ANUMANG araw mula ngayon ay magbubukas na sa publiko ang newly-rehabilitated Sta. Ana Hospital Dialysis Center na nagtataglay ng mga moderno at high-tech na kagamitan.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabing ang bagong dialysis center sa ilalim ng superbisyon ng hospital director na si Dr. Grace Padilla ay pangatlong dialysis center sa Maynila. Una ay ang nasa Ospital ng Maynila habang ang ikalawa naman ay ang Siojo Dialysis Center, na tinuturing na pinakamalaki sa Southeast Asia at nasa ilalim ng superbisyon ni Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) Director Ted Martin.
Sinabi ni Moreno na hindi gumastos ng kahit na na isang sentimo ang pamahalaang lungsod sa nasabing center dahil ang gastos dito na nagkakahalaga ng P20 million ay nagmula sa isang donor na ayaw ipabanggit ang pangalan.
Ayon kay Moreno, ang bagong Sta. Ana Hospital dialysis center ay may 11 upuan na may anim na fresinus hemodialysis machines, high-end HD machines at dalawang makina na may portable reverse osmosis.
Idinagdag pa ng alkalde na ang center ay may negative pressure na kuwarto pa sa mga pasyente ng COVID-19 na kumpleto ng high efficiency particulate (HEPA) filter at portable reverse osmosis at 11 television sets na may wireless bluetooth headsets.
Pagdating sa mga kagamitan, sinabi ni Moreno na mayroon ding bagong ECG machine, defibrillator, suction machine, HEPA filter, ECart with medications, digital wheelchair weighing scale, computers at printers ang bagong dialysis center.
Sinabi ni Padilla kay Moreno na ang center ay kayang tumanggap ng 12 pasyente kada araw mula Lunes hanggang Biyernes.Samantala, tanging emergency dialysis lamang ang tatanggapin tuwing Sabado at Linggo.
Ang operasyon ng center ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Shifting din ang oras na pagtatrabaho ng nurse dito.
Sinabi ni Padilla ang bagong center ay magsisilbi lamang sa may 26 na pasyente kada buwan at tatlong beses isang linggo, pero kapag fully-maximized na ang center ay gagamitin na ang 11 dialysis machines kung saan kaya ng tumanggap ng 22 pasyente bilang kapasidad bawat araw o katumbas ng 66 na pasyente kada buwan.
Mayroon ding isolation rooms para sa mga dialysis patients na may COVID-19 habang panibagong dialysis unit ang ilalagay sa Intensive Care Unit, dagdag pa ni Padilla. Ang dialysis center ay matatagpuan sa ika-anim na palapag ng ospital.
Sinabi ni Moreno na ang bagong center ay malaking tulong at kukumpleto sa Flora V. Valisno de Siojo Dialysis Center na kanyang binuksan noong ika-45 taong kaarawan niya noong 2019 kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, Dr. Martin at ang yumaong dating alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo S. Lim, kung saan ipinangalan ang center na lola nito.
Ang karaniwang bayad sa dialysis ay mula P2,200 hanggang P5,000 kada isang session at kailangang gawin ito ng tatlong beses isang linggo. (ANDI GARCIA)
The post Sta. Ana Hospital Dialysis Center, magbubukas na sa publiko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: