NAPALITAN ang maraming natutunan ng magkaroon ng tinatawag na pinuno. Ito ang likas na nilalang na nagtatanggol, nilalapitan, gumigiya at nagtataguyod sa interes ng grupo, pamayanan o ng kung ano pa man. May kakaibang husay na ipinaglalaban ang sino man sa kalahi na nakararamdam ng pagkaduhagi o pang-aapi. Marami sa lahing Pilipino, ang napapabilang dito.
Mayroon lider na hindi inilalantad ang sarili dahil ayaw sa magulong buhay ngunit sa mga pagkakataon na kailangan, lumalabas ang likas na kakayahan sa pamumuno, kusang lumilitaw at tumatayo. Sa mga pamayanan, ang mga may edad ang likas na may taglay nito, ang nilalapitan sa oras de peligro, ang salita nito’y batas na sinusunod nino man sa lugar na tinitirahan, ang likas na pinuno.
Sa komunidad, hindi mamamataan ang pangalan o larawan ng mga likas na pinuno na karaniwang gawi ng politiko na nakatago ang kulay bilang lingkod bayan. Pero heto ka, nakabalatay sa bawat sulok ng pamayanan ang tarpaulin na may pangalan at larawan. Ang tunay na lider’ bihirang pumalaot sa politika sa kadahilanang ayaw mabahiran ang pangalan kung hindi magampanan ang inatang na tungkuling bayan.
Baba ang loob subalit hindi hinahayaan na hindi masabi ang nasa isip o puso nito. Laging may puwang na masabi ang nasa loob sa mga pagpupulong bayan at batid ng madla na ang bibitiwang salita’y may pakinabang ang bayan. Walang pagdududa ang sino sa pamayanan na ang iuusal nito’y kagalingan at walang halong pansariling interes. Katulad ba ito ng pambansang liderato?
Sa pagtanaw sa kaganapang pambansa, may dalawang tayo’ ang kontra o kakampi. Walang tama o mali sapagkat ang interes ng nakararami kuno ang paiiralin. Ang tindig na ito’y masasabi na likas na batas na sinusunod ng balana o ng nakararami. Sa totoo lang mahirap masabi ang tama o mali gayong kulang ang nakukuha sa takdang dapat makamit. Halimbawa, ang laban sa droga, kung maliit at kalaban asahan ang paghandusay sa lansangan.
Subalit, sa bayaw ng kaibigan magkakape pa sa Malacanan. Ang tanong nahan ang lehitimong pagpapatupad ng batas? Talaga bang iba ang kalaban at iba sa kakampi? Di ba nakapiring si katarungan upang maging patas ang batas? Sa nagtatanong at may karaingan, ito’y likas na kinukulayan upang magamit ang mekanismo ng estado. Sa paghahanap ng dapat, hinarap ni Mang Juan ang tao ng estado, maging pulis o sundalo na ang pakay mapanatili ang kaayusan sa lipunan na walang naagrabyado.
Ang paglapit sa estado’y paglapit upang makamit ang itinakda. Subalit ang paghingi ng katarunga’y hindi ipinagkaloob dahil naapektuhan ang kakampi. At ang hindi pagkilos kontra sa kakampi, ang mensaheng kami-kami, kayo-kayo, sila-sila, ito ang kasalukuyang kalagayan na umiiral sa ating bayan.
Mula dito, nahahati ang mga taong kumikilos para sa tama, dahil ang tama’y naka batay sa pagkamit ng pangangailangan. Sa pagkakahati, malinaw na magkaiba na ang pangangailangan. Nariyan na kailangan tanggapin ang kaya at saka, ‘di baleng kakarampot ang tangap basta’t may pang-uwi sa bahay. At dito pumapasok ang pagmamalabis ng kalahating grupo, ang grupo na nasa palasyo.
Pinagsasamantalahan ang panahon ng kahirapan sa pagsulong ng sariling interes. Ang pagbubuhos ng salapi sa mga taong na linlang at nag-iba ng landas ang siyang gagawing pantapat kontra sa mga taong nagtataguyod ng tama ayon sa nakatakda. At dito nagsisimula ang katapatan ng tao sa tao at hindi sa prinsipyo. Sa pagkakahating ito, tuwang tuwa ang mga politiko na gumagamit ng salapi upang pakilusin ang sariling interes at hindi ng balana. Ito ang kaganapan na kinakaharap ng bayang magiliw.
Nakakalungkot masdan na kaliwa’t kanan ang pagkakahati ng mamamayan dahil sa mga taong isinusulong ang sariling layon at hindi nang bayan. Hindi prinsipyo o ideolohiya ang nananaig kundi pangalan at kulay ng pulitikong nagsusulong ng sariling interes. May pula, asul, dilaw na tawag ayon sa kanilang taguri. Nariyan ang Marcos loyalist, Dilawan, ang mga Davao Death Squad este Duterte Diehard Supporters o DDS, Leni fanatics, at iba pa. Matitiyak na kung sino ang maraming baon siyang mananatili at mananaig ang sariling interes. Habang si Mang Juan nganga at naka tanga, kawawa naman…
Sa ngayon kitang kita ang pagkakahati ng mamamayan ayon sa kanilang kulay at pakinabang. Ang interes ng pakinabang ang siyang umiiral sa bansa sa halip na pakinabang sa kabuuan. Walang nag-iisip na ito ang dapat para sa bansa, puro pahayag kung paano maiisahan ng isa ang iba ayon sa katayuan. Nariyan ang batuhan na ng putik kahit sa pagpili pa lang ng kung sino ang nais na patakbuhin para sa interes ninuman.
Sa pagmamasid, makikita na ang mga nasa pwesto’y tuwiran ang paggamit ng lakas ng pamahalaan. Wala pang metrong gamit ang anumang institusyon bayan upang bawalan ang sino man sa kanila, para saan na nandito tayo. Ang paggamit ng iba’t-ibang medium ng komunikasyo’y na pawang pagnanais ang binabangit. Walang tuwirang paglalahad ng nais subalit ramdam ang batuhan ng puna at mga hukayan ng mga usaping legal.
Mang Juan, sabihan ang iyong mga anak, ano man ang kulay na dalang paniniwala, ano man ang taguri sa kanya, pag-isipan ang kagalingan ng bayan bago ang sarili. Batid mo na ang mga anak ang ginagamit upang maihatid ng mga politiko ang kanilang interes sa mga Pilipinong pipili ng magiging lider ng bansa sa susunod na panahon. Ang pagsasabi sa anak mo’y magbibigay daan sa mahusay na pagpapasya ng mga taong pipili ng susunod na lider. Isulong ang kapakanan ng bansa sa pagkakataong ito.
Bigyan giya ang mga anak, na huwag maakit sa kinang ng salapi na pansamantala lamang, bagkus ipaalam na ang tamang galaw ang siyang magliligtas sa bayan na matagal ng nagdudusa dahil sa kasakiman ng iilan. Sinadyang hatiin ang mga anak mo upang maisulong ang interes ng mga taong hindi sumusunod sa mga nakatakda. Maraming panahon ang nagdaan, na ang mga nagtatakda’y lumulusot sa mga batas na para lamang sa mga maliliit at hindi para sa kanila.
Buwagin ang manipulasyon ng iilan sa nakararami, buwagin ang pagiging panatiko sa mga politiko. Isulong ang kagalingan ng bansa at ‘di ng iilan. Magising, mamulat at magmulat para sa kagalingan ng bayan nating mahal.
Maraming Salamat po!!!
The post Imulat appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: