HINDI lamang ang pamahalaan ang may ekslusibong gampanin o trabaho para masugpo ang mga katiwalian kundi ang bawat isang Filipino.
Sinabi ito ni Senator Christopher “Bong” Go bilang reaksyon sa pahayag ng kapwa senador Manny Pacquiao na ang korapsyon ay mas lumaganap sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinontra ni Go ang pahayag ni Pacquiao sa pagsasabing ang pamahalaan ay hindi tumitigil at patuloy na determina na laban ang korapsyon.
“Ayoko na pong dumagdag ng komento tungkol d’yan basta ang ating layunin dito, iisa po—sugpuin ang korapsyon sa gobyerno,” ayon kay Go.
Ani Go, nananatiling nakapokus si Duterte na sugpuin ang katiwalian sa gobyerno, gaya ng kanyang pangako sa unang araw pa lang ng termino ng Chief Executive.
“Unang araw pa lang ng termino ni Pangulong Duterte, isa sa kanyang ipinangako ay labanan ang korapsyon sa gobyerno, labanan ang kriminalidad at labanan ang iligal na droga,” ipinunto ni Go.
Inilatag ni Go ang mga naging aksyon ni Pangulong Duterte sa paglaban sa katiwalian gaya ng pagsibak sa ilang “unscrupulous officials” at pagtukoy sa kanilang mga pangalan sa harap ng publiko.
“Tuluy-tuloy po ‘yan hanggang may mga taong sinisibak at tinatanggal sa gobyerno at pinapangalanan niya in public. Kahit na ang iba d’yan, tumulong sa kanya nung kampanya… kapag naamoy niya na sangkot sa korapsyon, sinisibak n’ya agad,” sabi ni Go.
Kaya naman nanawagan si Go sa lahat ng Filipino na makipagtulungan sa gobyerno at sumama kay Duterte na giyerahin ang mga korap sa pagsasabing hindi ito magagawa ng Pangulo na mag-isa.
“Seryoso si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa korapsyon so tulungan natin siya. Hindi niya ito kayang gawing mag-isa,” said Go.
“Tulungan natin siya, isumbong n’yo po kaya sabi ni Pangulong Duterte, pangalanan dapat dahil hindi na tatagal ng isang linggo kapag napatunayan n’ya. Sisibakin n’ya po,” idinagdag ni Go.
The post ‘PAGSUGPO SA KORAPSYON, TRABAHO NATING LAHAT’ — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: