PINURI at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa panawagan at hiling ng maraming Filipinos na pagkalooban sila ng bagong round ng ayuda dahil sa nakatakdang muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine restrictions sa National Capital Region simula sa Agosto 6 hanggang Agosto 20.
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte sa pagtugon sa ating apela na magbigay ng ayuda sa mga pinakamahihirap na maaapektuhan ng ECQ sa NCR simula Agosto 6 hanggang 20,” ayon kay Go.
Nauna rito, hiniling ni Go sa executive department na tiyaking mabibigyan ng tulong ang “poorest of the poor” na labis na maaapektuhan kapag ipinatupad ang ECQ.
“Sila naman ang apektado dito, ang mga ‘isang kahig, isang tuka’, talagang walang matakbuhan. Ito ang mga umaasa pong lumabas at magtrabaho araw-araw, sila po ang pinakaapektado dito,” ani Go.
Kaya bilang tugon, agad inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Department of Budget and Management, ng National Economic Development Authority at iba pang concerned agencies, na paglalaan ng P10.894 billion para sa 10.894 million indibidwal sa NCR na katumbas ng 80% populasyon nito.
“Ngayong (gabi) ay inaprubahan na po niya ang pondo para sa financial assistance na ipapamahagi na nagkakahalagang isang libong piso kada kwalipikadong indibidwal sa NCR, na may maximum na apat na libong piso kada household,” ani Go matapos ang pakikipagpulong sa Pangulo kamakalawa ng gabi.
“Sa pamamagitan ng ayudang ito, matutulungan natin ang mga mahihirap nating kababayan na maitawid ang kanilang pamilya habang apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa ECQ, lalo na ang mga daily wage earners at mga isang kahig, isang tuka,” paliwanag ng senador.
Iginiit naman ni Go concerned authorities na bilisan ang paglalatag ng mekanismo para maiwasan ang delay sa pamamahagi ng nasabing ayuda sa mga kuwalipikadong indibidwal at households.
“Dahil direktang ida-download ang mga pondo sa mga LGUs sa NCR, ang apela ko naman sa mga lokal na pamunuan ay siguraduhing maibibigay kaagad ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo sa isang maayos, mabilis at ligtas na paraan na walang katiwalian,” idiniin ni Go.
Noong Marso, si Go rin ang umapela sa pamahalaan na magbigay ng ayuda sa low-income residents na apektado ng ECQ sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Namamahagi na rin ang national government ng ayuda sa mga residente ng Iloilo province, Iloilo City, Cagayan de Oro City at Gingoog City, Misamis Oriental na nasa ilalim din ng ECQ restrictions na na-extend hanggang August 7.
“Magpapatupad ng ECQ sa NCR upang maagapan ang problema at maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Kumbaga, nais nating patayin ang sunog bago ito maging “out of control”. Pero kasabay nito ay kailangan din nating maagapan ang hirap at maiwasan ang gutom sa ating mga komunidad,” anang mambabatas.
“Katulad ng sinabi ko dati, magtiwala po tayo sa gobyerno dahil lahat naman ng hakbang natin, pangunahing isinasaalang-alang ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino,” dagdag niya.
Bukod sa ECQ at border controls, inapela rin ni Go ang pagpapakalat o pagpapatupad ng contact tracing at genome sequencing, pagpapalakas ng healthcare facilities at pagpapabilis ng vaccine rollout.
“Pakiusap po, sumunod po tayo sa mga patakaran at magpabakuna na bago maging huli ang lahat. Ang inyong disiplina at kooperasyon ay makakapagligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino. Konting sakripisyo ito katumbas ang mga buhay na mapoproteksyunan natin,” ayon sa senador.
The post GO: AYUDA SA NCR, APRUB NA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: