![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/08/kuweba.jpg)
ISANG kuweba na umuusok ang dinadayo ngayon ng mga tao dahil sa paniwala na nakagagaling ito ng iba’t ibang karamdaman sa Dauin, Negros Oriental.
Sa ulat, ang tinutukoy na kuweba ay ang Oco cave na matatagpuan sa lupain ng pamilya ni Manuel Alejandro.
Natatandaan pa ni Manuel na dinadala sila ng kanilang magulang sa naturang kuweba kapag nilalagnat sila para gumaling noong bata pa sila.
Mas malakas din umano ang usok sa kuweba kapag may pag-ulan sa lugar.
Nagsimula dumagsa ang mga tao sa kuweba noong Oktubre 2020, sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Ang mga nagpupunta sa kuweba, sinasabing tila may himalang nangyayari kapag nasa loob sila dahil gumiginhawa ang kanilang pakiramdam paglabas.
Ang isang ginang, dinadala sa kuweba ang kaniyang anak na may problema sa balat. Marami na raw silang napuntahan pero napansin nila ang malaking pagbabago sa kalagayan ng balat ng anak mula nang magtungo sila sa kuweba.
Napag-alaman naman na ang usok na nakikita sa kuweba ay singaw mula sa mga bitak na naglalabas ng sulfur o asupre.
Umaabot daw sa 45 degrees Celsius ang init sa loob ng kuweba kaya sinasabihan ang mga tao na sa bukana lang pumuwesto at magtagal lang sa loob ng tatlo hanggang 5 minuto.
Sapat na raw ang naturang tagal sa loob para pagpawisan ng husto na mistulang pumasok sa steam bath o sauna.
Dahil sa pandemic, kailangang magpatala sa contact tracing ang mga papasok sa kuweba. Hanggang 10 katao rin lang puwedeng sabay-sabay sa loob dahil kailangan ang social distance.
The post Kuwebang umuusok nakagagaling ng sakit, dinadayo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: