NASA mahigit na 1.4M bakuna na ang naiturok sa Lungsod ng Maynila simula nang umpisahan ang mass vaccination program noong Marso nang taong kasalukuyan at may 824,920 katao na ang naturukan hanggang noong Martes, Aug. 3
Sa pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno, sa kabuuang bilang ng mga taong nabakunahan ay 80 porsyento nito o 629,038 ay fully-vaccinated. Sila ay kasamang bumubuo ng 1,065,149 residente na ang edad ay mula 18 hanggang 100 o yung nabibilang sa populasyon na kwalipikadong mabakunahan.
Mula sa datos na nagmula kina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, kapwa punong tagapangasiwa ng vaccination program ng lungsod, sinabi ni Moreno na patuloy na binubura ng vaccinating teams ng lungsod ang kanilang sariling record pagdating sa usapin ng bilang ng bakuna na naituturok sa isang araw.
Noong July 31 ang kabuuang bilang ng naiturok na bakuna sa mga indibidwal sa Maynila ay umabot sa 44,570 at dahil dito ay pinasalamatan ni Moreno ang mga vaccinating teams kabilang na ang encoders pati na ang mga nagpapatupad ng kaayusan sa mga vaccination sites tulad ng mga opisyal ng barangay at mga kawani ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ni Arnel Angeles.
Sa kabuuang mahigit na 1.4 million vaccines na naiturok sa lungsod 400,000 dito ay Sinovac doses na naiturok sa record na apat na araw lamang at ito ay binili ni Moreno nang direkta sa gumagawa nito sa China sa tulong ni Secretary to the Mayor Bernie Ang.
Sinabi ni Moreno na determinado silang dalawa ni Lacuna na mas maraming Manileño ang mabakunahan sa mas mabilis na panahon hanggat maaari. Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng lungsod ang pagsasagawa ng 24/7 o magdamagang pagbabakuna.
Gaya ng dati, ang lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng bakuna sa tuwing available ito sa loob ng 14-oras sa 26 vaccination sites bukod pa sa pagbabakunang ginagawa sa gabi para sa mga mga nighttime workers.
“Vaccination must be faster than infection,” sabi ni Moreno at idinagdag din nito na ang mga Manileño na bumabalik para sa kanilang second dose ay laging nasa 99 porsyento.
Sinabi pa ng alkalde na sa Maynila ay maliwanag na gustong-gusto ng mga residente na magpabakuna upang makuha ang proteksyon na ibinibigay ng bakuna para hindi mauwi sa severe o critical sakaling mahawahan ng COVID-19.
Base sa pag-aaral ay sinabi ni Moreno na kapag nabakunahan ka na first dose ay nasa magandang posisyon ka na at mas lalo pang magagarantiyahan ang iyong proteksyon laban sa coronavirus kapag nakatanggap ka pa ng second dose. (ANDI GARCIA)
The post Mahigit 1.4M bakuna, naiturok na sa Maynila — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: