“JAIL them all!”
Ito ang reaksyon ni Manila Mayor Isko Moreno sa balitang isang nurse mula sa lungsod ang naaktuhang nagbebenta ng 300 Sinovac vaccines sa halagang P1 million at naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).
“We thank the NBI for helping the city government protect our citizens. Congratulations NBI, jail them all!,” sabi ni Moreno.
Samantala, sinabi ni Manila Health Department (MHD) chief Dr .Arnold ‘Poks’ Pangan na imposibleng ang vaccines na umanoy binebenta ng nurse na nahuli sa Quezon City ay nagmula sa storage facility ng Maynila.
Ayon kay Pangan, ang storage facility ng lungsod ay bantay sarado at bilang ang dami ng bakuna dito. Ang lungsod ay gumagamit ng dalawang storage facilities, isa sa Sta. Ana Hospital at isa naman sa Paranaque kung saan nakaimbak ang Sinovac.
Ayon kay Dr. Ted Martin, director ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) simula ng maupo si Moreno bilang alkalde, ang nurse ay kinilalang si Alexis de Guzman, at may 15 taon ng nagsisilbi sa lungsod at kasalukuyang nakadestino sa operating room.
Sinabi pa ni Martin na si De Guzman ay hindi bahagi ng vaccinating team ng pamahalaang lungsod.
Base pa sa mga impormasyong nakalap ang asawa ni De Guzman ay isang businesswoman na ilang taon ng nagbebenta ng mga anti-flu at anti-pneumonia vaccines.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nagpatawag na si Moreno ng meeting upang pag-usapan ang bagay na ito.
Mismong si Moreno ay kontra sa bentahan ng COVID-19 vaccines at dahil dito ay pinangunahan niya ang pagpasa ng Ordinance 8740 na nagbabawal ng bentahan ng COVID-19 vaccines kahit saang parte sa lungsod.
Ang nasabing ordinansa na nagkakaisang ipinasa sa Manila City Council sa ilalim ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer at majority floorleader Atty. Joel Chua, ay nagsasabing bawal sa sinumang tao, institution, corporation, grupo o organisasyon ang magbenta, mamahagi o mangasiwa ng COVID-19 vaccines para pagkakitaan habang ang bansa ay nasa state of public health emergency at walang ring full market authorization na mula sa food and drug administration.
Ang mga lalabag ay mahaharap sa P5,000 multa at pagkakakulong nang hindi lalagpas sa anim na buwan. Dagdag pa dito, ang business license na ibinigay sa tao, corporations, group o organisasyon ay agad na babawiin at hindi na muling papayagan na makapagnegosyo pa sa lungsod.
Si De Guzman ay nahuli sa isang entrapment operation kung saan kabilang sina Calvin Yeung Roca, Filipino-Chinese, at Kour Singh, ng NBI task force against illegal drugs sa ilalim ni Ross Jonathan Galicia, na nagsabing ang mga suspek ay bahagi ng grupong nagbebenta umano ng COVID-19 vaccines sa publiko, partikular sa mga Chinese workers. (ANDI GARCIA)
The post Sa nahuling nurse na nagbebenta ng COVID-19 vaccine: ‘JAIL THEM ALL’ – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: