TAONG 1971, nagkaroon ng matinding pagbaha sa Metro Manila sanhin ng sunod-sunod na bagyo at monsoon rains. Hindi pa diktador si Ferdinand Marcos. Dahil sa pagbaha, naglabas ang Malacanang ng milyon-milyon pondo na bahagi ng contingency fund. Kumalat ang balita tungkol sa malawakang korapsyon. Hindi umano nakarating sa mga nasalanta ang pondo at inakusahan ang mga pulitikong kaalyado ni Marcos ng pagnanakaw.
Sumisibol noon ang ideolohiyang social democracy ng mga relihiyong Heswita sa Filipinas katapat ng national democracy ng Kaliwa. Kasalukuyang nagpapalakas ang kani-kanilang mga organisasyon bilang pangyanig sa gobyerno ni Marcos sa ilalim ng demokratikong sistema sa ilalim ng Saligang Batas ng 1935.
Inilunsad ng kilusang sosyal demokratiko ang isang plano upang magbigay kulay sa kanilang ipinaglalaban. “Agaw Mikropono” ang itinawag nila na isang biglaang pagkilos kung saan aagawin nila ang mikropono na ginagamit ng mga mambabatas sa Kongreso upang ipadama sa sambayan ang kanilang protesta sa mga nawawala at ninakaw na pondo.
Isinalaysay ang yugtong ito ni Benjamin Tolosa Jr sa kanyang makasaysayang aklat “Socdem: Filipino Social Democracy in a Times of Turmoil and Transition 1965-1995.” Idinetalye niya ang isang araw na pagkilos na umani ng atensyon ng publiko na nagtanong kung anong ang sosyal demokrasya bilang ideolohiya.
Bahagi ang “Agaw Mikropono” ng mas malaking programa ng kilusang sosyal demokratiko – Operasyon Tuligsa – kung saan binatikos ng mga aktibistang sosyal demokratiko ang Kongreso bilang isang kasangkapan ng naghaharing uri. Hindi lang ang mikropono ang inagaw sa pagkilos na ito. Inagaw rin ang congressional mace na tumatayong simbolo at awtoridad ng Kongreso na gumawa ng batas sa Konstitusyon ng 1935.
Ayon kay Tolosa, nakibahagi ang mga sumusunod na aktibista sa “Agaw Mikropono”: Gerry Sabilano, Ric Manapat, Jojo Deles, Karen Tanada, Bing Primicias, Paps Baskina, Doris Nuval, Fini Vera Viduya, Marlyn Vera-Angeles, at Grag Bautista. Pawang mga lider estudyante ang nagplano at nagsagawa ng Agaw Mikropono maliban kay Bautista na lider ng grupo ng mga tsuper ng taksi ng Kapulungan ng mga Sandigan ng Pilipinas (Kasapi), isang mass organization ng kilusang sosyal demokratiko.
Noong panahon na bago ideklara ni Marcos ang martial law (1972) at maging diktador, mayroon 100 araw kada taon ang regular session ng Kongreso. Kadalasan kulang ang 100 araw, kaya laging nagpatawag ang nakaupong pangulo ng emergency session upang ipasa ang ilang nakabinbin na mahalagang panukalang batas.
Nagmiting ang mga lider estudyante sa dating Ateneo College (hindi pa unibersidad) sa Institute of Social Order sa dating compound nito sa kalye Padre Faura sa distrito ng Ermita na ngayon ay kinatitirikan na ng Robinsons Mall. Naatasan si Sabilano, tagapagsalita ng Kasapi, na agawin ang mikropono nga mga kongresista sa Kamara de Representante. Ang gusali ng National Museum ang dating Kongreso at nagkasama ang Kamara at Senado sa isang gusali.
Gamit ang mga passes, nakapasok ang mga pulutong mga aktibistang sosyal demokratiko sa gallery ng Kamara. Inagaw ni Sabilano ang mikropono sa harap at nagsilbi itong hudyat upang humalo at nakigulo ang ibang aktibista. Kinondena ang korapsyon sa gobyerno.
Dinakip sila ng security ng Kongreso. Dinala sila sa presinto at inihabla ng paggambala sa sesyon ng Kongreso. Dumating ang isang abugado ng dating Senador Lorenzo Tanada at nagpiyansa sa kanila para sa pansamantalang paglaya. Hindi tumestigo ang mga opisyales ng security ng Kongreso at namatay na lang ang kaso.
Headline sa mga pahayagan ang Agaw Mikropono. Kasamang nalimbag ang mga larawan kung saan nagkagulo sa sesyon ng Kongreso. Hindi ito muling nangyari sa Kongreso dahil naging mahigpit na seguridad. Idineklara ni Marcos ang batas militar noon ika-21 ng Septiembre, 1972 at binuwag ng walang kaabog-abog ang Kongreso upang maging diktador.
***
ISINALAYSAY ni Tolosa sa aklat ang kasaysayan ng kilusang socdem (sosyal demokratiko) sa bansa. Sinabing isang taong-Simbahan – si Fr. Jose Blanco, isang Heswita, ang nagpasimuno ng kilusan. Tubong Kalinga, isang lalawigan sa Cordillera si Blanco at sa maagang edad, kinilala ang angking katalinuhan.
Nagturo ng walong taon sa isang paaralan ng mga Hesuwita sa Jogjakarta at sa pagbabalik niya sa bansa noong, inumpisahan niya na mangalap ng mga estudyante upang bumuo ng isang kilusan na tinawag na social democracy. Binigyan laman ng bagong ideolohiya ang turo ng Second Vatican Council kung saan sinabing ang Simbahan ay hindi para sa mayayaman at naghaharing uri. Simbahan ito ng mga mahihirap.
Nasaksihan ni Blanco ang magulong kabanata sa kasaysayan ng Indonesia kung saan nagkudeta ang mga heneral ng Indonesian Army at pinatalsik si Sukarno, ang pangulo, at pinalitan ni Suharto, isang heneral. Nasaksihan ni Blanco ang pagkamatay ng mahigit kalahating milyon kasapi ng Partido Komunista ng Indonesia sa madugong yugto.
Maraming nakalap si Blanco na aktibista sa kanyang ideolohiya, ngunit nang tumindi ang tunggalian sa ilalim ng diktadura ni Marcos, marami ang sumapi sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sumapi sa New People’s Army (NPA). Sa pagwawakas ng diktadura ni Marcos, marami ang sumama sa gobyerno at naging opisyales ng mga sunod-sunod na administrasyon.
Naimpluwensiyahan ng mga dating aktibista ng sosyal demokrasya ang PDP-Laban bago itong naging lapian ng mga lumpen muila sa Davao City. Marami sa mga dating aktibista ay tumanda na. Ang iba ay pawang nangamatay.
***
QUOTE UNQUOTE: “Anong meron? Libu-libo ang pinapatay tahimik sila, ngayon kung umasta parang mga hero! Aahhh merong parating na eleksyon. Buti na lang demokrasya tayo, may panahon para bumawi!” – Christopher Orongan, netizen
“The Constitution mandates the Ombudsman to protect & defend the people from the corrupt. Under Samuel Martires, it appears that the Ombudsman is obliged to protect & defend the corrupt from the people.” – Sahid Sinsuat Glang, netizen
“We urge the Filipino voters not to fall for the Dutertes’ latest cheap theatrics to keep themselves relevant in the eyes of the public. Tama na ang Duterte telenovela kung saan lahat ay kontrabida. Let’s make sure na “last and final season” na nila sa 2022. Hindi pagmamay-ari ng mga Duterte ang Pilipinas na pwede nilang paghati-hatian. Hindi family affair ang eleksyon at gobyerno. Let us vote them all out of power.” – Perci Cendana, Akbayan
The post ‘Agaw mikropono’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: