Facebook

Anti-Covid-19 vaccination sa Maynila, 24/7 na — Isko

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang vaccination sa lungsod kontra COVID-19 ay gagawin ng 24/7 o 24-oras sa loob ng isang linggo sa tatlong vaccination sites sa bawat isang distrito kapag available na ang mga bakuna. Ang Maynila ay may anim na distrito.

Kaugnay pa nito ay inilunsad din nila ni Vice Mayor Honey Lacuna ang ‘Bayanihan sa Maynila’ program na may panawagan sa lahat ng volunteers na tumulong sa planong 24/7 citywide vaccination.

Ayon kay Moreno, mangangailangan ang pamahalaang lungsod ng may 200 volunteers na bibigyan ng pagkain at totoka sa gabi upang makapagpahinga naman ang mga pang-umaga. Ang mga kailangan ay doctors, nurses, licensed vaccinators, medtechs, midwives, pharmacists at iba pang allied health professionals at mga encoders.

Sinabi pa ni Moreno na ang mga volunteers ay sasanayin sa panahong nasa enhanced community quarantine (ECQ) period at habang naghihintay pa ng allotment ng vaccines na magmumula sa national government para kapag dumating na ang mga ito, ang bagong vaccinating teams ay handa na. Ang mga interesado ay maaaring tumawag sa 0995-106-9524 (Globe) at 0960-604-0771 (Smart).

Ginawa ng alkalde ang anunsyo sa groundbreaking ceremony sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc kung saan sinabi ni Moreno na ito ang pinakamalaking proyekto sa usapin ng pagpapatayo ng mga paaralan na kaparehas ng pribadong institusyon.

Sa nasabing pagtitipon na dinaluhan din nina Lacuna, city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris, division of city schools superintendent Magdalena Lim, barangay bureau chief Romy Bagay, Liga ng Barangay president Leilani Lacuna and fourth district Councilor DJ Bagatsing, sinabi ni Moreno na ang bagong A. Albert Elementary School ay itatayo sa may 1.5 ektaryang lupa sa kabuuan.

Ayon naman kay Andres, mula sa dalawang palapag na kasalukuyang paaralan ng A. Albert Elementary kapag natapos na ang bagong paaralan, ito ay magiging 10 palapag kung saan mayroong 234 fully-airconditioned classrooms at 16 offices at state-of-the-art facilities tulad ng modern library, canteen, auditorium at seven stairs node. Mayroon din itong malawag open field, roof deck na puwedeng i-convert sa outdoor exercise area at gymnasium para sa physical activities at 10 elevator units na may kabuuang capacity na 240 katao.

Ayon kay Moreno sa pagtatayo ng mga modernong paaralan ay hangad niya na maranasan ng mga mag-aaral sa publikong paaralan kung ano ang nararanasan ng kanyang mga anak na nag-aaral sa pribadong paaralan.

Ang alkalde na produkto rin ng pampublikong paaralan ay nagsabing alam niya ang loob at labas na problema ng mga pampublikong paaralan kaya naman nais niyang maramdaman ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ang uri ng mga pasilidad na mayroon ang pribadong paaralan at mabigyan ng magandang kapaligiran ang mga ito na akma sa pag-aaral.

“Maswerte ang mga anak ko nakapag-aaral sa pribado. Gusto ko ipadama sa anak Ninyo ang natitikman ng mga anak ko— maginhawa, maaliwalas at may sapat na pasilidad upang pinuhin ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan,” ayon kay Moreno.

Idinagdag pa ng alkalde na : “Sino ang mag-aakala na ang isang galing ng public school at Tulungan Center na ngayon ay daycare na, ay magiging alkalde? Narito ang isang proyekto na hindi mo sasabihing, ‘pwede na ‘yan’ kundi ‘pupuwede pala!’”

Bago ang A. Albert Elementary School sa Sampaloc, sina Moreno at Lacuna ay nag-ground breaking na rin sa R. Almario Elementary School sa Tondo at sa Manila Science High School sa Taft Avenue na pare-parehong magkakaroon ng modernong pasilidad. (ANDI GARCIA)

The post Anti-Covid-19 vaccination sa Maynila, 24/7 na — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Anti-Covid-19 vaccination sa Maynila, 24/7 na — Isko Anti-Covid-19 vaccination sa Maynila, 24/7 na — Isko Reviewed by misfitgympal on Agosto 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.