PAWANG matitinding laban ang sasabakan ni Sen. Manny “Pacman” Pacquiao sa hinaharap.
Isa na nga riyan ay ang nakatakda niyang pakikipagbasagan ng mukha kay WBC at IBF welterweight champion Errol Spence Jr. sa susunod na buwan.
Hindi maitatatwa na dehado si Pacman sa labang ito. Una, kung hindi ako nagkakamali, dalawang taon nang hindi nakakaakyat sa ibabaw ng parisukat na lona si Pacquiao.
Ikalawa, 42 taong gulang na ito habang 31-anyos naman si Spence at ikatlo’y mas matangkad daw ng apat na pulgada si Spence kumpara sa People’s Champ.
Sabi nga ng ilang boxing analysts, mukhang daraan daw sa butas ng karayom si Pacquiao lalo pa’t matagal nga itong napahinga at talagang mahirap ibalik ang lakas at kondisyon ng isang boksingerong tulad niya sa maikling panahon lamang.
Gayunman, kilala natin si Pacquiao. Sanay siya sa mga ganitong pagsubok. Laki ito sa hirap at nagsumikap para marating ang kasalukuyan niyang kinalalagyan.
Matatag ang katawan niya o sanay sa hirap at gutom. Bunsod ng matibay niyang determinasyon, lahat ay sinuong niya upang marating ang kanyang mga pangarap at tagumpay.
Sa daigdig ng boksing, maraming kakampi at nagmamahal sa mga kagaya niyang underdog.
Maliban sa nakatakda niyang super fight kay Spence, hindi rin biro ang laban ni Pacquiao sa Senado nang simulan niya ang pagkalkal sa korapsiyon daw sa mga ahensya ng gobyerno.
Kahit may mga sektor na nais niyang suportahan para mailantad mga nakawang nangyayari raw sa ilang ahensya ng pamahalaan at maparusahan ang mga buwaya, aba’y masasabing mas marami raw ang kumakalaban sa ating Pambansang Kamao.
Tulad ng inaasahan, gusto raw ng mga tiwali na mabigo siya. Aba’y ngayon pa lang daw ay kinakantiyawan na siya at maliit lang daw ang kanyang pasabog.
May mga nagsasabi rin daw na kinakalaban na niya si Pangulong Rodrigo Duterte pero para kay Pacman ay isang uri ito ng pagtulong sa chief executive upang mailabas ang katotohanan at masimulan ang imbestigasyon ukol dito.
Sa kabila naman ng pamba-bash na inaabot niya, desidido si Pacman na maibuyangyang ang korapsiyon.
May paksiyon din daw na gustong mabasag ang PDP-Laban at sa pamamagitan nito’y gumagawa sila ng ingay sa paniniwalang target ni Pacquiao ang pinakamataas na posisyon sa darating na halalan.
Ayaw nila kay Pacman at mas gusto raw nilang “outsider” ang gawing bet o standard bearer sa susunod na taon.
Posibleng isulong pa nga raw ng mga ito ang pagtanggal kay Pacquiao bilang acting president ng partido sa isasagawang national council meeting ng PDP-Laban sa darating na Hulyo 17 ngayong taon.
Ngunit sa harap ng hamong ito, naniniwala tayo na hindi basta-basta susuko si Pacquiao.
Tiyak na bibigyan niya tayo ng magandang laban dahil sanay siyang makipagbasagan ng mukha sa lona. Ibubuhos ni Pacquiao ang buong lakas niya sa pamamagitan nang parehas at maginoong paraan.
Sabi nga, manalo man o matalo, hindi tayo bibiguin ng Pambansang Kamao.
Sanay siyang magpabugbog at sa bandang huli ay tiyak daw na tataob ang mga bumibigwas sa tulad niyang underdog.
Abangan ang susunod na kabanata!
* * *
AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post PACMAN HANDA NA SA MAS MATINDING LABAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: