NASA 70 porsyento na ang occupancy rate ng Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta simula nang magsimula ito ng operasyon noong June 25 .
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng pasasalamat niya sa libo-libong nag-volunteer sa panawagan niya sa paglulunsad ng ‘Bayanihan sa Maynila’ . Ang alkalde ay nanawagan para sa paglulunsad ng 24/7 vaccination program na gagawin sa tatlong sites sa bawat isang distrito ng Maynila.
Sinabi ni Moreno na ang 344-bed capacity ng MCFH sa pamumuno ni Dr. Arlene Dominguez ay 70 porsyentong puno na, dahil dito ay umapela siya sa mga residente na patuloy na sundin ang basic health protocols sa gitna nang tumataas na kaso ng Delta variant sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Samantala, sinabi ng alkalde na ang mga nag-volunteer na maging bahagi ng vaccinating teams ay sasailalim sa orientation sa ilalim ni MHD assistant chief Dr. Ed Santos, Executive Assistant Weng Santiago at Jet Aquino upang kapag dumating na ang bakuna agad itong maibibigay sa mga tao.
Ang mga volunteers na bibigyan lamang ng pagkain ang siyang hahalili sa daytime vaccinating teams para makapagpahinga naman ang mga ito.
Ang lungsod ng Maynila ay nagsasagawa ng kanilang pagbabakuna sa 18 vaccination sites na kinabibilangan ng mga public schools at apat na shopping malls.
Karaniwan ng ginagawa ang vaccination sa loob ng 14-oras at ito ay maging holidays at weekends kapag available ang bakuna.
Nanawagan din si Moreno sa mga vaccinees na huwag magpunta sa vaccination sites para sa kanilang second dose kung hindi sila nakatanggap text message na pinapupunta nga sila.
Ang apela ng alkalde ay kaugnay na rin ng ulat ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang in charge sa mass vaccination program ng lungsod at ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, na may mga residente na para sa second dose na nagpupunta sa site kahit walang advise o text message na nagsasabing magpunta sila sa lugar at habang wala pa ring natatanggap na allotment ng bakuna na galing sa national na nakalaan para sa nasabing second dose.
Sa pinakahuling tala na nakuha ni Lacuna ay nagpapakita na 99.92 porsyento ang sumipot para sa kanilang second dose vaccination hanggang July 31, 2021.
Sinabi ni Moreno na labis niya ipinagmamalaki ang mga mamamayan ng Maynila sa kagustuhan ng mga ito na makapagpabakuna at matanggap din ang kanilang second dose.
Para naman sa maliit na porsyento na nabigong kunin ang kanilang second dose ay ito ang pahayag ni Moreno: ” Wag ninyong sayangin kasi nade-deprive din ‘yung iba. Laging me text sa second dose.”
Sa iba pang pangyayari, ginawa naman ang second dose night vaccination sa Divisoria, Recto mula alas-5 ng hapon hanggang alas-5 ng umaga para sa mga nagtatrabaho sa umaga sa palengke tulad ng mga vendors, errand boys, kuliglig drivers at iba pang manggagawa sa Divisoria Night Market.
Ang pagtuturok ng second dose ay karaniwang ginagawa sa mga public schools at malls. (ANDI GARCIA)
The post Occupancy rate ng Manila COVID-19 Field Hospital nasa 70 % na — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: