
HUWAG magtaka kung ilang bahagi ng Manila Bay ay maging isla na titirikan ng mga pabahay at condo, hotel at restaurant, gusali ng negosyo, at pasyalan at libangan ng mga taong nababagot sa Metro Manila. May anim na land reclamation project na pawang pinayagan ng pamahalaan na maging isla at bagong urban center sa Look ng Maynila.
Naubos ang malalaking piraso ng lupa sa Metro Manila upang paunlarin na maging mga bagong urban center. Kailangan ng mga bagong urban center na maidadagdag sa hanay ng downtown Manila at Chinatown, Cubao Commercial District sa Quezon City, Ayala Business District sa Makati City, Bonifacio Global City sa Taguig, at iba.
Babawi ang pambansang ekonomiya kapag nawala ang pandemya na nagpahirap sa bansa. Ang anim na reclamation project sa Manila Bay ang bubuhay at magpapasigla sa kabuhayan ng bansa. Mas mura ang land reclamation kesa bumili ng mga bagong lupa. Walang maraming kausap sa land reclamation kundi ang LGU at Philippine Reclamation (PRA) na nangangasiwa sa lahat ng land reclamation project sa bansa.
Estratehiya ng mga local government units ng mga siyudad ng Navotas, Maynila, at Pasay ang gumawa ng mga bagong lupain sa pamamagitan ng pagtatabon sa kanilang mga teritoryong dagat sa Look ng Maynila. Kung naubos ang mga lupain, marapat gumawa ng mga bagong lupa sa mismong karagatan. Kasama ng mga LGU ang mga pribadong kumpanya na nagbuhos ng kanilang salapi at teknolohiya sa land reclamation. Halos walang gastos ang gobyerno at kumita pa sila sa mga land reclamation project.
Maingay ang ilang grupo na nagtataguyod ng pangangalaga ng kalikasan. Tinutulan nila ang mga land reclamation project dahil maaaring mauwi ito sa matinding baha at storm surges sa tag-ulan. Sisirain umano ng mga proyekto ang mga bahay ng mga isda sa Look ng Maynila at mauuwi ito sa hindi balanseng kalikasan. Mawawala rin ang ilang uri ng mga ibon pandagat, ayon sa kanila.
Patapos na ang Navotas City Coastal Bay Reclamation Project kung saan nagsama ang City of Navotas City at San Miguel Corporation (SMC) upang bumuo ng 650 ektarya na tatawagin Navotas Business Boulevard Park sa baybay dagat ng Navotas City. Nagkakahalaga ng P57.5 bilyon ang proyekto na inumpisahan noong 2019. Nasa proseso ng soil stabilization ang proyekto. Pinatatag ang lupa upang kayanin ang mga itatayong kalsada, imprastraktura, at gusali na gagamitin sa negosyo tirahan, at iba pa.
Gagamitin ang Navotas Business Boulevard Park sa pagtatayo ng P736 bilyon na Bulacan International Airport na itinatayo ng SMC sa susunod na limang taon. Nakatakdang itayo sa bagong isla ang estasyon at depot ng MRT Navotas City, aviation depot ng bagong paliparan, sports center, biotech park ng mga kompanya ng gamot, aviation academy, hotel at restaurant, condo at pabahay iba pa. Malaking bahagi ng bagong lupa ang para sa mga proyekto ng SMC sa hinaharap. Gagawin itong pinto para sa Bulacan at Gitnang Luzon.
May dalawang land reclamation project sa teritoryong pandagat ng Pasay City. Itatayo ang unang proyekto – ang 360 ektarya SM New Bay City- sa likod ng Mall of Asia. Proyekto ito ng Pasay City LGU at SM Prime Holdings. Buuin ng tatlong magkakahiwalay na isla ang proyekto at maglalaman ito ng mga condotel at restaurant, at mga gusali na magsisilbing tanggapan ng mga negosyo. May balak na magtayo doon ng isang sports center. Aabot sa P75 bilyon ang proyekto. Nagbigay na ng Notice to Proceed ang PRA.
Palalawakin ang proyekto ng SM Prime Holdings sa itatayong pangalawang land reclamation project – ang 265 ektaryang Pasay City Harbor Reclamation Project sa tabi ng SM New Bay City. Binubuo ng dalawang isla ang Pasay Harbor. Kasama ng Pasay City LGU ang Udenna Corp. ni Dennis Uy, Ulticon Construction ni Charlie Gonzales, at Royal Boskalis Westminster NV, isang kompanyang Dutch na ang specialization ay maritime infrastructure. Aabot sa P72 bilyon ang proyekto ng Udenna, Ulticon, at Boskalis. Aprubado ng PRA ang proyekto. Mag-uumpi sa Septiyembre ang dredging operations ng proyekto.
May sukat na 55 ektarya ang unang isla ng Pasay Harbor at maglalaman ito ng sea aquarium, water park, camping ground, botanical garden, quays restaurant at hotel, adventure theme park, bikers’ park, museo at iba pa. May sukat na 210 ektarya anmg pangalawang isla. Maglalaman ito ng yacht pier, helipad, port control para sa mga cruise ship, mga gusali para sa tirahan, negosyo, at aliwan, theme park, at mga high-rise condo.
May tatlong lang reclamation project sa teritoryong dagat ng Maynila, at kasama ng City of Manila ang tatlong iba’t-ibang pribadong kumpanya sa tatlong magkakahiwalay na proyekto. Nagsimula na ang proyekto ng Solar City ng Manila Gold Coast Holdings ng pamilya Tieng na nasa cable TV at communications. May sukat na 148 ektarya ang Solar City at buuin ito ng tatlong isla sa likod ng Manila Yacht Club na malapit sa Cultural Center of the Philippines. Iba ang konsepto ng Solar City dahil pawang makabagong solar panel ang gamit sa bawat gusali.
Kalapit ng Solar City ang proyektong 419 ektarya Horizon Manila na itatayo ng City of Manila at Jbros, isang pribadong kompanya sa construction na sinasabing pag-aari ni Ricky Razon. Aabot sa P60 bilyon ang proyekto at binubuo ito ng tatlong halos magkasinlaking isla. Wala masyadong detalye ang proyekto, bagaman may mga negosyong nagkainteres na gamitin ito.
Uumpisahan ang proyektong Manila Waterfront reclamation at itatayo ang 318 ektaryang isla sa likod ng Quirino Grandstand. Maaaring umabot sa P100 bilyon ang proyekto na sinasabing pinangungunahan ng grupo ng negosyanteng William Gatchalian. Tinatangkilik ang tatlong proyekto ni Isko Moreno, alkalde ng Maynila.
May 25 land reclamation project sa Manila Bay. Walang Notice to Proceed ang marami dahil sa pandemya at ekonomiya. Kasama sa ang reclamation ng 1,600 ektarya sa planong Sangley Point International Airport, 1,300 ektaryang Bacoor City Reclamation Project ng Century Pack Corp. ni Wilfredo Keng, at 287 ektaryang Paranaque City Wetland Park na hindi matuloy-tuloy dahil sa pagtutol ni Senadora Cynthia Villar.
Kapag naitayo ang anim proyekto sa Manila Bay, inaasahan ang labanan ng mga malalaking kumpanya upang akitin ang mga negosyo na lumipat doon. Ang mga bagong reclamation project ang aako na paglaki at paglawak ng Bonifacio Global City sa Taguig. Hindi maiiwasan ang mabangis na digmaan sa negosyong real estate.
Hindi bago ang Manila Bay sa mga land reclamation project. Panahon ng mga Amerikano ng itayo ang Manila South Harbor. Noong panahon ni Ferdinand Marcos, may reclamation project na 88 ektarya kung saan itinayo ang Cultural Center of the Philippines, Philippine International Convention Center, Folk Arts Theater, at Philippine Sofitel Hotel.
The post Labanan sa Manila Bay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: