
NAGA CITY – Arestado ang isang pedicab driver nang manunog ng bandila ng Pilipinas sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang dinakip na si Darwin Aban, 34 anyos, ng Barangay Del Carmen, sa nasabing bayan, at anak ng isang barangay kagawad.
Ayon kay Police Lt. Mark Spaña, hepe ng Calabanga Municipal Police Station, nakuhanan sa isang CCTV footage ang pagsungkit ni Aban sa bandila na nakasabit sa outpost ng barangay at naglakad palayo sa lugar. At makikita ang pagsindi niya sa watawat ng Pilipinas.
Ayon kay Spaña, agad na nagpalabas ng warrant of arrest at inihain kay Aban na hindi narin pumalag pa.
Nabatid na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak si Aban. Base sa salaysay niya, may dinadala itong problema kung kaya nagawa ang nasabing insidente.
Sinampahan ito ng paglabag sa Section 1 ng Republic Act 8491 na posible makulong ng hanggang isang taon, at aabot sa P5,000 hanggang P20,000 ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.
The post Anak ng kagawad ng barangay nanunog ng bandila, kulong appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: