DAHIL naranasan noon ang hirap nang walang pera nang may magkasakit sa pamilya, naging masinop sa pag-iipon ang 70-anyos na si Adonis Buemia. Ang problema, ang naipon niyang halos P50,000, pinapak ng anay.
Pagde-deliver ng yelo ang pangunahing ikinabubuhay ni Mang Adonis na halos 30 taon na niyang ginagawa.
Ang kita niya sa pagde-deliver ng yelo, P300 sa isang araw. Ang P100 sa kaniyang kita itinatabi niya.
Sa pagtitipid, nakaipon si Mang Adonis ng pambili ng maliit na bahay. Para may dagdag na kita, pinaupahan niya ang ikalawang palapag ng bahay at sa ibaba naman sila nakatira ng kaniyang anak.
Kasunod nito nakabili rin si Mang Adonis ng motorsiklo na nagagamit niya sa paghahanapbuhay.
Kahit 70-anyos na, kailangan pa rin ni Mang Adonis na kumayod dahil siya lang ang bumubuhay sa kaniyang anak na maysakit.
Ayon kay Mang Adonis, hindi nakalalakad, hindi nakapagsasalita, at hindi rin kayang kumain na mag-isa ng kaniyang anak.
Kaya naman mahalaga kay Mang Adonis ang kaniyang naitatabing pera na kaniyang pinaghirapan pero masasayang lang dahil sa mga anay.
Pinoproblema ngayon ni Mang Adonis kung maaari pa kayang mapalitan ng bangko ang kaniyang nasirang mga pera.
The post Inipong P50k pinapak ng anay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: