Facebook

Paumanhin

MATINDI ang balik-sigwa (backlash) ng pakikipag-usap ni Leni Robredo sa mga kaaway ng demokrasya. Hindi natutuwa ang maraming netizen na basta kinausap – pasikreto at hindi hayag – si Ping Lacson, Tito Sotto, at Dick Gordon. Walang napagkasunduan sa mga usapan, ngunit may tanong ngayon sa kakayahan ni Leni na pangunahan ang oposisyon. Hindi maganda na basta siya nakipagtagpo sa kanila ng walang konsultasyon sa mga kakampi.

Pinakamaganda na humingi ng paumanhin sa publiko si Leni. Nagkamali siya sa pakikipag-usap sa mga kaaway ng demokrasya. Pinakamasakit na sinunog lang siya. Bagaman may usapan na sikreto ang mga usapan, inilabas sa publiko ng mga kausap ang kanyang pakikipagtagpo sa kanila. Nagkamali si Leni ng pagpapasya. Maling-mali.

Hindi makukuha sa damage control ang nangyari. Nasira ang kanyang reputasyon dahil may mga paniniwala na hangad niya ang koalisyon sa mga kilalang trapo at hindi oposisyon. Walang naniniwala na oposisyon si Ping, Tito, at Dick. Kung hihingi ng paumanhin, maaaring remedyuhan ang pagkasira ng kanyang reputasyon.

***

LUMISAN noong Biyernes si Hermie Aquino, isang malapit na kamag-anak ni Noynoy Aquino. Nakakalungkot isipin na namatay si Hermie, 72, isang buwan pagkatapos namatay si Pnoy. Pakibasa ang aking pagpupugay kay Hermie, isang kaibigan:

PAGPUPUGAY SA KAIBIGAN

BINAWIAN ng buhay noong Viernes si Hermie Aquino, isang kaibigan. Inilihim niya ang kanyang sakit na kanser kahit sa mga kaibigan. Nang dumating ang takdang araw, basta na lang siya lumisan. Wala siyang ginambala.

Lolo ni Noynoy Aquino si Hermie. Granduncle sa Ingles dahil magkapatid sa ama si Hermie at Benigno Aquino Sr., ama ni Benigno “Ninoy’ Aquino Jr., ang martir na pinaslang sa tarmac ng paliparan. Minsan naikuwento ni Hermie sa akin na muling nag-asawa ang biyudo na si Hen. Servillano Aquino, ang patriarko ng liping Aquino, sa edad na 75 anyos. Nakilala ang kanyang ama ang kanyang ina na isang relihiyosong babae. Niligawan, sinuyo, at pinakasalan ni Hen. Aquino ang kanyang ina. Namatay si Hen. Aquino noong 12 anyos si Hermie.

Bagaman naiwan si Hermie sa pangangalaga ng ina at mga kapatid sa ama, siya ay kanilang minahal. Hindi siya nakaramdam ng maltrato. Ipinagmalaki ni Hermie na hindi niya naranasan ang anumang pagmamalupit ng mga kamag-anak. Lumaki siya ng maayos at nakapag-aral sa Ateneo University. Doon siya nagtapos ng kanyang kolehiyo. Malapit si Hermie sa kanyang pamangkin na si Ninoy Aquino at kahit sa mga kapatid ni Ninoy na sina Butz, Tess Oreta, Lupita, at Maur. Halos magkakasabay silang lumaki.

Una kong nakilala si Hermie noong siya ay kongresista at chair ng komite sa enerhiya ng Kamara de Representante. Kongresista siya sa panahon ni Cory Aquino at Fidel Ramos. May mga ilang panukalang batas si Hermie tungkol sa pagsasaayos ng usapin ng enerhiya sa bansa, kasama na ang restructuring ng National Power Corporation na nangyari noong panahon ni GMA. Naging bise gobernador siya ng Tarlac.

Palaging dumadalo si Hermie Aquino sa mga pagtitipon ng Tertulia sa Kyusi, isang hindi pormal na samahan ng mga mamamahayag, tagamasid sa pulitika, at pulitiko na binuo simula ng maupo si Rodrigo Duterte sa poder. Ibinahagi ni Hermie ng walang pag-iimbot ang kanyang kaalaman sa maraming usapin ng bansa. Hindi siya nangimi magsalita ng kanyang mga saloobin tungkol sa usapin.

