HANGGANG ngayon, pinagtatalunan pa rin kung saklaw nga ba ng Commission on Audit (COA) ang Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon bilang chairman at chief executive officer ng organisasyon.
Kung maaalala, bago sinita ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gordon sa ginagawa raw nitong panggagatas sa PRC, binubusisi naman sa senado ang sinasabing pagkakawaldas ng P67.3 bilyong pondo ng gobyerno sa COVID-19 response.
Inakusahan ng Pangulo si Gordon na ginagamit nitong “milking cow” ang ahensya para sa pangarap ng senador na makasungkit ng mas mataas na posisyon sa pamahalaan.
Ginawa rin daw ito ni Gordon noong eleksyong 2010 at 2013.
Isa aniya sa pinakamalaking kasalanan ni Gordon ay nang ipahinto nito noong nakaraang taon ang coronavirus testing nang mabaon sa utang ang Philhealth.
Kaya agad na hinikayat ng Punong Ehekutibo ang COA na i-audit ang PRC tulad ng ginagawa nito sa ibang government agencies, kahit salungat daw ito sa nakasaad sa Article IX (D) Section 2 (1) ng 1987 Constitution.
Sa kabilang banda, umaray ang PRC Board of Governors sa pagsasabing sila bilang non-government humanitarian organization ay hindi raw tumanggap ng pondo mula sa gobyerno.
Inu-audit naman daw sila ng isang pribado at international accounting firm at wala raw itong nakikitang anomalya sa paggamit ng pondo mula sa iba’t ibang donors.
Kung ang COA naman ang tatanungin, wala silang kapangyarihang gawin ito.
Ang maaari lang daw i-audit ng ahensya ay ang pagbabayad ng Philhealth sa PRC pero ang paggugol ng pondo ng state insurance firm ang binubusisi at hindi ang nasabing organisasyon.
Kung susulyapan naman ang Republic Act 10072, obligado ang PRC na magsumite ng taunang report sa Pangulo, bilang honorary president ng humanitarian organization, tungkol sa kanilang kalagayang pinansiyal at iba pang mga aktibidades.
Ngunit may mga nagsasabi na kung ginagamit man daw ni Gordon ang PRC at maging ang isyu sa COVID funds sa kanyang political ambition, siyempre’y pinuprotektahan din ng Pangulong Duterte ang imahe nila sa publiko.
Tandaan na kabilang sina Pangulong Duterte, Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio, at Sen. Bong Go sa mga matutunog na pangalan na posibleng tumakbo raw sa 2022 polls.
At habang nagtatalo ang magkabilang panig para protektahan ang kanya-kanyang karera at imaheng pulitikal, nagdurusa naman ang mga mamamayan sa kahirapan at kawalan ng trabaho o oportunidad ngayong panahon ng pandemya.
Tsk, tsk, tsk.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post HALATANG MAY BAHID-PULITIKA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: