Facebook

Dating empleyado ng Mla. City Hall, inatake matapos kunan ng litrato ang punuang jeep

PORMAL na nagsampa ng reklamong physical injuries ang dating kawani ng Manila City Hall matapos atakihin ng nobya ng jeepney driver na nakakitang kinukunan niya ng larawan ang jeep na punuan at wala ng social distancing.

Ayon sa complainant na si Elisa Alegro ng Tondo, Manila, nangyari ang insidente noong July 31, dakong 3:30 ng hapon matapos na siya ay bumaba sa pampasaherong jeep na may plakang (plate number TVZ-688) biyaheng Divisoria- Taft- Baclaran .

Sa kanyang reklamo sa Manila Police District-Soler Police Community Precinct, sinabi ni Alegro na sumakay siya ng jeep sa terminal malapit sa KP Tower dahil may schedule siyang check-up sa Manila Medical Center sa United Nations Avenue nang mapuna niya na punuan na ang jeep at ang plastic na nagsisilbing dividers ay sira na. Nasa harapan ang driver at ang nobya nito na nagsisilbing konduktor at isa pang lalaki.

Bagamat hindi komportable na nagkakabungguan na ang kanilang mga balikat sa loob ng jeep at wala na ring physical distancing ay tiniis ni Alegro ang sitwasyon dahil mahuhuli siya sa appointment sa kanyang doktor.

Nang huminto sa 168 mall para magpasakay pa ng pasahero ang jeep ay pumalag na si Alegro at sinabing wala ng social distancing sa loob, pero tumutol ang nobya ng driver at sinabing: “pang-trese nga yan eh!”

Sinabi pa ng nobya ng driver na: “matagal pa ‘yang covid na yan lahat naman mamamatay…hindi nga kami hinuhuli ng mga pulis eh!”

Matapos magbayad ng pamasahe ay kinuha ni Alegro ang kanyang cellphone at kinunan ng litrato ang sarili pati na ang ibang pasahero na animo sardinas na nagsisiksikan.

Nang bumaba na si Alegro sa panulukan ng Taft at United Nations avenues ay kinunan niya ng litrato ang plate number ng jeep na kanyang sinakyan at naglakad para tumawid. Laking gulat na lamang ni Alegro nang sugurin siya nang galit na galit na nobya ng driver at kinumpronta siya kung bakit niya kinunan ang plate number ng jeep.

Mabilis namang sumagot si Alegro at sinabing walang physical distancing sa loob ng jeep at sinabi rin nito kung gusto nyang pag-usapan ito sa loob ng presinto na malapit lang sa lugar nila.

Sa halip na pumayag ay pinagmumura at pinagsisigawan si Alegro ng nobya ng jeepney driver at lalo pa siyang nagulat nang bigla siyang atakehin nito at pagsasaktan.

Natigil lamang ang pananakit kay Alegro nang awatin itobng jeepney driver at isa pang lalaki.

Si Alegro ay nagtamo ng sugat at pasa sa katawan at mukha. Nakatakdang magpa-check up si Alegro sa kanyang namamagang tuhod nang maganap ang pananakit sa kanya.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang driver ng jeepney at ang nobya nito upang papanagutin sa kanilang ginawang paglabag sa health protocols at pananakit kay Alegro. (ANDI GARCIA)

The post Dating empleyado ng Mla. City Hall, inatake matapos kunan ng litrato ang punuang jeep appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Dating empleyado ng Mla. City Hall, inatake matapos kunan ng litrato ang punuang jeep Dating empleyado ng Mla. City Hall, inatake matapos kunan ng litrato ang punuang jeep Reviewed by misfitgympal on Agosto 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.