Facebook

Kapalmuks

SA pagnanais na maiwasan ang darating na indulto sa buhay, inatasan ang PaDaPa Laban na magkaroon ng party executive caucus upang maglahad ng kagustuhang iendorso si Totoy Kulambo bilang bwisit president sa darating na halalan pambansa sa ’22. Naganap ang pagpapasya ng maabot ang quorum ng kasapian at dito nga napagpasyahan na iendorso si Totoy Kulambo bilang kanilang kandidato sa pagka bwisit presidente sa ’22 kahit wala ang mabibigat na kasapi ng partido.

Hindi masabi kung ito ang talagang gusto ng partido dahil wala ang mga lider ng PaDaPa sa nasabing pagtitipon at hindi kinikilala ang naganap na party caucus. Sa sulyap, may Maniobrahan na naganap at naisantabi ang pumuposisyong boksingero na tila nasungkit ng kaliwa’t kanang buntal na naglagay sa alanganin upang matamo ang pang-siyam na kampeonato. Hindi si BOB Arum ang dumale kay Mane kundi si Ponso Cusi na siyang susi sa mga nararanasang brown-out ng bansa sa kasalukuyan. Tuloy ang laban para sa pambansang kamao….

Sa pagpasok ng brownout, tila giniyahan ng palad ang boksingerong senador at bumanat ng kaliwa’t kanang sapak sa kalihim ng enerhiya na natutulog sa trabaho at inuuna ang pamumulitika sa halip na harapin ang krisis ng brownout sa bansa. Walang tuwirang tugon ang kalihim sa usapin ng brownout sa halip hiningi ang pagbibitiw ng senador sa PaDaPa dahil sa paninira sa pamahalaan ni Totoy Kulambo partikular ang laban sa korapsyon.

Sa kaganapan sa PaDaPa, malinaw na pagkakahati ito at malamang ang Inferior Davao Group ang mananaig dahil dala nito ang kaban na nagbibigay karangyaan sa buhay. Ang pagpapatawag ng executive caucus ang unang hakbang ni Totoy Kulambo sa pagpapa-alis ng mga balakid sa pagnanais na maisalba ang sarili, pamilya at maging ang malalapit na kaalyado sa darating na mga usapin. Maaga ang depensa o kapalmuks talaga. Binalewala ang samahan ng mga magkakaibigan upang matiyak na ‘di makakalaboso at tuloy ang ligaya sa susunod na mga taon.

Tunay na pansariling hangarin ang pinaghahandaan ni Totoy Kulambo, lahat ng posibilidad na maaaring mangyari sa kanya at sa pamilya sakaling mawala sa pwesto. Ginagawa ang lahat upang panghawakan ang immunity sa pwesto ng bwisit presidente kung sakaling may delubyong maganap sa kaniyang pamilya. Subalit ito’y mangyayari lamang kung magiging kakampi ang magiging pangulo at kung magiging patas ito na may pagpapahalaga sa batas. Sa isang banda, dapat ihain ang dapat ihain at ito ang mandato na dapat sundin kakampi man o hindi, at malamang magtutuloy ang bangungot ni TK.

Sa ngayon, inilalatag na ang mga paghahanda sa pagsipa sa mga katunggali sa pwesto maging ito’y kapartido o kaibigan. Isantabi muna ang pagkakaibigan sa ngalan ng kinabukasan. Sa paghahandang ito, umaasa na ang lahat ng pagpapasya ng mga taong ayaw bumitaw sa kasaganahan ng pwesto’y patuloy na yuyuko sa nais ni TK. Ang pagpapalit ng mga kaisipan ng lahat ng mga kakampi o katunggali sa politika’y magbabago sa lalong madaling panahon. Malalaman ito ni Mang Juan sa lalong madaling panahon.

Sa mga pumuposisyon, si Totoy Kulambo ang may pinaka makapal ang mukha. Bakit at paano? Sa una’y pa-ayaw ayaw pa ito sa nagtutulak sa kanya na tumakbo sa buwisit presidente at ilang ulit na ibig mag resign sa pagkapangulo, ano ngayon, sige na nga tatakbo na. Mukhang gustong makita ang malakas na suporta sa kasapian bago sabihin ang nais, kapalmuks talaga. At sa totoo lang, palabas lang ang lahat upang makita ang simpatya at ang tawag ng mamamayan.

Hindi nagtagal sinimulang pagpupunahin ang mga posibleng makalaban sa darating na halalan. Panay ang banat sa mga posibleng katungali na mga kandidato. Nariyan na ginagamit o gagamitin ang kamay ng gobyerno upang ilabas ang mga baho ng mga politikong ayaw pang pumanig sa kanya. Nariyan na ilalabas posibleng mga kaso kung hindi makikiisa sa kanya. At hindi malayo na sa loob ng madaling panahon ang mga ito’y mananahimik o sasama sa lapian ng IDG. Sa kabila ng paghahanda na manalo sa pagka bwisit presidente, at ang posibilidad ng pag-reresign o mautas ang mananalong pangulo, tuloy ang hayahay na buhay ng Inferior Davao Group.

Tunay na henyo sa kasamaan, ang nakatira sa puno ng Balite sa Malacanan, may mga scenario setting na ginagawa upang kung hindi umubra ang mga unang plano’y nakahanda na sa mga susunod na aksyon. Ang pagkontrol sa PaDaPa Laban ang ginawang behikulo at ngayo’y ginagamit ni TK sa paghahayag na bilangin na siya sa mga nag-iinteres sa pagka bwisit presidente. Tiyak na isa sa mga alagad nito sa IDG ang bibigyang basbas ng partido upang maging pangulo.

At siempre si TK bibigyang laya na mamili ng magiging pangUlo sa darating na halalan. Ito ang kakaiba at bagong kaayusan sa politika sa bansa. Ang bwisit na presidente ang magdadala ng timon at susunod lamang ang PangUlo, ano bilib ka no…kapalmuks talaga…

Sa oras magkaroon ng hugis ang mga tatakbo sa mga pambansang pwesto, lalo sa hanay ng magkakatungali, umasa na lalabas ang walang humpay na pondo ng bakuna upang gamitin sa pulitika sino man ang makakalaban. Kita na sa mahiwagang bolang Kristal kung paano pinalalambot ang boksingerong senador sa ngalan ng pag-endorso sa napipisil na pwesto sa pambansang halalan.

Alam gamitin ni TK ang mahabang kamay ng pamahalaan upang pasukuin ang kalaban. Ang katusuhan nito’y ganap at ramdam ng sino mang makakatungali nito. Walang patas na laban ang maasahan sa halalan dahil nakasalalay ang kanilang buhay at kabuhayan.

Subalit, batid natin na umuulit ang kasaysayan. Ang pagkadismaya ni Mang Juan sa kaganapan sa bayan, ang kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, paglabag sa karapatan pantao, kalabisan sa pamahalaan, kronyismo, huwad na laban sa droga, pagbebenta sa mga isla sa WPS at marami pang iba ang nagtutulak na mamulat sa katotohanan.

Sa iyo TK, hindi na tatabo ang pagJetSki at panggagago mo sa mga tao, batid ni Mang Juan ang karakas diablo mo. Isa kang makapili at kapalmuks na puno. Ikaw at ang mapipili mong pangUlo’y titiyakin na hindi mananalo. Mulat na si Mang Juan sa kataksilan sa bayan. Mabuhay ang Bayan.

Maraming Salamat po!!!

The post Kapalmuks appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kapalmuks Kapalmuks Reviewed by misfitgympal on Hulyo 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.