Facebook

Inaasahan

WALANG pagtutol at inaasahan ang pahayag ng 1Sambayan, ang koalisyon ng pwersang maka-demokrasya sa bansa. Pinapaboran ng kanilang kasapian si Leni Robredo at Sonny Trillanes bilang kandidato sa panguluhan at pangalawang pangulo sa 2022. Maliban sa ilang tinig mula sa Kaliwa na iginigiit si Isko Moreno, walang narinig na anumang boses ng pagtutol. Pawang tinig ng pagsang-ayon ang maririnig sa koalisyon ng oposisyon.

Leni-Sonny ang tiket at ito ang panawagan ng mga kasapi ng 1Sambayan sa publiko. Malinaw ang dating ng panawagan sa lahat. Ang hindi malinaw ay kung handa si Leni Robredo sa atas sa kanya ng pwersang oposisyon. Hanggang ngayon, nasa balag pa siya ng alanganin. Bagaman nagpahayag ng paghahanda ang mga katunggali sa 2022 at totoong inihahanda nila ang kani-kanilang lapian at makinarya sa kampanya, kasalukyang nagninilay-nilay ang pobreng si Leni kung sasali o hindi.

Hintayin ang kanyang desisyon, ito ang panawagan ng mga panatikong tagahanga na minsan tinawag namin na mga “lenitic” dahil malapit kasi sa salitang “lunatic.” Hindi lang nila masagot ang tanong kung paano ang oposisyon kung magsabi siya na hindi tatakbo. (May nagsabi na isang kaibigan na tatakbo magpapatala si Leni anuman oras mula Setyiembe 1 hanggang ika-walo) Hanggang ngayon walang kasagutan sa kanila iyan. “Basta tatakbo,” iyan ang nakakatawang pakli sa mga mausisa.

Maraming tanong kung ano ang mangyayari sa 1Sambayan pagkatapos na ipahayag ang pinapaboran na tambalan. Awtomako na ba ito? Kanila bang pangangatawan ito? Tatayo ba ang 1Sambayan bilang makinarya ng tambalan o bahala na ang tambalan sa kanilang sarili? Paano kung tumanggi si Leni Robredo at magsabi na hindi siya pabor na katambal si Sonny Trillanes at ipahayag na hindi siya tatakbo? Awtomatiko ba na si Trillanes ang kandidato sa pangulo?

Paano ang relasyon ng 1Sambayan sa Liberal Party? Mahilig maglayag mag-isa si Leni, papayagan ba ng 1Sambayan na kumapit siya sa Liberal Party? Ano ang mangyayari sa ibang kinausap ng 1Sambayan – Isko Moreno, Manny Pacquiao, at Ping Lacson? Ano ang puwang nila sa 1Sambayan? Ano ang pagkakaiba ng 1Sambayan sa ibang lapian at grupong pulitikal? Paano ito magiging epektibong kasangkan sa pagbabago?

Oobligahin ba ng 1Sambayan sina Leni Robredo at Sonny Trillanes na lumagda ng kasunduan kung paano ang kanilang asal at kostumbre sa alyansa? Paano kikilos ang 1Sambayan sa kampanya? Ano papel ng mga lapian tulad ng Liberal Party at grupo tulad ng Samahang Magdalo sa alyansa? Hindi pa malinaw. Maraming dapat linawin sa 1Sambayan.
*
TATLONG balita ang napagtuunan ng kaibigan Philip Lustre:: Una, ang balita ng pahayag ni Jinggoy Estrada na sasabak siya sa halalang pang-senador sa 2022; ikalawa, ang pagpapahayag ng opisyal na lima-kataong tiket pang-senador ng Liberal Party; at pangatlo, ang pangunguna ni Sara Duterte sa huling survey ng Pulse Asia.

Noong Miyerkoles, nagpahayag si Jinggoy Estrada na tatakbo uli sa Senado sa 2022. Naunang nagpahayag noong nakaraang linggo si JV Ejercito, ang nakababatang kapatid, na kakandidato muli sa Senado sa 2022. Walang kadala-dala ang magkapatid dahil noong 2019, pareho silang lumaban sa halalan, ngunit tinalo sila ng mga kapartido.

Hindi namin nais na mahalal ang sinuman at mas maigi na matalo sila. Magiging katawa-tawa lang ang susunod na Senado. Bubuuin ito ng isang pares na mag-aama, isang pares ng mag-ina, at isang pares ng magkapatid. Kung mananalo silang dalawa, magiging dalawang pares ang mga magkapatid. Hindi na namin babanggitin ang kanilang pangalan dahil sisikat lang sila.

Tatlong kasapi ng Liberal – Kiko Pangilinan, Leila de Lima, at Bam Aquino, at dalawang guest candidate – Risa Hontiveros ng Akbayan Party List at Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group (FLAG) ang bubuuo sa lima-kataong opisyal na tiket ng Liberal Party. May nalalbi pang pitong puwesto ngunit hindi pa namin alam kung sino ang pupuno sa tiket.

May ilang pangalan na maaaring isama sa tiket. Maaaring maging common candidate ang ilang pangalan lalo na ang walang record ng kasamaan at sunod-sunuran kay Rodrigo Duterte. Matagal pa ang deadline ng filing ng mga kandidato sa Senado, kaya mapapag-isipan ito.

Pinakamatindi ang nangyaring pagbagsak sa rating ni Sara Duterte sa survey ng Pulse Asia. Bagaman siya pa ang nangunguna, hindi na matinay ang kanyang rating at malamang tuluyang bumagsak ito sa susunod na survey. Ngayon pa lamang magkakaroon ng saysay ang mga survey at iyan ang panahon na naglantad ng mga baraha ang mga kandidato.

***

MAY post ang aming kaibigan Roly Eclevia sa social media. Pakibasa:

“Hindi pangkaraniwang tulisan si DU30. Nilimas na nga nya ang bahay mo, ninakaw na rin nya ang ipupundar mo pa sa susunod ng limampong taon o higit pa.

“Papano mangyayari yon? Umutang siya ng trilyon sa IMF-World Bank at sa ibat ibang financial institutions gamit ang pangalan ng bawat Pilipino bilang sanla.

“Ang pera na pinaghati-hatian nya at ng mga alipores nyang Intsik, mga heneral, mga mambabatas, at mga myembro ng gabinete ay babayaran mo at ng mga apo mo sa loob ng maraming taon.”

***

MGA PILING SALITA: “Sorry, not a single Marxist book, or any similar or so-called ‘subversive’ material, will be removed from UPV’s library collection. Baka dagdagan ko pa ’yan eh (We might even add more).” – UPV chancellor Clement Camposano

“Our business in a university is to train and sharpen the minds of our students by challenging and exposing them to the widest latitude of ideas to produce intellectuals and reformers …” – UPV chancellor Clement Camposano

“Premier universities produce thinkers and leaders, not sheeple—people who are like sheep in being meek, conforming, or easily led. In fascist societies, maintaining fear, division, and hate is a priority because sheeple are easier to herd when frightened.” – UPV chancellor Clement Camposano

“Indecision is never a political strategy. It only shows weakness of human character. It’s always counterproductive.” – PL, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Inaasahan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Inaasahan Inaasahan Reviewed by misfitgympal on Setyembre 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.