Facebook

Maynila, tumanggap ng 50K ng Sinovac mula sa nat’l gov’t

TUMANGGAP ang Lungsod ng Maynila ng 50K na bagong batch ng Sinovac mula sa national goverment, kasabay ng pakiusap nito na huwag ng magpunta ang mga scheduled vaccinees ng madaling araw sa vaccination site dahil may garantiya naman na matatanggap nila ang kanilang bakuna.

Sa kanyang ulat kay Mayor Isko Moreno, sinabi ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan na ang mass vaccination ay tuloy-tuloy at ito ay sinisimulan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi araw-araw sa mga pampublikong paaralan na itinakdang vaccination sites.

“Lahat na binigyan at nakatanggap ng number ng kanilang barangay officials ay dapat sumunod sa oras at lugar na nakalagay sa stub. Lahat ng nakatanggap ng stubs ay guaranteed na mababakunahan,” paliwanag ni Pangan.

Sa ilalim ng community quarantine status, sinabi ni Pangan na mahigpit na sinusunod ng pamahalaang lungsod ang ‘strict scheduling system’ kung saan ang mga babakunahan ay ini-schedule ng kanilang mga barangay.

Ang bawat residente ay binibigyan ng stub ng barangay kung saan nakalagay dito ang lugar at oras ng pagbabakuna. Ibinibigay naman sa mga vaccination sites ang bakuna sa loob ng 12-oras na operasyon nito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 gabi.

Maliban sa karaniwan na tatlong pampublikong paaralan na ginagamit bilang vaccination site sa kada distrito sa Maynila, may panibagong tatlong special community sites ang itinakda at ito ay ang mga Smokey Mountain Barangay 128 covered court, Benigno Aquino Elementary School at Area-H Palagatak covered court sa Parola.

Tuloy din ang home vaccinations para sa mga bedridden at physically-challenged , ayon pa kay Pangan.

Ssmantala ay iniulat ni Dr. Grace Padila, Sta. Ana Hospital Director na patuloy na bumubuti ang kalagayan ni Mayor Isko Moreno habang ito ay naka-confined sa nasabing pagamutan. Aug.15 nang ipasok sa pagamutan ang alkalde matapos na magpositibo sa COVID-19.

Isang linggo bago ipinasok sa pagamutan si Moreno ay si Vice Mayor Honey Lacuna naman ang na-infect ng coronavirus disease at ipinasok din sa Sta Ana Hospital. Si Lacuna ay pinalabas na ng pagamutan noong Huwebes pero pinayuhan na mag-isolate sa kanyang bahay sa loob ng isang linggo habang tinatapos ang kanyang oral medications sa loob ng isa pang linggo. (ANDI GARCIA)

The post Maynila, tumanggap ng 50K ng Sinovac mula sa nat’l gov’t appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Maynila, tumanggap ng 50K ng Sinovac mula sa nat’l gov’t Maynila, tumanggap ng 50K ng Sinovac mula sa nat’l gov’t Reviewed by misfitgympal on Agosto 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.