![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/01/pangil.jpg)
People don’t corrupt power, power corrupt people. — American novelist William Gaddis
PASAKSLYE:
Kung tunay na ngayon lang lumalabas ang mga resulta ng genome sequencing sa mga indibiduwal na sumailalim sa Covid testing bago pa ang pagpapabalik sa enhanced community quarantine (ECQ) status sa Metro Manila noong August 6 kaya lumobo ang bilang ng mga kaso ng mga nagpositibo sa Covid-19, madali namang matiyak ito dahil siguradong may petsa kung kailan sila nasuri kaya ito ang pagbabasehan para sabihin kung tama ang pandemic response ng ating pamahalaan.
Dapat bago mag-August 6 ang testing para kumpirmado ngang epektibo ang ECQ laban sa patuloy na pagkalat ng novel coronavirus o nCoV, lalo na sa dahilang may banta mula sa Delta, Gamma at iba pang mga variant ng virus.
Salamat sa DEPARTMENT OF HEALTH (DoH)!
* * *
MAPALAD ang ating mga mag-aaral dahil sa mabilis na tugon ng DEPARTMENT OF EDUCATION (DepEd) hinggil sa tangkang pandedenggoy ng isang kontratistang gumamit pa ng mga dinuktor na dokumento para maibuslo ang mahigit isang bilyong pisong kontrata para sa paglilimbag ng learning modules na nakalaan para sa kalahating milyong estudyante ng mga pampubikong paaralan.
Sa pinakahuling ulat na nakarating sa atin, tuluyan nang itinala sa blacklist ang JC PALABAY ENTERPRISES sa paglahok sa lahat ng proyekto at programa ng kanilang kagawaran.
Kung hindi nabisto, isang tumataginting na PhP1.1 bilyong kontrata sana ang nadale ng isang kompanyang batay sa imbestigasyon ng DepEd ay lumalabas na isa palang gift shop. Higit sa pagiging gift shop, nagsinungaling pa ang kompanyang ito sa mga isinumiteng deklarasyong saad sa Net Financial Contracting Capacity at sa Audited Financial Statement.
Lumalabas kasing 20 ulit na mas malaki ang kanyang NFCC kumpara sa aktuwal nitong kapasidad.
Susmaryosep! Isang malinaw na panggagago ang tangkang palusutin ng JC Palabay Enterprises sa kabila pa ng babala ng Pangulong RODRIGO DUTERTE hinggil sa katiwalian.
Pahiwatig ba itong hindi kumpinsido ang nasabing kumpanya sa sinseridad ng Pangulong labanan ang kurapsyon sa pamahalaan?
Bukod sa pag-blacklist sa JC Palabay Enterprises, may humuhugong na balita din hinggil sa umano’y pagkasibak ni education undersecretary JESUS LORENZO MATEO na nagsilbing chairman ng DepEd Bids and Award Committee II.
Gayunpaman, lubhang nakakabahala ang kalagayan ng kalahating milyong mag-aaral dahil mas malamang kaysa hindi, wala silang learning modules na magagamit sa pagbubukas ng klase dahil magpahanggang ngayon ay wala pang learning modules ang mga estudyanteng nakatakdang magbalik-klase sa Setyembre.
Ating panawagan kay butihing DepEd secretary LEONOR BRIONES, magpasya hangga’t may nalalabi pang tatlong linggo bago magsimulang ang blended learning system na ipinatutupad ng pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral laban sa pesteng Covid-19.
Bagama’t tama lang na pawalang-bisa ang nasabing kontrata, nalagay naman sa alanganin ang kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Ang tanong — bakit hindi na lamang ipagawa sa iba ang mga learning modules na kailangang-kailangan na sa mga susunod na linggo?
Maraming may kakayahang maglimbag ng mga learning modules na di hamak na kwalipikado at hindi manloloko. Sa gitna ng ganitong sitwasyon, hindi dapat magpatumpik-tumpik ang DepEd dahil kinabukasan ng mga kabataan ang nakataya.
Panawagan sa DepEd, huwag i-kompromiso ang edukasyon ng mga kabataang pag-asa ng bayan.
Muli, salamat sa DepEd!
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat
The post Salamat sa DepEd at DoH! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: