
ANG bagong 24/7 mass vaccination program sa Maynila na ilulunsad nitong Linggo nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa ilalim ng panibagong sistema na ipatutupad kaugnay na rin ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ay magiging isang istriktong pagpapatupad ng schedule kung saan hindi na papayagan ang mga walk-ins. Ito ay gagawin sa pamamagitan ng by batch kada barangay sa mga pampublikong paaralan sa halip na shopping malls.
Ang istriktong pagpapatupad ng schedule ay alinsunod sa public advisory na inilabas ng Department of Health (DOH) kaugnay ng paraan ng pagbabakuna sa ilalim ng ECQ upang maiwasan na rin ang kaguluhan at kalituhan.
Sinabi ni Moreno, na sa ilalim ng bagong sistema ay kailangan pa rin na magparehistro. Ang mga barangay, ayon kay Moreno ay iimpormahan by groups ng Liga ng Barangay sa pamumuno ni Lei Lacuna bilang pangulo at bibigyan sila ng mga slot number para sa 24/7 vaccination para ang mga may hawak ng number ay sabay-sabay na mabakunahan habang naghahalinhinan naman ang kada batch ng baranggay.
Ang bawat slot ay may kaululang number kung saan nakalagay ang eksaktong oras at lugar kung saan siya babakunahan. Gagawin ang vaccination sa eskwelahan na pinakamalapit sa mga kinauukulang barangay para sa kapakanan ng mga residente ng barangay na may hawak ng slots.
Binigyang linaw din ng alkalde na kapag binigyan na ng slot ang isang kinauukulan, ito ay magagamit lamang niya sa ispesipikong vaccination site at hindi niya ito puwedeng gamitin sa ibang site. Binigyan diin din ng alkalde na kailangan na ipakita ang QR code ng mga slot holders upang payagan silang makalabas ng bahay.
“Ang bagong bakunahan system under ECQ ay mas mahigpit. Magkusang- disiplina tayo. Kahit isang batalyon pa ng pulis ang ipadala natin, kung walang disiplina, mapapariwara din lahat. Kaya gusto ko kayong mabakunahan ay para proteksyunan kayo pero kung magpapabaya kayo, eh di kayo na din ang nagpariwara,” sabi ni Moreno.
“Babagal tayo pero bilin nila (DOH) eh. You have to follow the guidelines in the vaccine deployment in the city of Manila nang di tayo mapasok ng mga talipandas na pilit ginugulo ang sistema na nagbibigay ng maayos na resulta base sa objective,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Moreno : “the system may not be perfect but what is more important is that madami ang naaabot at nayayakap sa lalong madaling panahon,” kasabay ng pagbanggit niya ng report mula kay Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan na sa kasalukuyan ay may kabuuan ng mahigit na 1.4 million vaccines ang na-administer sa lungsod. Sina Lacuna at Pangan, na kapwa in charge ng mass vaccination program sa Maynila ay nag-ulat din na may 838,115 katao na ang nabakunahan ng first dose habang 666,366 naman ang fully-vaccinated.
Samantala ay klinaro ni Moreno na ang national government cash assistance para sa ECQ ay hindi maipamimigay nitong Sabado (Aug.7) gaya ng pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), matapos itong ma-download sa local government ng Maynila nitong Biyernes.
Ipinaliwanag ni Moreno na ang kabuuang halaga na P1,488,630,000 ay hindi puwedeng kunin sa bangko dahil sinabihan ang city treasurer’s office na mag-withdraw lamang ng halagang P200 million muna dahil sarado ang bangko kapag weekend.
Sa kabila ng pasasalamat sa ayuda na ibinigay sa mga Manileño, ipinaliwanag ng alkalde na ang nasabing halaga ay magkaiba ss ibinigay noong Abril na nagkakahalaga ng P1,523,278,000 kung saan bawat isang pamilya ay nabigyan ng P4,000, kung hindi ay 43,000 sikmura ang magugutom.
Sinabi pa ni Moreno na humingi na siya ng tulong kay Manila social welfare department chief Re Fugoso upang maghanap ng kailangan na karagdagang pondo upang mapunuan ang kakulangang P35 million dahil gusto niya na makatanggap ang lahat ng 380,820 pamilya ng ayuda ngayong ECQ.
“Give me 72 hours magpipiga lang tayo ng bimpo. Pag nariyan na ang kumpletong pera, agad nating ipamimigay,” pahayag ni Moreno, na nakatanggap ng pagkilala mula sa Department of the Interior and Local Government dahil sa epektibo at mahusay na pamamahagi ng government cash assistance noong nakaraang ECQ. (ANDI GARCIA)
The post Bagong 24/7 mass vaccination sa Maynila, strictly no walk-ins — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: