HINDI mga pulitiko kundi ang mga Filipino ang hayaang humusga sa iiwang legasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang magsagawa ng huli niyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 26.
Sa kanyang pagbisita sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Caloocan City noong Miyerkoles, inilatag ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga polisiya at mga natupad na pangako ng Duterte administration na bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng panatag at komportableng buhay ang mga Filipino.
“Alam n’yo, mga pinangako n’ya, ang laban sa korapsyon sa gobyerno, kriminalidad, at iligal na droga… napakahirap po sugpuin totally ng iligal na droga pero talaga pong sinisikap ng Pangulo ang lahat ng makakaya (niya),” sabi ni Go.
“Let the people be the judge. Tanungin n’yo ang inyong mga anak, yung mga OFWs (overseas Filipino workers), tanungin n’yo ang mga anak nila… Nakakauwi na ba sila nang ‘di nababastos? Kayo na po ang humusga sa ginawa ng Pangulo. Yung ginawa n’ya pong pagsa-sakripisyo, sinugal n’ya po ang kanyang buhay para sa ating mga anak, sa next generation po,” saad pa niya.
Hindi na nagpalawig pa o idinetalye ang Duterte legacy, iginiit ni Go na inimplementa ng Pangulo ang mahahalagang proyektong pangemprastraktura sa bansa sa pamamagitan ng “Build, Build, Build” program.
Ipinagyabang din ng senador ang patuloy na pagbaba ng crime rate sa Pilipinas at ang patuloy na pag-ayos ng traffic situation sa mga lansangan sa bansa.
“Kung mga proyekto naman po ang pag-uusapan, makikita n’yo naman po ang Build, Build Build, nandiyan po. Crime rate, bumaba, kaso ng mga durugista, mas kumonti, bagama’t marami ang namamatay dahil nakikipagpatayan sila. Eh, kapag pumasok kayo sa droga, alam n’yong ang isang paa n’yo, nasa hukay na. Pumasok kayo sa droga, sugal n’yo na po ‘yun,” ani Go.
“Sa accomplishment po, napakarami na po, (tulad sa) transportation. In fact, bukas po magbubukas ang bagong linya ng LRT d’yan sa Antipolo,” idinagdag ng senador.
Sinabi ng mambabatas na ang mga karaniwang Filipino ang totoong nakakikita at nakararamdam ng pagbabago na ginawa ng Duterte administration kaya marapat lamang na hayaan ang taumbayan ang humusga sa mga natupad na pangako ng Pangulo na bigyan ng positibong buhay ang mga Filipino.
“Hayaan na natin sila humusga… Marami na pong nagawa ang ating mahal na Pangulo, National ID, Ease of Doing Business, strong telco sector… health natin, libre po… ang ating universal healthcare. Meron na rin po kayong Malasakit Centers na isa sa ating isinulong. Ako naman po, meron na tayong National Academy of Sports, isang eskwelahan po na pwede nang mag-aral at magtraining ang ating kabataan at the same time.”
“Marami na pong nagawa ang ating mahal na Pangulo. Asahan n’yo po hanggang sa huling araw ng kanyang termino ay gagawin nya ang lahat. Ito pa, free tuition po sa college. Alam n’yo naman po ‘yun na importante po ‘yun sa ating mga estudyante, sa mga kababayan nating mahihirap. Sa peace naman po, na-achieve natin ang peace sa Mindanao, itong BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) Law, naipasa, ginagawa po lahat ng ating gobyerno,” ayon kay Go.
The post Final SONA: Hayaan ang Filipino na humusga sa legasiya ng Pangulo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: