AABOT sa P3.6-milyon makinang pansaka ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka sa lalawigan ng La Union na kasapi ng miyembro ng pitong (7) agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) upang makayanan nilang maging produktibo ang kanilang pagkakakitaan sa gitna ng epekto ng pandemya.
Ayon sa DAR tatlong ARBOs ang nakatanggap ng traktora, multicabs, sprayers, at water pumps, mula sa Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) project. Apat na ARBOs naman ang nabigyan ng mga cutters, knapsack sprayers, water pumps, mga pataba, at mga pestisidyo mula sa Sustainable Livelihood Support for Disaster Affected Areas.
Sinabi ni DAR Secretary John Castriciones, na namuno sa turn over, ang mga makina ay makatutulong sa mga magsasaka na maging mas produktibo lalo na ngayong may pandemya at upang maging mekanisado ang sistema ng kanilang pagsasaka.
“Sa ilalim ng proyektong ito tinutugunan namin ang kakulangan ng produksiyon sa agrikultura at kakulangan ng pagkain na sanhi ng pagbabago ng klima,” ayon kay Castriciones .
Samantala kasama rin ni Sec. Castriciones sa pagbibigay ng mga makinaryang pansaka sa mga kooperatiba ng mga magsasaka si Undersecretary Bernie Cruz, Foreign Assisted and Special Projects Office (FASPO) upang magbigay suporta sa mga magsasaka ng naturang lalawigan.
Kaugnay nito sinabi naman ni DAR Ilocos Regional Director Primo Lara na sa kabila ng pandemya at hamon ng kondisyon ng panahon, ang DAR ay nananatiling nakatuon upang makatulong na mapabuti ang kita ng mga samahan ng mga magsasaka sa lalawigan.
Ang pitong ARBOs na inayudahan ay ang mga sumusunod: Macalva Sur Multi-Purpose Cooperative, Payocpoc Norte Weste Agrarian Reform Cooperative, Calliat Multi-Purpose Cooperative, San Fermin ARB MPC, K5, Timpuyog ti Mannalon Burgos, at Dagup AR Cooperative.(Boy Celario)
The post DAR nagkaloob ng makinang pansaka sa magsasaka ng La Union appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: