INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh…” (Deuteronomio 28:7, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
HIMALA LAMANG MULA SA DIYOS ANG NAGBIGAY NG MGA OLYMPIC MEDALS SA MGA ATLETANG PILIPINO AT SA PILIPINAS: Himalang mula lamang sa Diyos, hindi mula sa kung sino-sinong tao lamang, ang nagaganap na patuloy na pagtanggap ng Pilipinas ng mga medalya sa 2021 Tokyo Olympics.
Matapos ang gintong medalya ni Hidilyn Diaz sa weightflifting, silver (patungong gold) ni Nesthy Petecio sa female boxing, bronze (patungong gold din naman) ni Marcial Eumir, at, noon lamang umaga ng Martes, Agosto 03, 2021, bronze (na puwede ding maging gold) ni Carlo Paalam, sa boxing pa din.
Sa harap ng mga pagpapahayag ngayon ng iba’t ibang sektor, kasama na ang mga nasa larangan ng pulitika, na bahagi sila ng mga tagumpay na ito sa ika-132 Olympiad ng bansang Pilipinas at ng mga atletang Pilipino, mabuting isantabi na lamang ang mga ito bilang mga papogi lamang, at kilalaning ang Diyos at ang Diyos lamang ang nagbigay ng mga medalyang ito.
Ayon sa mga netizens na nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Martes, kasama na ang mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos sa kanilang August 02, 2021 episode na pinamagatang “Philippine Olympic medals: sino ang tunay na dapat pasalamatan?”, dahil lamang sa kagandahang loob ng Diyos kaya nagtatagumpay ang mga atletang Pilipino sa kasalukuyan sa kanilang mga partikular na larangan ng palakasan sa Olympics sa Tokyo, Japan.
Tiyak nakita ng Diyos ang mga sakripisyo at pasakit na dinaanan ng mga atletang Pilipino upang makapaghanda lsa kanilang mga laban. Partikular na tinukoy ng mga netizens at ng mga 21 Minutos hosts na sina Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, at ng inyong lingkod, Atty. Batas auricio, ang ginawang pag-alis ni first Filipino Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa Pilipinas.
***
BIYAYA NG DIYOS BUMUBUHOS SA MGA ATLETANG PILIPINO, SA KABILA NG KANILANG MGA PASAKIT, HIRAP, AT KAKAPUSAN, SA PAGSASANAY: Tumungo si Diaz sa Malaysia kung saan ito nagsanay ng halos dalawang taon bago siya lumaban sa 2021 Olympics. Sinariwa ng mga tagapagmasid ang reklamo ng maraming atletang Pilipino, sa pangunguna ni Hidilyn Diaz, sa kawalan, kakulangan, o kakapusan ng suporta ng pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan upang makapagsanay sila ng husto, at makamit ang mga pinapangarap nilang karangalan sa tagumpay, di na lamang para sa kanilang mga sarili, kundi para sa bayan.
Inalala din ng mga netizens ang patuloy na kakulangan sa kaalaman ng mga namumuno sa mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at iba-t ibang mga samahan sa palakasan. Pinuna ng marami ang nagpapatuloy na kawalan ng sapat na pondong ini-uukol ng gobyerno sa mga atleta, ganundin ang mga tila paghahari-harian ng iba’t ibang mga pinuno ng maraming sports associations.
Ito ang dahilan kung bakit sa mahabang panahon, walang nakukuhang medalya, kahit na pang-kulelat lamang, sa Olympic games ang mga Pilipino. Pinuna ng marami na ang ganitong kapabayaan ng gobyerno ay pinalalala sa pagdaan ng panahon ng pagpapatupad ng favoritism at discrimination ng iba’t ibang mga sport associations, sa mga atletang nagsasanay sa kani-kanilang mga larangan.
At, ayon sa mga netizens, ang mga mapapait na karanasang ito ng mga atletang Pilipino ay nagpapatuloy sa kasalukuyang panahon, kaya naman iilang atleta lamang ang nagkakamit ng karangalan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng marami na tanging himala ng Diyos ang pinagmumulan ng panalo nina Diaz, Petecio, Marcial, at Paalam.
***
PILIPINAS, TIYAK NA ANG APAT NA MEDALYA SA TOKYO OLYMPICS: Ipinakikita ng Diyos na sa mga atletang sa kaniya umaasa, ipinalalasap niya sa kanila ang tagumpay kahit na napakahusay at napakalakas ng mga kasama nilang nakikipag-paligsahan sa Olympic Games. Sabi nga ni Rod Cornejo, isa sa mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos, pinararangalan ng Diyos ang mga atleta at ang mga tao na nagbibigay karangalan at pagkilala sa Kaniya.
Sa panalo ni Carlo Paalam, nagkaroon ito ng mas matamis na lasa, bunga ng ang kaniyang tinalo ay ang Olympic defending champion, si Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan. Itinigil ng referee ang laban matapos magtamo si Zoirov ng malalim na sugat sa kaniyang kilay.
Sa panalong ito ni Paalam, hindi siya nagpa-alam sa kaniyang pangarap na makapag-uwi din gintong medalya sa boxing. Susunod na haharapin niya si Japanese Ryomai Tanaka para sa semi-final round sa kaniyang division. Samantala, ang mga kamag-anak at mga kaibigan at kakilala ni silver medalist (on the way to gold) Petecio sa Sta. Cruz, Davao del Sur, ay kasalukuyan ngayong nag-aantabay para sa kaniyang laban sa araw na ito para sa final round sa female boxing championships.
Humihingi ang lahat ng panalangin para kay Petecio upang mapagtagumpayan din niya ang kaniyang laban. Kung tutuusin, ang tagumpay sa palakasan, gaya ng tagumpay sa iba’t ibang larangan ng buhay, ay nakasalalay sa Diyos.
Lingid sa kaalaman ng marami, may nakasulat sa Bibliya kung papaanong pagtatagumpayan ninuman ang kanilang mga kalaban at kaaway, ke ito man ay sa palakasan o sa pang-araw-araw na buhay. Ayon sa Deuteronomio 28:1-2, 7, ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa atin ay ipapatalo sa atin ni Yahweh na ating Diyos, kung tayo ay makikinig at sumusunod sa Kaniyang mga utos. Ang lihim ng tagumpay sa lahat ng larangan ng buhay ay ang pagtanggap at pananampalataya sa Diyos, at pakikinig sa kaniyang mga utos.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.
The post Himala ng Diyos kaya may 2021 Olympic medals ang Pilipinas appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: