatawag na ‘troll farm’ matapos ibunyag ng Commission on Audit (COA) sa kanilang audit report na gumastos ito ng P70.6M para sa sweldo ng 375 contract of service (COS) personnel nitong 2020. Ang 70 sa mga COS na ito ay nakatalaga mismo sa tanggapan ni PCOO chief Martin Andanar. Ang COS, katulad ng job orders o JO ang katumbas ng ‘endo’ sa pampublikong sektor.

Ang PCOO ay maliit lamang na ahensya sa Office of the President. Bago ang dagdag na 375 ay mayroon lamang itong 144 na empleyado. Sa nadagdag na 375, maituturing na ngayon ang PCOO bilang isang ‘large’ enterprise dahil lagpas na sa 200 ang workforce nito. Ang negosyo na mababa sa 200 ang empleyado ay tinatawag na micro, small, and medium enterprises o MSME na bumubuo sa mahigit 90% ng rehistradong negosyo sa bansa.

Ayon sa COA, ang ‘unrestricted at massive hiring’ na ito ay mali dahil bukod sa pinalobo nito ang PCOO personnel ng 260%, maari pa sanang nagamit ang pondo sa ibang programa ng gobyerno. Makailang beses nang pinuna ng COA ang PCOO sa mga kontrobersyal na paggastos nito sa mga nakaraang taon, pero pagtuunan muna natin itong may kinalaman sa ‘troll farm’.

Sa unang tingin ito ay 375 na bagong trabaho na importante sa panahong ito kung saan naglaho ang maraming trabaho. Ang mga labor groups mismo sa ilalim ng Nagkaisa Labor Coalition ang nananawagan ng public employment programs (PEP) bilang solusyon sa malalang unemployment problem ng bansa. Pero ang hinihingi nila ay trabaho sa mga importanteng sektor katulad ng healthcare, agrikultura, pabahay, paid trainings, atbp., at ang tinatawag na climate jobs. Wala sa kanilang imahinasyon ang trabaho sa ‘troll farms’.

Siyempre todo ang depensa ng PCOO na hindi para sa ‘troll farm’ ang hiring ng 375 na ginawa nito. Sila daw ay mga ‘social media specialists’ para sa mga gawain na ‘highly technical’ katulad ng graphic artists, videographers, editors, directors, colorists, “to produce content for other agencies as our clients,” paliwanag ni PCOO Usec. Kris Ablan.

Ibig sabihin, wala sa 144 na empleyado ng ahensya ang ‘highly technical’ kaya’t kailangang mag-hire ng endo 375. Idinagdag pa ni Ablan na ginawa ng PCOO ang mag-hire ng endo sa halip na punuan ang mga bakanteng plantilya sa ahensya dahil sa mababa ang kanilang pasweldo. Ganern?!

Teka. Lalo lang nagkakabuhol-buhol ang paliwanag. ‘Highly technical’ pero baratan? Kung pantay na hahatiin kasi ng 375 na ‘social media specialists’ ang P70.6M, bawat isa sa kanila ay tatanggap lamang ng P188,266.67 sa loob ng isang taon, o katumbas ng P515.79 kada araw. Mas mababa ito sa P537 na minimum wage sa NCR. Lumalabas na panalo pa ang gubyerno sa diskarteng ito dahil nakatipid. Pero pagtitipid nga ba ang totoong layunin?

Para makumpara ang presyo sa merkado ay sinilip ko ang salaryexplorer.com at nakita ko dito ang salary range ng social media specialists sa Pilipinas. Ito ay nasa pagitan ng P18,900 – P65,400, depende sa experience, skills, at lugar ng trabaho. May kamahalan talaga ang mga talent na ganito. Ang Department of Finance nga ay nag-hire din ng batikang social media specialist na nasangkot sa fake news noong 2016 sa kontratang nagkakahalaga ng P909,122 mula June hanggang December 2021, o katumbas ng P151,520 per month. Mas mahal ang script writer

Ang Bureau of Local Employment ng DOLE ay nagsasabi rin na ang entry level salary ng graphic artist sa Pilipinas ay naglalaro sa pagitan ng P12,000 – P27,000 per month. Sa ibang site na tiningnan ko, ang average monthly pay ng graphic artist ay P22,971. Sa payscale.com ang pay scale ng videographer ay P205,144 – P300,000 kada taon depende sa experience. Ang video editor naman ay may rate na P242.23 per hour o P1,937.84 kada araw. Ang content manager ay umaabot sa average pay na P347,586 per year. Ang average pay ng writer ay P20,000 per month. Sa script writer ay maaring kumita ng kalahating milyon sa isang taon.

Kaya’t ang maipapayo ko siguro sa mga may ganitong talento sa social media, piliin ang trabahong hindi endo at mas mataas ang sweldo. Wala nito sa PCOO.

Sa magaganap na hearing sa Senado ay ano kaya ang mapapatunayan? May ‘troll farm’ ba ang PCOO o ito ay mas ‘endo farm’? Malamang pareho.

The post Endo ‘troll farms’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Endo ‘troll farms’ Endo ‘troll farms’ Reviewed by misfitgympal on Hulyo 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.