Minsan tinanong ko siya kung ano ang nadarama niya sa ugali ng kanyang apo na si PNoy na nagbawal sa kanyang mga kamag-anak na makisangkot sa operasyon ng gobyerno habang siya ang nakaupo sa Malacanang. Nilinaw ni Hermie Aquino na mayroon mga kamag-anak na may mga kwalipikasyon na maiaambag sa gobyerno, ngunit idiniin niya na wala silang magagawa kung ayaw ng kanyang apo na makisangkot sila sa gobyerno. Iginagalang niya ang tagubilin ni PNoy sa kanilang lahat at totoong dumistansya silang lahat sa gobyerno.

Hindi dapat masamain ang tagubilin ni PNoy; dapat itong igalang, aniya. Bagaman natutuwa kami na kamag-anak ang pangulo, pero sakripisyo talaga ito sa maraming kamag-anak, ani Hermie Aquino. Sa buong panahon ng panunungkulan ni PNoy, hindi kinakitaan si Hermie ng pakikisangkot sa gawain ng gobyerno. Sinadya niyang lumayo sa operasyon ng gobyerno upang walang masabi ang mga mamamayan at kahit si PNoy. Ito ang isa sa mabuting ugali ni Hermie.

May mga pagkakataon na inimbitahan ni Hermie Aquino ang ilang kaibigan upang maglibang at makipagkwentuhan. Mahilig siya sa live shows lalo na ang panoorin ang mga banda. Minsan inimbita niya ako kasama ang ilang kaibigan sa isang gig kung saan mga lumang tugtugin ang mga inawit. Gayunpaman, likas sa ugali ni Hermie ang makipaghuntahan tungkol sa mga isyu ng bayan kahit maingay ang tugtugan.

Minsan pumunta kami sa isang lugar kung saan retro ang musika. Sa gitna ng mga gitarang umiiyak at indayog ng tambol, tinanong ako ni Hermie tungkol sa aking pananaw tungkol sa kilusang kaliwa sa bansa. Taga-Tarlac si Hermie at sa Tarlac sumibol ang malaking bahagi ng Kaliwa. Kilala niya ng personal ang mga lider ng Kaliwa na galing sa Tarlac.

Sinang-ayunan ni Hermie na malaki ang inihina ng Kaliwa sa lakas at prestihiyo. Nagkasundo kami na hindi na katulad ng dati ang lakas ng Kaliwa. Hindi ko malilimutan ang halakhak ni Hermie ng sabihin ko na napag-iwanan ang Kaliwa at tinawag kong Left Again. “What we have is the Left Behind with Leftovers,” sabi ko sa gitna ng kanyang tawa. Isang masugid na alagad ng demokrasya si Hermie na may matinding pananalig siya sa balota at halalan bilang proseso. Iyan ang hindi matatawaran.

Minsan, naidaing ko kay Hermie ang pagkawala ng aking kakayahan sa pagsasalita ng wikang Kapampangan. Sinabi ko sa kanya na dati akong maalam sa Kapampangan dahil ito ang gamit namin sa aking pakikipagtalastasan sa aking Lola Felisa na isang Kapampangan mula sa bayan ng Sta. Rita sa Pampanga. Nawala ang aking kakayahan ng pumasok ako sa elementarya noong ako ay pitong taon. Diretso ako sa Grade One at hindi dumaan sa kindergarten.

Gumaling naman ang Lola Felisa ko sa Tagalog at Tagalog na ang gamit namin sa bahay. Ito rin ang gamit ko sa aking mga kamag-aral. Hindi bale, marunong ka naman sa Tagalog, ani Hermie. Mas mahirap kung hindi ka marunong ng Tagalog, aniya na may himig pagbibiro. Paminsan-minsan kinakausap ako ni Hermie sa Kapampangan at sinasagot ko siya ng pautal-utal.

Maraming isyu ang pinag-uusapan namin ni Hermie tuwing magkikita kami. Hindi siya huli sa mga isyu. Isang mabuting pakikipagkaibigan ang kanyang ibinigay sa akin. Hindi ko malilimutan ang mga hapon at gabi na hitik ng masasayang huntahan. Hindi ko mapasusubalian na isa si Hermie Aquino na sadyang lumayo sa operasyon ng gobyerno kahit pangulo ang isang malapit na kamag-anak para walang masabi ang mga tao. Marangal na tao si Hermie at aking ikinararangal na isa ko siyang kaibigan.

The post Paumanhin appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Paumanhin Paumanhin Reviewed by misfitgympal on Agosto 01, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.