
POSIBLENG magbago ang desisyon ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go at kagatin ang pagtutulak sa kanya ng mga kasama sa ruling party Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na maging standard bearer nito sa 2022 presidential elections kung si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang magiging katambal na bise-presidente.
“Gaya ng sinabi ko noon, ang makapagbabago lang ng aking desisyon na tumakbo bilang Presidente ay kung si Tatay Digong ang aking magiging Bise Presidente,” ayon kay Sen. Go.
Sinabi ni Go na nais niyang si Pangulong Duterte ang kanyang maging ka-tandem sa pampanguluhang halalan hanggang sa pagsisilbi sa bayan dahil naniniwala siyang ito ang magiging “continuity” ng pamamahala sa pamahalaan.
Ganito rin ang naging pahayag ng Pangulo na nagsabing tatakbo lamang siya sa pagkabise-presidente kung ang magiging pangulo niya ay isang kapartido at makakasundo sa pagpapatakbo sa gobyerno.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos inomina ng national executive council ng PDP-Laban ang tambalan nina Sen. Go at President Duterte para isabak sa darating na pambansang halalan.
Sinabi sa media ni PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag na ang pag-eendorso sa Go-Duterte tandem ay tinalakay sa virtual meeting ng national executive council and officers ng partido noong Miyerkoles.
Kinumpirma naman ito ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang pangulo ng partido.
“In our PDP national executive council meeting yesterday, It was agreed to present to the forthcoming national convention the tandem of Go-Duterte for 2022 election,” ang sabi ni Cusi.
Ayon naman kay Matibag, muling tatalakayin ang pag-eendorso sa Go-Duterte tandem sa National Assembly ng partido sa Setyembre 8.
Ang Go-Duterte ang itinuturing na “super-tandem” at walang katibag-tibag sa darating na eleksyon dahil maraming naniniwala na ito ang magpapatuloy ng magagandang nasimulang programa at proyekto ng Duterte administration.
Matatandaang sinabi ni Duterte na ikinokonsidera na niya ang pagtakbong vice president para imantina ang “equilibrium”.
Sinabi din dati ng Pangulo na pangarap din aniya ni Bong Go na maging presidente ng bansa.
Ayon naman kay Bong Go, nagbibiro lamang aniya ang Pangulo sa pagsasabing wala pa siyang ambisyon tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon na nagbibigay lakas sa akin na makapagserbisyo ng maayos. Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa PDP-Laban sa kanilang suporta sa ating iisang hangarin na makatulong nang husto sa ating kapwa. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa taumbayan sa kanilang mataas na tiwala sa akin bilang inyong senador at tagapaglingkod,” ani Go.
“Marahil ito ang nakikita ng partido na tandem para maipagpatuloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ng administrasyong Duterte. Magsisilbi itong inspirasyon sa akin upang mas pagbutihin ko pa ang aking paninilbihan para sa sambayanang Pilipino,” idinagdag niya.
Sinabi ni Go na ipinagpapasa-Diyos niya ang kanyang magiging kapalaran.
“As I have said many times before, I leave my fate to God, to the Dutertes (both PRRD and Mayor Sara) — kung ano man po ang kanilang magiging desisyon sa pulitika — and to the Filipino people to whom I owe this opportunity to serve our country. Sila po ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na maglingkod kaya hindi ko po sasayangin ang oras na ito na makapagserbisyo sa aking kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya,” anang mambabatas.
Ayon sa senador, patuloy lang siyang nakatutok sa pagtulong sa gobyerno at sa kapwa Filipino na malampasan ang pandemya sa lalong madaling panahon.
The post ‘TATAKBO AKO KUNG SI PDU30 ANG BISE’ — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: