Facebook

Tapos na ba ang ulan?

MAHABANG panahon na gumamit ng abaniko si Mang Juan upang mapawi ang init ng katawan dulot ng mainit na panahon. Hirap na tinitiis ang pawis sa buong araw sa kadahilanang madalan umiihip ang malakas na hangin. Hindi makaya ng electric fan na magbigay ng malamig na hangin at sumasabay na lang sa init ng panahon na kasing init ng makina nito. Talagang kalbaryo ang kalagayan ng mga maralita, hindi lang sa buong araw ng nagpapaypay kundi hanggang sa magdamag upang patulugin ang anak at apo na alumpihit sa pagtulog sanhi ng init ng panahon at siksikang higaan.

Walang magawa si Mang Juan at si Aling Marya kundi ang alalayan ang mga paslit na alaga na sa konting kibot ay nagigising na umiiyak sa init na nadarama. Hayun magdamag na tila tulog manok ang mag-asawa para sa mga bata. Walang palad ang mga ito dahil napakailap ng malamig na tulugan na dulot ng aircon sa kanilang kalagayan sa buhay. Di mabuksan ang pinto o bintana ng kabahayan sa takot ng mapasok ng mga mapagsamantala at ubusin ang kanilang natitirang ari-arian o maging ng kanilang kaligtasan.

Tila maikli at mapili ang pagbibigay proteksyon sa sarili maging sa mga mahal sa buhay kung tuwiran ang sasapitin, sakit o kapahamakan. Habang sa pagpili ng liderato ng bayan, nariyan na nadadala tayo sa mga pansamantalang mga barumbadong pangako na naglalagay sa atin at sa bayan sa mas malalim na kahirapan na dadalhin sa mahabang panahon. Kung nagagawa na bakahin ang magdamag upang makatulog ng mahimbing ang anak at apo, kaya ba ni Mang Juan na magising para sa kagalingan ng bayan, hindi lang sa magdamagan kundi sa pangmatagalan?

Oo, dahil sasapit ang tag-ulan upang diligan ang natutuyong kalupaan na sasabayan ng kamulatan ng diwa ng aping mamamayan. Hindi hanap ni Mang Juan ang pansamantalang kariwasan, ang tunay at tuloy – tuloy na kaligtasan sa anumang panahon ang nais makamtan. At sa pagpalit ng panahon, itatabi na ang abanikong gamit, ang dantay sa anak at apo’y sapat para sa mahimbing na pagkakatulog, parating na ang tag-ulan na ating hanap.

Nang pumatak ang ulan, naligayahan ang maraming nilalang lalo ang mga magsasaka na umaasa sa ulan sa kanilang kabuhayan. Simula ng pumatak ang tubig mula sa langit, lagpas labi ang ngiti ni Mang Juan na tila mararamdaman na ang araw at gabi na hindi hawak ang abaniko na nagpababa sa bisig nito. Isa, dalawa, tatlong araw na ang lumipas nariyan pa rin ang ulan, hayun hindi na malaman ni Mang Juan kung saan pupunta dahil ang bahay na tinitiraha’y tinangay ng baha na dulot ng ulan. Apat, limang araw patuloy pa rin ang ulan na tila gumanti sa haba ng tag-araw na nakalimutan ng sumikat sa kalangitan.

Nasira ang barong-barong ni Mang Juan at dinala sa lugar likasan upang matiyak ang kaligtasan at ng pamilya. Napalitan ng pangamba ang hanap na kalamigan at heto’t kasama ang ibang pamilya nagsisiksikan sa evacuation center para sa pansamantalang pananatili. Lalong nahirapan si Mang Juan dahil hindi sanay sa buhay na may kasamang iba. Asiwa man ito, kailangan tangapin pangyayari upang matiyak ang kaligtasan.

Anim, pitong araw at tila malayo pa ang pagtigil ng ulan na nagbigay dito ng mas malalim na alalahanin lalo ngayon na panahon ng pandemic. Kita sa langit ang pagngingitngit ng gustong lunurin ang kaMaynilaan. At iba na ang dasal ni Mang Juan, kailan titila o ulan? Ang ulang hanap na mapanira’y panandalian lamang.

Hindi ito nagbibigay ng matagalang pagkasira ng mga bagay na malapit sa atin. Ang kagalingan pa nito, ang likas yaman ng mundo na nasisira at nilalapastangan ng tao dahil sa kasakiman ang siyang panangga laban sa anu mang uri ng kalamidad. Ang mga kalamidad na ito ang siya ring tagapagmulat sa sino mang tao na kailangang alagaan ang mundo at isantabi ang makasariling pagnanais, dahil ito ang ating katuwang at tagapagligtas.

Buksan ang isip at mata sa mga aral na dala na kailangan ilarawan at bigyan paalala upang makagawa ng tamang hakbang para sa kaligtasan ng lahat. Batid natin na ‘di lang ang bansa ang dumanas ng maraming pagkasira ng kapaligiran nariyan ang mga bansa sa Europa na makikita sa maraming footage na hinagupit ng malakas na ulan at pagbaha.

Subalit kay Mang Juan, hindi gaanong mabigat ang dulot nitong matubig na panahon. Ang sa kanya, ang ulan na taon na pagtitis sa bagyo nang pagkakamali ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay. Ang daming taong nalibing mula sa giyera sa Marawi, na hanggang ngayo’y hindi matapos tapos na maitayo dahil sa kawalan ng mekanismo sa muling pagbangon nito. Ang hindi mabilang na libo-libong nawalan ng buhay sanhi ng paglaban sa droga na pangakong wawakasan sa loob ng 3-6 na buwan.

Hindi tinangay ng baha ang mga biktima, sa halip ito’y dinukot upang magdulot ng takot sa mga Pilipino. Hindi lang sa mga gumagamit ng bawal na gamot maging sa mga katunggali sa mga negosyo na mayroong interes ang variant D. Hindi malimutan ni Mang Juan ang laban sa korapsyon na talagang ibinubuhos ng todo ang lakas ng pamahalaan upang maipakita na tunay ang labang ito, eh mukhang susuko si Totoy Kulambo sa labang ito. Batid niya na nasa loob ng mga ahensya ang mga salarin, ngunit bilang punong tagapagpaganap wala itong magawa. Ano walang magawa?

Ang isang linggong ulan na tumama sa bansa’y dapat paghugutan ng aral. Ang paghahanda sa kasalukuya’y pagsagip sa kinabukasan. Huwag ipagwalang bahala dahil nakasalalay ang kinabukasan ng bansa sa mga darating na panahon. Pag-isipan ang mga bagay na may pakinabang kay Mang Juan at hindi sa Wuhan. Matatama ang mga kahinaan sa pagpili ng tamang tao para sa kinabukasan. Iwasan ang mapanlinlang na kababayan na mapanira sa bayan.

Iwasan at huwag pakinggan ang maling pahayag sa bayan lalo’t nagdudulot ito ng sakit kay Mang Juan. Batid natin na mas madaling matutunan ang kalokohan kontra sa kabutihan. Namumulaklak sa bibig ang P**I, sa halip na po at opo na tanda ng paggalang. Nakalimutan na ba ang kaugalian na itinuro ng ating mga ninuno. Sa nalalapit na panahon, darating na tayo, kayo, sila, kami, si Mang Juan at ang balana’y maghuhusga at pipili ng kanilang pinuno, pakiusap pag-isipang mabuti at pumili ng lider na tatapos sa ulan ng kahirapan, karahasan, kawalan ng hanap buhay at kasakiman.

Tapusin ang ulan at muling pasikatin ang araw na nagbibigay ng liwanag sa buhay ng mamamayan. Limasin ang tubig ng kabuktutan, na naging salot sa bayan. Patuloy man ang pag-ulan, subalit ang pagkamulat ni Mang Juan ang siyang tatapos mapanirang ulan na dating inaasam. … matatapos din ang ulan ng kabuktutan…

Maraming Salamat po!!!

The post Tapos na ba ang ulan? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Tapos na ba ang ulan? Tapos na ba ang ulan? Reviewed by misfitgympal on Hulyo 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.