![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/08/health-workers-1.jpg)
DESIDIDO pa rin ang grupo ng mga nurse at iba pang health care workers sa plano nilang magsagawa ng malawakang kilos protesta maging ng mass resignation sa kabila ng mga nararanasan umanong pangha-harass matapos isiwalat ang mga hindi pa naibibigay na benepisyo.
Ayon kay Jocelyn Andamo, Secretary General ng Filipino Nurses United na sa ngayon ay tuloy daw ang coordination meeting nila sa kanilang mga kasamahan habang wala pang positibong aksiyon ang pamahalaan sa kanilang mga hiling.
Kabilang na rito ang special risk allowance, active hazard duty pay, meal allowance, accommodation at transportation allowance.
Naniniwala si Andamo na sa gitna ng pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay dapat pantay-pantay ang benepisyo na ibibigay ng pamahalaan sa lahat ng mga health care workers kahit sa gobyerno o pribadong ospital pa sila nagtatrabaho.
Dahil dito, hiling ng grupo ng mga health workers na ipakita ng pamahalaan ang kanilang sinseridad dahil plano nilang magsagawa ng kilos protesta sa loob ng 10 araw mula ngayon.
Sinabi pa ni Andamo na walang pagbabago sa kanilang planong kilos protesta at mass resignation kapag hindi maibigay ng pamahalan ang kanilang hirit.
Nararapat lamang umanong ibigay na ang mga ipinangakong benepisyo dahil mula sa kanilang orihinal na duty na 12 oras ay inaabot na ang mga health care workers ng 16 hanggang 36 na oras na diretsong duty dahil sa kakulangan ng staff ng mga ospital.
Maliban dito ay mayroon na rin umanong mga health care workers na nagkakasakit at ang iba ay kailangang mag-quarantine matapos makasalamuha ang mga positibo sa nakamamatay na virus.
Iginiit din ni Andamo na itinuturing na most vulnerable din ang mga health care workers na araw-araw itinataya ang buhay para sa kapakanan ng mga pasyente sa ospital kaya naman ay nararapat lamang na bigyang pansin ng pamahalaan ang kanilang hinaing.
The post Health workers itutuloy ang protesta appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: