Facebook

Maling basa

MALAPIT na ang panahon ng paghuhusga sa mga politikong nagnanais na humingi ng basbas sa taong bayan upang makapaglingkod. Oo at tama ang inyong nabasa na humihingi ng basbas ang mga politiko na nais maglingkod sa bayan. Ganito kahalaga ang pagpapasya ng balana sa mga bansa na demokratikong sistema ang pamahalaan. Ito ang nagbibigay ng pagkalehitimo ng lider na tinitingala, ang basbas ng taong bayan. Ito ang may hawak ng tunay na kapangyarihan na magsasabi na ang pinuno o lider kailangan nito ng pagsang-ayon ng nakararami noon, hanggang sa kasalukuyang panahon.

Nang mauso ang halalan, tumaas ang pangangailangan ng pagsang-ayon ng balana. Ito’y nagpapakita na nasa balana ang tunay na lakas na nagbibigay daan sa mga pinunong bayan. Mayroong mga likas na lider na sumusulpot, subalit ang pagsang-ayon ng nakararami ang magbibigay daan upang sabihin na ito ang lehitimong lider.

Sa ganitong kaayusan, maraming pagsisikap ang mga nagnanais na makamit ang basbas ng balana, na kapag nakuha, masasabing ipinatong din ang basbas ng nasa itaas. Ang desisyon ng nakararami ang magsasabi kung sino ang dapat mamuno. May mga pagkukulang o pagkakamaling nagaganap sa pagdedesisyon, ganoon pa man, hindi na ito kagyat na mababawi. Kailangan ng tamang panahon bago mawala ang bisa ng pagkakaluklok ng sinumang lider na napili sa panahon ng halalan.

Maraming mga naganap na ganito sa bansa, o maging sa mundo, na may mga napiling lider na hindi karapat-dapat. Subalit, kailangang tanggapin kahit naging masakit. Kailangang dumaan sa proseso kung saan ang mga kinatawan ang nabigyan ng kapangyarihan na maalis ito sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment. Mabigat ang proseso lalo’t sa uri ng mga politikong mayroon tayo, na may kampihan at suhulan. Ang maling pagpili sa isang lider ng bansa’y isang uri ng maling basa sa sitwasyon. Ano masasabi mo Donald at TK?

Nagmamadali nang matapos ang kasalukuyang buwan at maraming Pilipino ang nakatali sa usapin ng pandemya. Ito ang sinasamantala ng administrasyon na bigyan ng atensyon. Walang ibang usapin kundi paano ang kaayusan ng mga lugar na kay dami na ng nagkakasakit ng C19, gayung kulang na kulang ang ayuda na natatanggap mula sa pamahalaan, kahit na kay laki ng pondong inilalaan. Sa kabilang dako, ang usapin ng bansa sa ekonomiya, teritoryo, hanapbuhay at karapatang pantao’y hindi natatalakay nang maayos. At kung may tanong sa usaping nabanggit, naggagalit-galitan na nanakot.

Walang lugar na mapag-uusapan dahil ang kalusugan bago ang kabuhayan ay tama, pero huwag kalimutan na walang kakayahan ang pamahalaan na mabigyan ng tamang ayuda si Mang Juan o kahit tamang bakuna, dahil sa bagsak na ekonomiya. Sa totoo lang, tahimik ang mga economic managers ng bansa dahil walang dapat pag-usapan sa pangkabuhayan na nabalutan ng usaping pandemya. Tila ang buwis ang nag-iisang pinagkakakitaan ng pamahalaan at walang nagsasabi na sapat ito upang makausad ang bansa. At ang tanong, nahan na ang bansa hinggil sa usapin ng ekonomiya, kulelat? Maraming nagsarang negosyo, walang turismo kundi tsekwang naglalaro sa POGO, at naglipatan sa kalapit bansa. Paano si Mang Juan?

