NAKALABAS na kami ng ospital kahapon. Halos isang linggo kami sa Romblon Provincial Hospital at sampung araw sa recovery facility dahil sa pagkakasakit ng pneumonia dala ng novel coronavirus, o Covid-19. Mabigat na karamdaman ang Covid-19 kaya dapat ang ibayong pag-iingat. Sa mga kamag-anak, kaibigan, kapalagayang loob, at kakilala na nagdasal para sa aming kaligtasan at tumulong upang makabangon, maraming maraming salamat.
***
LUMALABAS na si Bong Go at hindi si Sara Duterte ang kandidato ng Grupong Davao City sa 2022. Inendorso umano ng mga lider ng lapiang PDP-Laban si Bong Go bilang kandidato sa pangulo. Si Rodrigo Duterte ang tatakbo sa pangalawang pangulo. Hindi namin alam kung ano ang desisyon ni Sara kung tutuloy o uurong. Hindi dapat magtiwala sa sinasabi ng mapaglinlang na mag-ama na ito. Hindi namin alam kung saan pupulutin ang tambalan ni Rodrigo at Go na hindi nalalayo sa manggang nahinog sa kalburo.
Kapag tumuloy, kakatwa ang sitwasyon ng Davao Group dahil dalawa ang kandidato nila sa 2022. Nandiyan si Mane Pacquiao na may balak na pumalaot sa 2022. Kapag nagkataon, tatlo ang kandidato ng Mindanao. Nasa 25 porsiyento ng lahat ng mga botante ang taga-Mindanao. Mahirap paniwalaan na paghahatian ng tatlong kandidato ang boto ng Mindanao.
Naunang lumapit si Leni Robredo sa kampo ni Ping Lacson, Tito Sotto, at Dick Gordon upang pag-usapan ang isang malaking alyansa kontra sa mga kandidato ng Mindanao. Nagpaunlak sina Ping at nagkaroon ng usapan. “Sikreto” umano ang usapan at walang lalabas sa media. Walang kinahitnan ang pag-uusap dahil hindi sila nagkasundo sa planong “grand alliance” ng mga puwersang kontra kay Duterte. Pero may likot ng utak si Ping.
Walang masama sa ginawa ni Leni. Kailangan ang malaking alyansa upang lumakas ang puwersa ng oposisyon. Ngunit depende iyan sa mga kausap niya. Hindi namin alam kung marangal ang grupo na katagpo niya. Iyan ang tanong.
Ibinuko ni Ping si Leni na nagpasimuno ng sikretong usapan. Ibinuko na hindi tinanggap ni Leni ang panukala ni Ping na alyansa ng mga puwersang kontra Duterte. Sa maikli, si Leni ang masama sa huli. Umatake ang puwersang lenetic sa social media. Pilit na ipinagtatanggol si Leni kahit defensive mode. Pinakinabangan ni Ping ang usapan na walang nangyari. Siya ang bida at lumalabas na nakaisa. Hindi na pinag-uusapan si Ping at nalilimutan na ng publiko. Ngayon, kasama na siya sa talakayan.
Walang kahit anumang pagdududa, si Leni ang pinakamalakas na kandidato ng oposisyon sa 2022. Siya ang may pinakamatunog na pangalan. Ngunit kailangan maging agresibo sa kanyang pulitika. Piliin ang kakausapin. Hindi kami ayon sa ugali niya na kumikilos ng mag-isa. Hindi kami ayon na hindi siya kumukonsulta sa mga kasama sa oposisyon. Hindi dapat ipagwalang bahala ang mga kasama sa nakikipaglaban kontra puwersa ni Duterte.
Kung tutuloy si Leni sa 2022 at ito ay isang malaking KUNG, marapat na linisin niya ang hanay ng oposisyon. May mga ulat kaming natatanggap na may mga nagpapanggap na lenitic, o panatikong tagasunod ni Leni, ngunit ang totoo, ginagamit ang pangalan niya upang humingi ng kontribusyon, donasyon, o alay mula sa mga netizen, lalo na mga OFW.
