ISANG kautusan ang nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno na nag-aalis ng liquor ban sa kabisera ng bansa.
Sinabi ni Moreno na ang Executive Order No. 29, Series of 2021, at may petsang September 15, 2021 at pinagtibay ni Secretary to the Mayor Bernie Ang, ay nag-aalis sa pagbabawal ng pagbebenta ng nakalalasing na inumin tulad ng wines, liquor, beer at mga kauri nito. Ang EO ay inilabas matapos sumailalim ang Metro Manila sa Alert Level 4 ng General Community Quarantine (GCQ) naging epektibo nitong September 16 at tatagal hanggang September 30, 2021.
“After consultation, the city finds no imperativeness to impose a liquor ban for now,” dagdag ng alkalde.
Nabatid na nagsagawa ng meeting si Moreno, kasama ang mga department heads at establishment owners.
Sinabi ni Moreno sa isang panayam na ang lifting ng liquor ban ay para lamang makapagpatuloy ng kanilang negosyo ang mga liquor establishments sa pamamagitan ng pagbebenta ng wines, beers, liquor at mga kauri nito, pero hindi nangangahulugan na puwede ng uminom sa labas ng bahay.
Dahil pinapayagan na ang pagbebenta ng alak sa Maynila, inatasan ni Moreno ang lahat ng barangay na mahigpiit na ipatupad ang pagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar.
Binigyang direktiba rin ng alkalde si barangay bureau director Romy Bagay na tiyakin na sinusunod ng may 896 na barangay sa lungsod ang basic health protocols.
Sa ilalim ng kautusan ang mga kinauukulang establishments ay dapat na sumunod sa local regulations at sa basic protocols tulad ng pagre-require ng pagsusuot ng face masks at social distancing sa oras ng kanilang business operations. Hindi rin sila dapat na magbenta ng alak sa mga menor-de-edad.
Ayon kay Moreno ang etablishments na lalabag sa itinakdang batas ay agad na ipapasara. Iginiit din ni Moreno na ang Ordinance 5555 na nagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar ay mahigpit na pinaiiral sa lungsod.
Ang nasabing ordinansa ay kaugnay ng mga paulit-ulit na ulat tungkol sa mga residente na umiinom sa kalye at nagwawala kapag mga lasing na. Ito ay sa kabila ng ipinatutupad na kautusan na manatili sa loob ng bahay at curfew.
Muli ay inulit ng alkalde ang kanyang panawagan sa mga residente ng Maynila na gamitin ang kanilang pera sa mas mabuting paraan. Unahing bilhin ang mga pangangailangan sa halip na bisyo, tulad ng alak.
“Kung sakali naman na talagang hindi ninyo matiis na di uminom, ang panawagan ko, ilagay sana ninyo sa tiyan at huwag sa ulo,” dagdag pa nito. (ANDI GARCIA)
The post Liquor ban sa Maynila, tinanggal ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: