SA panahong ito na halos nawawalan na ng pag-asa ang maraming mga Pinoy na makaahon sa kahirapan sanhi ng pandemya, ay may ilang opisyales pa rin naman ng gobyerno at pribadong indibidwal ang tumutugon sa pangangailangan ng mga maralitang sektor.
Isa sa pinaka-apektadong sektor ng lipunan sa pananalasa ng nakahahawa at nakamamatay na COVID 19 pandemic ay ang hanay ng mga magsasaka.
Ang grupong ito ang isa sa napapabayaang sektor ng lipunan dahil sa mga anomalyang napapaulat na nagaganap sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI).
Totoo na marami tayong natatanggap na ulat hinggil sa mga paratang na katiwalian laban sa ilang matataas na pinuno ng mga nasabing departamento ng gobyerno, ay ibahin at wag itulad ang Batangas City Veterinary and Agricultural Services na nasa ilalim din ng DA.
Lalong kilala ang nasabing tanggapan bilang Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) na nasa administrasyon ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na kaliwa’t-kanan ang pagtuligsa laban sa tanggapan ng DA dahil sa hinalang may kinalaman ang nasabing ahensya at BAI sa nararanasang pagtaas ng mga produktong pang-agrikultural.
Kasama sa ibinibintang laban sa ilang opisyales ng DA at BAI ay ang pakikipagsabwatan ng ilan sa mga ito sa mga bilyonaryong pork importer upang maibaba ng sagad ang taripa sa importasyon ng karneng baboy samantalang tumataas naman ang halaga nito sa mga pelengke sa bansa.
Sa katunayan hindi natutupad ang itinakdang price ceiling ng karneng baboy na Php 270 kada kilo sa mga pamilihan ngunit ibenebenta naman sa mga palengke ng mula Php 380- Php 400 kada kilo ng karneng baboy.
Sangkaterba ang reklamong ipinararating sa SIKRETA na sa mga pampublikong pamilihan sa mga siyudad ng Batangas , Lipa, Tanauan at iba pang mga palengke sa CALABARZON, tungkol sa iligal na pagtataas ng presyo ng bawat kilo ng karneng baboy.
Paanong hindi kukulo ang dugo ng ating mga kababayan sa di pag-aksyon maging ng Department of Trade Industry (DTI) laban sa mga negosyanteng nagtataas ng presyo ng pork at hindi sumusunod sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pinalabas na Executive Order.
Mukha talagang inutil ang tanggapan ng DA, BAI at DTI dahil sa kawalan ng aksyon ng mga ito laban sa mga negosyanteng nagtitinda ng karne at lantarang sumusuway sa mismong utos ni Pangulong Digong?
Pasalamat na lamang ang grupo ng mga mango growers sa lalawigan ng Batangas pagkat sa kabila ng mga nangyayaring anomalya sa DA ay aktibo naman ang OCVAS sa pagsuporta sa nabanggit na asosasyon na pinamumunuan ni Domingo Mercado ng Brgy. Catandala, Batangas City.
Sa ginanap na pasinaya na Mango Harvest Festival ng DA na ginanap din sa naturang barangay ay dumalo sina Engr. Rodeliza Gruezo, DA- RFU IV-A, Rodrigo Bautista at mga opisyales ng Provincial Agriculture, Dr. Loyola Bagui ng OCVAS gayundin sina APCO Fidel Libao at Ruben Perlas na mga Regional Mango Focal Persons.
Para sa grupo nina Mercado ay malaking suportang moral ang pakikiisa sa kanila ng OCVAS at iba pang opisyales ng lungsod at lalawigan.
Nauna nang tumanggap ng ayuda ang naturang asosasyon mula sa DA ng mga agricultural implements tulad ng power sprayers, mini chainsaw, pole pruner, ladder, calcium nitrate (flower inducer) at iba pang mga kagamitan sa ilalim ng Mango Rehabilitation Program.
Layon ng pamahalaan na tulungan ang nasabing asosasyon na mapasagana ang produksyon at maitaas ang kalidad ng mga aning mangga sa Batangas upang makilala ito sa pandaigdigang merkado.
Ang programa ng OCVAS at ng DA ay batay sa high value crop development program ng mga naturang tanggapan.
Kaya naman dapat magalak ang ating mango growers, lalo na sa Batangas City pagkat kasuporta ng mga ito ang OCVAS at sina 5th District Cong. Marvey Mariño at City Mayor Beverly Dimacuha!
LABAG SA BATAS!
MAY mga natatanggap na reklamo ang inyong lingkod hinggil sa anila ay labag sa batas na operasyon ng online sabong sa Xentro Mall na nasa kahabaan ng Diversion Road, Brgy. Alangilan, Batangas City.
Ang pagkakaalam ng mga taga-Batagas City ay may umiiral na ordinansang nagbabawal sa operasyon ng anumang uri ng sugal simula ng ipatupad ang ibat-ibang uri ng health protocols simula nang manalasa ang COVID 19.
Sa katunayan bilang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas ay umugit ng isang ordinansa ang Sangguniang Panglungsod na agad namang inaprubahan ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha. Batay sa ordinansa ay ipinagbabawal ang pag-ooperate ng lahat na uri ng sugal sa nasasakupan ng siyudad lalo na sa panahong ito ng pandemya.
Ang tanong: bakit may nag-ooperate ng Off Cockpit Betting Station (OCBS) sa naturang mall simula pa noong July 1, 2021, gayong wala namang dapat na bigyan ng Permit to Operate para magpatakbo ng kahit anumang uri ng pasugal, mapa-ligal man o illegal sa Batangas City sa kapanahunang ito?
Ala e, ano nga ba ang tunay na lagay nito, may cash-unduan kaya dito? Paging Batangas City Police Chief, LtCol. Gerry Laylo…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
The post Suporta sa Mango Growers Association appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: