ANIMNAPU’T limang porsyento o 65% ng mga pasyente na infected ng COVID-19 at kasalukuyang inaalagaan sa mga ospital na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay pawang walang bakuna.
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabi rin na ang Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) sa Luneta ay malapit ng maabot ang full capacity nito, ayon na rin sa ulat ng director nito na si Dr. Arlene Dominguez.
Sinabi ni Moreno na 88 porsyento ng 344-bed capacity o katumbas ng 302 kama ay okupado na sa MCFH.
Base sa In-Patient Vaccination Status ng mga ospital ng Maynila, sinabi ni Moreno na 11 porsyento ng pasyente ng COVID sa mga city-run hospitals ay partially vaccinated habang 24 porsyento naman ang fully vaccinated.
“Ito ang dahilan kung bakit araw-araw, linggo-linggo ang aking panawagan na magpabakuna, kahit gaano kahirap, dahil ‘yun ay tiyak na proteksyon sa tao. Kapag di ka bakunado, malaki ang tsansa na ikaw ay maimpeksyon. I hope maliwanag sa inyo magkaideya kayo bakit ako nangangampanya na tayo ay magpa bakuna. Kaya kahit mahaba pila, mainit, umuulan, di talaga ako titigil dahil ito ay science, hindi hula o pananaw lamang,” sabi ni Moreno.
Samantala sa 24/7 mass vaccination sa Maynila na nagsimula nitong Linggo ay nanawagan ang alkalde sa lahat ng mga residente na pairalin ang basic health protocols at self-discipline at intindihin ang umiiral na regulasyon.
Bago ang round-the-clock vaccination, sinabi ni Moreno na sina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan na parehong in charge sa mass vaccination program na lungsod ay nag-ulat na 1,466,594 doses na ang na-administer sa Maynila kung saan 838,548 ang first dose at 666,823 ang fully-vaccinated.
“‘Yan ay epekto lamang ng marami tayong nabakunahan kaya dapat bakunahan natin ang maraming tao. Kaya maraming salamat mga Batang Maynila, bagamat mahaba ang pila ‘yan ang resulta,” pahayag ng alkalde sabay ng pagbibigay papuri niya sa mga ginagawa nina Lacuna, Pangan at ang mga vaccinating teams ng lungsod para sa tagumpay ng vaccination program.
Ang huling naitalang active COVID cases sa Maynila ay 149 hanggang August 7 kung saan 105 ang gumaling at dalawa ang namatay.
Ang kabuuang bilang naman ng mga sumailalim sa libreng swab tests ay y140, 244 at ayon kay Moreno ay patuloy na magbibigay ng libreng swab tests ang Maynila hangga’t kaya nito.
Samantala ay nagsagawa ng draw sina Moreno at ang Manila Urban Settlements Office (MUSO) sa pamumuno ni Atty. Kris Fernandez sa Manila City Hall sa harapan ng mga kawani at pumili ng 80 applicants para sa 15-storey Tondominium 1 at Tondominium 2 sa in-city vertical housing program.
Ang bawat unit ay may sukat na 44-square meters, ito ay kumpleto na at may kusina, sala at dalawang silid tulugan . Ang nasabing housing units ay para sa mga squatters, low-income families at nangungupahan sa lungsod. (ANDI GARCIA)
The post 65% ng pasyente ng COVID-19 sa mga ospital ng Maynila, walang bakuna — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: