Facebook

Bong Go sa PhilHealth: Ayusin ang gusot sa mga ospital

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa PhilHealth at sa mga pribadong ospital na ayusin ang namamagitang gusot sa pagitan ng mga ito at magtulungan para sa proteksyon ng mga Filipino na malampasan ang pandemya.

Hiniling din ni Go sa Philhealth na irekonsidera ang inilabas nitong Circular No. 2021-0013 na nagsususpinde ng pagbabayad nito ng claims ng ilang ospital habang nagsisiyasat sa fraudulent claims.

“Bilang chair ng Senate Committee on Health, umaapela ako sa PhilHealth na huwag muna ituloy ang kanilang nasabing Circular No. 2021-0013,” ayon kay Go.

“Bigyan natin ng palugit dahil iba ang sitwasyon ngayon. May hinaharap pa tayong pandemya at kailangan nating magtulungan para malampasan ito at maproteksyonan ang buhay ng ating mga kababayan,” aniya.

Sinabi ni Go na nakipag-usap siya kina PhilHealth President Dante Gierran, Executive Secretary Salvador Medialdea at Secretary Carlito Galvez na resolbahin ang isyu para maprotektahan at mapatibay pang lalo ang health system sa bansa.

“I appealed to PhilHealth not to suspend payments to hospitals and for them to work together in order for these issues to be resolved,” ani Go.

Habang sinusuportahan niya ang pagsisikap ng PhilHealth na ireporma ang sistema at maprotektahan ang pampublikong pondo laban sa mga fraudulent claims, sinabi na hindi dapat makompromiso ang serbisyong pangkalusugan sa bawat Filipino.

“Bagama’t sang-ayon ako sa hangarin ng PhilHealth na repormahin ang kanilang sistema para maproteksyunan ang pondo ng bayan laban sa mga namamantala, isaalang-alang rin dapat natin ang mga maaapektuhang ordinaryong mamamayan na walang matatakbuhan at nangangailangan ng tulong, lalo na pagdating sa kalusugan,” ani Go.

“Ang payo ko sa PhilHealth at sa mga ospital na may pending claims, ayusin niyo na agad ang mga dokumento para hindi na matagalan ang pagbayad,” aniya pa.

Sinabi pa niya na ang mga mapatutunayang may fraudulent claims ay dapat na makasuhan at ang mga maayos naman ay tulungang magampanan ang tungkulin nila sa komunidad lalo na ngayon na napakaimportante ng mga ospital dahil tumataas na naman ang kaso ng mga nagkakasakit.

“Sundin lang po natin ang tamang proseso at huwag na pong patagalin pa. Bilisan na po natin dahil malaking bagay ito upang mas makaresponde tayo sa pangangailangang pangkalusugan ng taumbayan.”

“Pangalagaan rin natin ang pondo ng bayan at huwag natin palampasin ang mga nangsasamantala,” ayon pa sa mababatas.

The post Bong Go sa PhilHealth: Ayusin ang gusot sa mga ospital appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa PhilHealth: Ayusin ang gusot sa mga ospital Bong Go sa PhilHealth: Ayusin ang gusot sa mga ospital Reviewed by misfitgympal on Agosto 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.