Facebook

TOLL-FREE EXPRESSWAY BINUKSAN SA CENTRAL LUZON

TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapatuloy ng mga programa at proyekto ng gobyerno na nakatuon sa pagbibigay ng mas komportableng buhay para sa lahat ng Filipino kasabay ng pagdalo niya sa pagbubukas ng unang 18-kilometrong seksyon ng Central Luzon Link Expressway kasama si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes sa Tarlac City.

“Sa ating Build Build Build program, unti unti na nating maisasakatuparan ang pangako ng Pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino. ‘Di na kailangan mahirapan pa ang mga kababayan natin lalo na sa Central Luzon dahil mas magiging mabilis at maayos na ang kanilang biyahe,” ayon kay Go.

“Dahil sa mga proyektong ito ng gobyerno, ramdam talaga ng ating mga kababayan ang ginhawa na dala ng mga bagong imprastrakturang ito,” idinagdag niya.

Ang bagong bukas na highway ay layong bawasan ang karaniwang haba ng biyahe sa pagitan ng Cabanatuan City at Tarlac City. Mula sa dating 70 minuto ay magiging 20 minuto na lamang ang biyahe, oras na maging fully operational ito.

Higit sa lahat, ang expressway ay toll-free.

Ang proyekto ay bahagi ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno na inaasahang magsisilbi bilang east-west link ng Central Luzon expressway network na titiyak sa “uninterrupted traffic flow” mula Metro Manila patungo sa mga probinsiya sa pagdaan sa North Luzon Expressway, TPLEx, at SCTEx.

Daan-daang infrastracture development plan ng Duterte administration ang nakatakdang maipatupad sa buong bansa. Obhektibo ng programa na maibsan ang kahirapan, mapalakas ang ekonomiya at masolusyonan ang traffic congestion sa Metro Manila.

Simula noong Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2020, nakakumpleto na ang Department of Public Works and Highways ng pagtatayo, pagsasaayos at pagpapabuti ng may 26,494 kilometrong kalsada, 10,376 flood control structures at 5,555 tulay kaya nabawasan ang travel time at natiyak ang kaligtasan ng motorista.

Kabilang sa natapos at patuloy pa ang poyekto ay ang Metro Manila Skyway Stage 3, San Fernando By-pass Road, Bulacan Pulilan-Baliuag Diversion Road, Sorsogon City Coastal By-Pass Road, TPLEX-Luzon Spine Expressway Network, at ang Urdaneta City By-pass Road.

Noong June 12, binuksan na sa publiko ang BGC-Ortigas Center Link Roads na nagkokonekta sa Taguig, Makati at Pasig cities na naging malaking ginhawa sa trapiko sa Guadalupe portion ng EDSA.

Sa huling ulat noong June 29, ang Binondo-Intramuros Bridge ay 70% nang kumpleto at sa pagtaya ng DPWH, aabot sa 30,000 sasakyan ang mabebenepisyohan nito. Inaasahan itong matatapos sa katapusan ng taon.

Bubuksan na rin ngayong buwan ang Estrella-Pantaleon Bridge na magkokoneta sa Mandaluyong at Makati.

Sinabi ni Go na patuloy niyang susuportahan ang mga infrastructure project na magbebenepisyo sa mga rehiyon.

“Bilang inyong Senador, asahan niyo po lagi kong isusulong ang mga proyekto, panukala at adhikain na makakatulong sa bawat Pilipino,” sabi ni Go.

“Walang humpay ang ating paglilingkod. Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan. Para naman sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte, basta kapakanan ng mga Pilipino, ipaglalaban namin ‘yan hanggang sa huli,” anang senador.

The post TOLL-FREE EXPRESSWAY BINUKSAN SA CENTRAL LUZON appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
TOLL-FREE EXPRESSWAY BINUKSAN SA CENTRAL LUZON TOLL-FREE EXPRESSWAY BINUKSAN SA CENTRAL LUZON Reviewed by misfitgympal on Hulyo 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.