Masasabing napakahalaga ng nalalapit na halalan sa sambayanan dahil dito nakasalalay kung saan at paano dadalhin ng magiging bagong lider ang pagbangon o maghahanap na lang ang mga Pilipino ng bagong bansa na maaaring umampon bilang mamamayan. Napakahalaga na maging tama ang magiging basa ni Mang Juan sa ipapalit na puno ng bansa dahil hindi na kaya pa ang isa pang buang, bobo, bandidong lider na magdadala sa bansa sa mas malalim na kahirapan.

Sa kasalukuyang panahon, napaka bilis ng pag-unlad ng mga bansa at tila ganun din kabilis ang pagbagsak ng ekonomiya, kung hindi tama ang pagdadala. Malaki ang pagkakaiba ng panahon noon sa ngayon, at ang pagkakaibang ito ang naglalayo sa kabuhayan ng mga tao. Hindi lumalaki ang mundo, subalit patuloy ang pagdami ng tao kaya ang maling pagpapasya ang maglulugmok sa bansa sa kahirapan.

Kung sisilipin ang mga nagnanais tumakbo sa panguluhan sa darating na halalan, masasabing ang bantulot na abalang pangulo ang may maayos na disposisyon upang dalhin ang bansa sa pagbangon at pagbabago. Subalit walang puso na pangunahan ang pagbangon o walang pakialam ito sa nakararami at sarili rin ang una at hindi ang bayan. Naroon ang sipag na gampanan ang tungkulin, ngunit bakit bantulot na harapin ang hamon na pangunahan ang pagbangon ng bansa sa susunod na panahon?

Wala ba itong kakayahan o may kinatatakutan na ‘di mawari kung ano? May alas ba dito ang IDG na ayaw nitong mailabas at kinatatakutan? O ayaw nitong sumabak sa hamon ng pagkakataon na magbibigay sa kabataang Pilipino ng pag-asa sa hinaharap? Malala ang kalagayan ng bansa, at ang tulad ng abalang pangulo ang inaasahan. Mali ang basa ni Mang Juan sa kilos at sa tamang panahon na ibinigay. Kung hindi ngayon, kailan?

Sa pagkakataong ito, halos naglalaho ang pag-asa ng bayan sa isang malinis, may direksyon, may malasakit sa nakararami, may pananaw sa maraming bagay, higit sa lideratong hinahanap nito. Sa bantulot na pagpapasya at pagtulak sa nais patakbuhin sa panguluhan, hindi ito ang tipo ng lider na nagbibigay ng pag-asa sa hinaharap. Mas mainam Mang Juan na buksan ang mata, diwa at pandamdam sa lider na kailangan ng bansa sa hinaharap.

Mahina man ang karisma, makinarya na kailangan sa halalan, hayaan ang ating pagbubuklod ang magdala rito upang pangunahan ang bansa sa kinabukasan. Ito ang uri ng lider na ipaglalaban ang interes ng bayan at hindi magpapakatuta sa sino man. Ang kawalan ng pasanin ng mga ayudang panghalalan ang nagpapalakas dito na maluklok. Ang balanang magdadala ang siyang babayaran ng tapat na paglilingkod. Walang pagbabanggit ng pangalan, ngunit sa puna ninyo malalaman ang tumbukin ng pitak na ito kung sino ang lider na ito.

Dumanas na ang bayan ng kahirapan sa maling basa sa nakaraan. Uulitin bang muli at papasanin ang hirap na dadalhin ng bayan lalo ng kabataan? Kaya pa ba ang anim na taong pagdurusa? Kaya pa bang pumasan at magbayad ng utang na pumapasok sa bulsa ng iilan? Kaya pa ba ang kaliwa’t kanang katiwalian? Tama na at huwag bigyang puwang matanso ng mga pangakong kailan may hindi mangyayari. Huwag nang mag isa. Basahin ang kilos at ugaling tunay at mapagpanggap. Hindi na kaya ang anim na taon ng pagkakalugmok ng bayang mahal.

Maraming Salamat po!!!

The post Maling basa appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Maling basa Maling basa Reviewed by misfitgympal on Setyembre 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.