Facebook

Website ng vaccination program ng Maynila hinack ng 133 beses — Isko

MAY 133 ulit na hinack ang website na ginagamit ng Lungsod ng Maynila para sa mass vaccination program nito noong Miyerkules ng gabi sa tangkang isabotahe ang nasabing programa.

Ito ang ibinunyag ni Manila Mayor Isko Moreno na labis na ikinalungkot ang grabeng pagtatangka na isabotahe ang matagumpay na vaccination program ng lungsod simula nang ito ay ilunsad ito noong Disyembre 2020.

Ayon kay Moreno, sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at ng assistant chief nito na si Dr. Ed Santos, ang vaccinating teams ng lungsod ay palaging binubura ang sarili nitong record sa dami ng nababakunahan kapag may araw ng pagbabakuna.

Ang pinakahuling record ay 45,000 bakuna na naiturok sa loob ng isang araw sa Maynila kung saan halos umabot na sa 1.5 million doses ang naiturok sa kasalukuyan at siyang pinakamabilis sa Metro Manila.

Matapos maimpormahan ni Pangan si alkalde kaugnay ng pangha-hack sa website ay nakiusap si Moreno sa mga walang magawang hackers na kung maari ay huwag ng isama ang vaccination program ng Maynila sa mga kademonyuhang gawain ng mga ito dahil ang programa ay nagbibigay benipisyo sa mga inosenteng mamamayan ng lungsod.

Nabatid mula kay Electronic Data Processing (EDP) Department chief Fortune Palileo na ang pangha-hack ay nqgaganap halos araw-araw, pero ang pinakaseryoso ay naganap may dalawang buwan na ang nakaraan nang ang bilang ng mga nagparehistro ay lumobo pati na ang vaccination.

“May nangha-hack po sa site natin. Kumbaga po isang type nun eh DOS (Denial of service). Parang fina-flood po ‘yung connection sa site para di maka-konek ang mga tao or mag-down ang system kalaunan,” paliwanag ni Palileo na siyang gumawa ng system na ginagamit ng lungsod.

Idinagdag pa ni Palileo na ang website na hinack ay ang ginagamit sa vaccination at ito rin ang site kung saan nagrerehistro ang gustong magpabakuna at dito rin nagla-log in ang mga kliyente. Dahil dito ay nag-error ang system at kailangan itong ayusin na aabot sa ilang araw.

Tiniyak naman niya kay Moreno na ginagawa na nila ang lahat ng paraan at mababawi ang lahat ng records dahil may backups na ginagawa araw-araw.

Samantala nitong Huwebes ay tumanggap si Moreno ng show cause order mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan binibigyan siya ng 10-araw upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat papanagutin sa kabiguan niyang sumunod sa mga polisiya at programa na mandato ng kanyang tanggapan base sa assessment at verification ng 2018 Anti-Drug Abuse Council Performance Audit.

Gayunman ang nakaupong alkalde noong 2018 ay si Joseph ‘Erap’ Estrada dahil si Moreno ay nagsimulang manungkulan bilang alkalde noong June 30, 2019, natapos ilampaso si Estrada sa pamamagitan ng landslide victory. (ANDI GARCIA)

The post Website ng vaccination program ng Maynila hinack ng 133 beses — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Website ng vaccination program ng Maynila hinack ng 133 beses — Isko Website ng vaccination program ng Maynila hinack ng 133 beses — Isko Reviewed by misfitgympal on Agosto 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.