Marapat na mag-isyu siya ng pahayag na hindi niya sinasang-ayunan ang pangingikil ng ilang lenetic sa mga netizen. Hindi dapat kinakausap at hinaharap ni Leni ang mga iyan dahil pawang nakakasira sa kanyang kandidatura. Ipinagmamalaki ng kampo ni Boy Solicit na nakipag-usap sa kanya si Leni. Ginagamit ngayon sa solicitation campaign. Pakilinaw nga kung si Boy Solicit ang kanyang finance manager.
Gayunpaman, naniniwala kami na mahirap matibag ang tambalang Robredo-Trillanes sa 2022. Pinakamatatag at matibay. Pinakamalakas. Hindi kailangan ni Leni sina Ping, Tito, at Dick. Hindi nila malaman kung paano ipagtatanggol ang mga sarili sa batikos na pawang mga “enabler” sila ni Duterte. Walang maniwala na oposisyon sila. Pumoposisyon, ani Ba Ipe.
***
KAMAKAILAN, humarap ang bumibisitang si Lloyd Austin, kalihim ng tanggulang bansa ng Estados Unidos, kay Duterte sa Malacanang. Nandito si Austin bilang bahagi ng kanyang bisita sa mga bansa ng ASEAN. Pinatitibay ni Austin ang alyansa ng Estados Unidos sa mga kasaping bansa ng ASEAN. Kagulat-gulat na nagbalik-loob sa Estados Unidos si Duterte, ang maka-Tsina na lider, na isinusumpa ng marami dahil sa kanyang hayagang pagkampi sa Tsina.
Sa kanyang huling SONA, inulit ni Duterte na kaya siya kumampi sa Tsina ay dahil sa kanyang paniniwala na “walang laban” ang Filipinas kapag sumalungat siya sa gusto ng Tsina. Mistulang alipin siya ng Tsina at isang dahilan na tinawag siyang “taksil.” Hindi sineseryoso si Duterte at iniiwasan siya ng kapwa lider ng mga karatig bansa. Noong 2016, ipinahayag ni Duterte sa kanyang state visit sa Beijing na pinutol niya ang relasyon ng Filipinas at Estados Unidos, isang pahayag na hindi sineryoso sa buong mundo.
Kahit may mga teyorya sa pagbabago ni Duterte dahil nagmano siya kay Austin, hindi mahirap basahin kung ano ang dahilan ng pagbaligtad ni Duterte. Bigla-bigla ang pagkampi ni Duterte sa Estados Unidos at pagbawi sa nakatakdang kanselasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA). Noong una, halatang-halata ang pagiging kampi niya sa Tsina. Labis-labis at hindi siya nahihiya kahit kaunti.
Una sa lahat, malinaw na gusto ni Duterte na matapos na maayos ang kanyang termino sa 2022. Nais niyang bumaba ng maayos sa Malacanang at kung maaari, isalin ang poder ng maayos sa kapalit. Hindi mahirap ibigay ito ng Estados Unidos. Ito ang bansa na ang pangunahing layunin sa mundo ay itaguyod ang demokrasya. Ang malaya, maayos, at malinis na halalan ang pangunahing sandigan ng ideolohoya ng mga Amerikano.
Pangalawa, alam ng Estados Unidos na hindi nakukuha ni Duterte ang gusto niya sa Tsina. Sa maikli, walang napapala si Duterte dahil hindi siya sineseryoso ng mga lider Instik. Basura ang tingin kay Duterte kahit ano ang gawin niyang pagsipsip. Nililibak at pinagtatawanan ng patalikod. Alam ng Estados Unidos na napadali na pasukuin si Duterte. Alam nila na mahina ang kanyang gulugod at mabunganga lang.
Pangatlo, alam ng Estados Unidos na batid ni Duterte hindi makukuha ang nais ng $16 bilyon kapalit ng pananatili ng VFA. Hindi ganoon kalaki ang halaga ng VFA. Mas mura na pondohan ng Washington ang alinman pasikretong kilusan upang pataobin si Duterte. Ilang milyong dolyares lang at mawawala si Duterte sa poder. Alam ni Duterte na kayang gawin ito ni Joe Biden at walang magagawa ang Tsina para proteksiyunan siya.
***
MGA PILING SALITA: “Education today needs to include principles such as compassion and non-violence. What’s more, since we are missing something if we are physically fit, but full of anger and anxiety, we need to learn about emotional hygiene, tackling destructive emotions to find peace of mind.” – Dalai Lama
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Bawal ang raket appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: