BALIK tanaw muna tayo bilang paggalang at pagpugay sa kadakilaan at kabayanihan na rin, ng ating dating Pangulong Manuel Luis Quezon na ang kapanganakan ay gugunitain nating muli sa August 19 na siya ring pagdiriwang ng Linggo ng Wika.
Ang unang araw ng Agosto ay paggunita rin kay Quezon dahil ito ang araw (August 1, 1944) ng kanyang kamatayan bunga ng sakit na tuberculosis sa kasagsagan ng World War II habang siya ay tumago muna sa New York sa America sa panahon ng pananakop ng mga Hapon sa ating bayan.
Maraming pinagdaanan si Quezon na tubong Baler ng Quezon Province bago siya naging ikalawang pangulo sa kasaysayan ng ating bansa. Mula pagkabata na tulad ng marami ay sa public school din nanggaling, ang ating bayani ay talaga namang nagsimula sa ibaba. Lumaban at nakilahok sa digmaan sa pagmamahal sa bayan. At alam niyo bang nagsilbi pang ‘aide de camp’ ng una nating pangulo na si Emilio Aguinaldo noong Philippine-American War bago nya tinalo ito sa halalang noong 1935.
Inabot ang ranggong major sa giyera na yun at nang matapos ay itinuloy ang kursong abogasya, na pang-apat lang naman, sa lahat ng pumasa matapos kumuha ng bar exam nang mga panahong iyon. Nagsimulang magtrabaho sa gobyerno bilang clerk at surveyor, pinalad na maappoint na tresurero ng Mindoro at kalaunan ay sa Tayabas. Naging konsehal ng Lucena at pagtapos ay naging gobernador ng Tayabas. Yaon ang naging daan hanggang mapunta siya sa kongreso, senado at naging pangulo.
Nagpakita ng tunay na pagmamalasakit sa lahat ng kanyang mga kababayan hanggang sa mga taga-Mindanao gayong siya ay taga-Luzon at bilang pangulo sa gitna ng pandaigdigang digmaan, isa lang ang kanyang pinanghawakan – ang mahusay na pamamahala na walang pamumulitika.
Pagmamahal sa bayan pa rin ang nasa isip niya nang kanyang ipag-utos na maging pambansang wika ang salitang ”tagalog’, kaya mayroon tayong paggugunita nito sa tuwing gugunitain ang kanyang kapanganakan. Sa kanya rin nanggaling ang pagtatalaga sa malaking lupain bilang Lungsod Quezon, kung saan pinangarap niyang maging sentro ng bansa, at katunayan ginawa itong ‘capital’ ng Pilipinas ng mga panahong iyon.
Isa nga sa tawag sa Quezon City ay “planned city”, gahil talagang iplinano at binalak ni Quezon na pagsama-samahin ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa siyudad na ito, upang mapadali ang pamamahala. Ngunit, ang sabi nga, nag-iiba ang lahat ng bagay o walang permanente sa mundo.
Marahil iisa lang ang naging permanente, ang himlayan ng nasawing bayani, kung saan ang kanyang mga labi ay nakalagak magpa-hanggang sa ngayon – ang Quezon Memorial Circle. Ito ang magpapalala sa atin sa tuwina na ang parke o pasyalang ito ay minsan nang pinangarap at naisakatuparan ng ating mahusay na pangulo – si Manuel Luis Quezon.
The post Si Quezon at ang Quezon City appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: