Facebook

“Itigil ang paggamit ng Smartmatic sa Halalan 2022”

INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo’…” (ang Panginoong Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo, sa Juan 8:32, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

MGA GRUPONG KRISTIYANO, HUMIHILING SA COMELEC NA HUWAG NA NITONG GAGAMITIN SA HALALAN 2022 ANG SMARTMATIC: Dumarami na ang mga grupo ng mga mananampalatayang Kristiyano na sumasama, o di kaya ay lantarang nagpapasimuno, sa mga pagkilos upang tiyakin ang maka-Diyos at tapat na Halalan sa 2022. Kasama sa kanilang mga isinusulong ang pagpapatigil sa paggamit ng Commission on Elections ng kompanya ng SMARTMATIC sa nasabing electoral exercise.

Ayon sa isang grupong regular ng nagpupulong-pulong sa layuning ito, masyadong napakahalaga ng Halalan 2022 sa paghahalal ng mga mamumuno sa bansa, dahil ang mga mananalo doon ang haharap sa mga maseselan at sensitibong mga problema ng pilipinas sa ngayon.

Tinukoy nila ang ilan sa mga problemang ito: ang patuloy na panananalasa ng COVID 19 pandemic, at ng mga mas nakakamatay na bagong uri nito gaya ng Delta variant, ang mga di-matigil-tigil na korapsiyon sa gobyerno at sa pribadong sektor, kriminalidad sa lahat ng dako sa lahat ng antas ng buhay, at sa patuloy na pamamayagpag ng ilegal na droga sa mga lunsod at bayan sa Pilipinas sa kabila ng naging mabalasik na kampanya ng gobyernong Duterte laban dito.

Dahil dito, kailangang walang bahid ng anumang duda ang magiging resulta ng halalan partikular sa mga posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa, upang masasabing nasa likod talaga nila ang Sambayanang Pilipino. Kasama sa grupong ito sina Pastor Jojo Gonzales at Bishop Juan Pring, ang mga pinuno ng One Vote Movement, Atty. Melchor Magdamo, isang private lawyer na minsan ng gumanap bilang whistleblower sa P150 million election folder scam sa Commission on Clections, Atty. Noy Macatangay ng Buklod Pamilya Incorporated.

Kasama din sa grupo si dating Congressman Willie Buyson Villarama na ngayon ay kumakatawan sa El Shaddai ni Brother Mike Velarde sa grupo, at ng inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, ng Alyansa ng Nagkakaisang Demokratikong Kumikilos at Nagsusulong ng Kagalingang Panlipunan (AND KNK-P).

***

PAGIGING MAKA-DIYOS AT TAPAT NG HALALAN 2022, MAHALAGA UPANG MAPAGTAGUMPAYAN NG BANSA ANG COVID 19 AT IBA PANG MGA PROBLEMA: Ipinunto ng grupo sa kanilang online meeting noong umaga ng Miyerkules, Agosto 04, 2021, na hindi na dapat pang gagamitin ng Comelec ang Cmartmatic sa 2022. Ang pangunahing dahilan ng grupo ay ang sinasabi nitong kawalan na ng Smartmatic ng kredibilidad para sa isang tapat at malinis na eleksiyon, dahil na din sa marami ng masyadong eskandalo ang kinasasangkutan nito sa mga halalan sa iba’t ibang bansa.

Pinunto nila ang naiulat na malakihang pampublikong demonstrasyon ng mga Brazilians noong isang araw, kung saan ipinagpipilitan ng mga mamamayan ng Brasil na nag-martsa sa mga pangunahing kalsada doon, na itigil na ng kanilang gobyerno ang paggamit ng Smartmatic sa kanilang mga halalan.

Batay sa mga naglalabasang ulat sa social media, inaakusahan ng mga nag-demonstrasyon sa Brasil ang ginagawang manipulasyon ng resulta ng mga halalan sa kanilang bansa, upang paboran ang ilang mga kandidatong bagamat hindi nanalo sa botohan ng mamamayan ay idinedeklara pa din ng Smartmatic bilang mga bagong mamumuno doon.

Ayon sa grupong nagpulong kanina, malaking kuwestiyon din sa kredibilidad ng Smartmatic ang patuloy na pagkilos ng ilang grupo sa Republican Party sa Estados Unidos, upang baligtarin ang naging resulta ng halalang pampanguluhan sa America noong 2020. Ayon sa mga supporters ng dating Pangulong Donald Trump, ang resulta ng halalan sa US ay nagmula lamang sa pandaraya ng Smartmatic. Batay sa mga pahayag ng mga testigong inilalabas ng mga abogado ng Republican Party, may mga nakahanda na diumanong mga resulta sa ilang mga lugar doon, samantalang hindi pa ginaganap ang kanilang mga halalan.

***

SC, HINIHINTAY MAGPASYA KUNG PUWEDENG LITRATUHAN ANG MGA ELECTRONIC BALLOTS MATAPOS IPASOK SA BALLOT BOXES: Sa panig naman nina Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy macatangay, Bishop Juan Pring, at Atty. Melchor Magdamo, mahigpit nilang binabantayan ang magiging pasya ng Korte Suprema sa kanilang petisyon. Sa nasabing petisyon, hinihiling nila na utusan ng kataas-taasang hukuman ang Commission on Elections na payagang makuhanan ng litrato ng mga interesadong kandidato, partido pulitikal, o ng iba pang interesadong mamamayan, ang mga balotang ginamit ng mga botante upang maghalal.

Ayon kay Atty. Melchor Magdamo, ipinapanukala nila na mapayagan ang pagkuha ng litrato ng mga balotang ipinasok sa mga ballot boxes ng mga botante mismo. Ang pagkuha ng litrato ay ipinapanukalang gawin pagkatapos maisara ang botohan ng mga alas singko ng hapon sa election day.

Sa ganitong paraan, ayon kina Atty. Magdamo, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, at Bishop Juan Pring, magkakaroon na ng aktuwal na patunay ng resulta ng botohan sa isang partikular na presinto, bagamat hindi pa nag-uumpisa ang bilangan at ang canvassing ng mga boto.

Mapipigilan ng mga pagkuha ng litrato ng mga balota ang dayaan ng kahit na sinong tao o grupo, dahil mabibilang na agad ang balota at makikita na agad kung sino ang nakakuha ng pinakamaraming boto. Nagpunta sa Korte Suprema sina Atty. Magdamo matapos na unang tanggihan ng Commission on Elections ang hiling nilang ito.

***

PAGLILITRATO NG MGA BALOTANG NAKAPASOK NA SA BALLOT BOXES, HINILING BILANG INSTRUMENTO NG MALINIS NA RESULTA NG HALALAN: Ayon sa kanila, may batayan sa batas ang pagkuha ng litrato ng mga naipasok na mga balota sa mga ballot boxes. Sa totoo lang, pinapahintulutan ito ng batas, paliwanag nila Atty. Magdamo. Magkaganunman, sa pagtanggi ng Comelec na payagan ang paglilitrato ng mga balota sa ballot boxes, nagpapahayag ang mga poll officials na mawawala ang kasagraduhan ng balota at magagamit pa ito sa pagbili ng mga boto.

Bilang sagot nina Atty. Magdamo sa mga depensang ito ng Comelec, ipinaliwanag nilang hindi na sangkot ang kasagraduhan ng boto ng isang botante kahit na makunan ng litrato ang mga balota, dahil yung mga balotang iyon ay hindi kakikitaan ng kung sino ang botanteng naghulog noon, o bumoto doon.

Ikalawa, dagdag nila Atty. Magdamo, hinding-hindi na ito magagamit sa pagbili ng boto kasi, ang paglilitrato sa mga balota ay pagkatapos na ng halalan. Wala ng bibili ng mga balota, dahil nakapasok na ang mga ito sa ballot boxes, at hindi na ito pupuwedeng palitan pa.

Ayon Pina pastor Jojo Gonzales, hinihintay nila ang magiging pasya ng Korte Suprema ukol sa kanilang petisyon. Sa kabilang dako, ipinapanukala naman ni dating Congressman Willie Villarama ang pagbibigay ng voters’ education sa mga botante, upang tiyakin na hindi nila ipagbibili ang kanilang mga boto, at yun lamang may takot at pag-ibig sa diyos ang kanilang pipiliin.

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.

The post “Itigil ang paggamit ng Smartmatic sa Halalan 2022” appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Itigil ang paggamit ng Smartmatic sa Halalan 2022” “Itigil ang paggamit ng Smartmatic sa Halalan 2022” Reviewed by misfitgympal on Agosto 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.