Facebook

Pinuputakte na ng atake si Pacquiao

HINDI paman opisyal na nagdedeklara ng kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo sa Election 2022, pinuputakte na ng mga banat ang boksingerong politiko na si Senador Manny Pacquiao.

Pero sabi nga: “Once a fighter, always a fighter”. Habang kinukutya si Pacquiao ay lalong nagiging palaban. Para lang nasa boxing ring, kapag nasugatan o nasaktan siya ng kalaban ay lalong lumalakas ang kanyang mga resbak na suntok.

Kaso mas malupit sa labas ng ring, mismo mga malapit na kaibigan pa ni Pacquiao ang mga kalaban niya ngayon. Ito ang sinasabing: “Walang permanenteng kaibigan sa politika, kundi puros personal na interes lamang.”

Oo! Kabalitaktakan ngayon ni Pacquiao ang minsan ni-yang kautang-dila pati sa pambabae na sina dating Ilocos Sur governor ngayo’y Narvacan mayor Chavit Singson, at Presidente Rody Duterte mismo.

Naghiwalay ang landas nina Pacquiao at Singson dahil hindi raw pinagbigyan ng senador ang hirit ni Singson na huwag nang taasan ang tobacco excise tax.

Ang tabako ay isa sa mga negosyo ni Singson.

Sa tabacco excise tax din nag-away noon sina Singson at noo’y bespren niyang si impeached/ex-convict President Joseph “Erap” Estrada.

Sa panayam ng media kay Singson kamakailan, sinabi niya na kung ayaw na ni Pacquiao sa kanya, ayaw niya narin dito. Suportado aniya sa boxing si Pacquiao pero sa politika, “mag-aral muna siya.”

Sa bangayan nila ni Duterte, nagsimula ang lahat nang magsalita si Pacquiao sa pagpabor ng Pangulo sa China sa pananakop nito sa karagatan at mga isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Iba raw ang sinasabi noon ni Duterte laban sa China sa WPS sa ginagawa nito ngayon. Totoo naman.

Binira rin ni Pacquiao ang aniya’y triple ang korapsyon sa Duterte administration kumpara sa mga nakaraang pa-mahalaan.

Dahilan para hamunin ni Duterte si Pacquiao na maglabas ng listahan ng mga ahensiya na may katiwalian, siya na raw ang bahala in 1 week. Kung hindi, sisiraan aniya si Pacquiao sa pagtakbo nito sa 2022. Sasabihin niya sa mga tao na ‘wag iboto dahil sinungaling ito.

“Call” si Pacquiao sa hamon ni Duterte, tulad lang ng pagtanggap niya sa hamon ng mas bata at malaking undefeated IBF/WBC champion na si Errol Spence ng Amerika.

Nitong Sabado ng hapon, Hulyo 3, ibinunyag ni Pacquiao ang mga ahensiya ng gobierno na aniya’y ga-bu-ndok ang katiwalian. Kabilang sa kanyang mga pinangala-nan ang Dept. of Health (sa pagbili ng mga bakuna at PPEs), Dept. of Energy (sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines), DSWD (sa bigayan ng SAP), at marami pa.

Sabi ni Pacquiao, paiimbestigahan niyang lahat ito pagkatapos ng kanyang laban kay Spence sa Agosto 21. Abangan!

Bukod kina Singson at Duterte, nakisali rin sa away ang isang Pastor Quiboloy. Sinabihan niyang “traydor” kay Duterte si Pacquiao.

Sina Quiboloy at Duterte ay malapit na magkaibigan.

Asahang walang maririnig kay Pacquiao mula ngayon. Tiyak ‘di muna siya papa-interview. Tutok na ito sa kanyang 1 month training. Kailangan niyang manalo, mapabagsak si Spence para ang masa na ang sisigaw ng “President Pacquiao”. Pag natalo siya, tiyak sa kangkungan siya pupulutin sa 2022. Mismo!

The post Pinuputakte na ng atake si Pacquiao appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pinuputakte na ng atake si Pacquiao Pinuputakte na ng atake si Pacquiao Reviewed by misfitgympal on Hulyo 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.