Facebook

Matigas si Duterte

NANINDIGAN noong 2002 si Slobodan Milosevic, dating presidente ng Serbia, isa sa mga republika ng nabiyak na Yugoslavia sa Europa, na hindi siya haharap sa paglilitis at pagdinig ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia (ICTY), isang pandaigdigang korte na binuo ng United Nations Security Council upang litisin ang mga sakdal na war crimes, crimes against humanity, at genocide laban kay Milosevic. Inakusahan si Milosevic ng paglipol sa mahigit 100,000 katao sa 10-taon digmaan sa Yugoslavia noong dekada 1990.

Walang nagawa si Milosevic nang ibigay siya noong ika-28 bf Hunyo, 2001 ni Zoran Djindjic, prime minister noon ng Serbia, sa ICTY at idiretso sa The Hague upang makulong sa Scheveningen Prison kasama ang iba pang akusado sa malawang pamamaslang sa gumuhong Yugoslavia. Si Milosevic ang presidente noon ng Serbia, ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihang republika ng Yugoslavia. Binintangan si Milosevic na responsable sa pagkamatay ng libu-ibong mamamayang Muslim sa Bosnia at Kosovo, dalawang dating republika sa Yugoslavia. Bahagi ng tinawag na “ethnic cleansing,” o paglipol ng lipi, ang pagpaslang sa kanila.

Ibinigay ni Djurdjic si Milosevic sa ICTY dahil sa pressure ng Estados Unidos na nangako na pangungunahan ang pamamahagi ng $1 bilyon tulong pinansyal (official development assistance, o ODA) sa nagibang Serbia kung ibigay si Milosevic upang humarap sa mga sakdal sa kanya. Mabilis sa alas-kuwatro, isinuko si Milosevic na sa pakiwari ng bagong liderato ng Serbia ay wala ng silbi para sa bansa. Nanalo ang katunggali na si Vojislav Kostunica bilang pangulo. Ibinigay si Milosevic at pagsapit ng ika 12 ng Pebrero, 2022, nilitis siya ng ICTY.

Inabot ng mahigit apat na taon ang paglilitis ng ICTY kay Milosevic. Tumigil ito ng mamatay siya ng atake sa puso sa kulungan. Si Milosevic ang pangalawang puno ng estado ng nililitis ng isang pandaigdigang hukuman. Nauna si Admiral Karl Doenitz na ninombrahan ni Adolf Hitler bago siya nagpatiwakal noong 1945 bilang kapalit na puno ng Nazi Germany. Mistulang footnote sa kasaysayan si Doenitz dahil hindi siya nagtagal bilang puno.

Maaaring mangyari ang ganitong scenario kung sumulong ang pormal na pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC), ang pandaigdigang hukuman ng binuo sa ilalim ng Rome Statute, isang tratado ng maraming bansa. Ito ang kinakatakatukan ni Rodrigo Duterte kaya nagdesisyon siya tumakbo bilang pangalawang pangulo. Nais niya ng proteksyon kapag tumuloy-tuloy ang sakdal na crimes against humanity na iniharap laban sa kanya at 11 kasapakat ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC noong 2017.

May pahayag si Duterte na hindi siya magpapahuli ng buhay sa ICC, ngunit hindi naaalis ang kanyang duda na isusuko siya sa ICC ng papalit sa kanya a poder sa 2022 upang papanagutin sa pagkamatay ng sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 katao sa madugo pero bigong digmaan kontra droga mula 2016 hanggang 2019. Sa kanyang Final Report, inirekomenda ni Fatou Bensouda, ang nagretirong hepe ng Office of the Prosecutor ng ICC, ang pormal na imbestigation sa kaso ng Filipinas.

Kapag natuloy ang pormal na pagsisiyasat ng ICC sa malawakang patayan sa gobyernong Duterte, ito ang unang pagkakataon ng iimbestigahan ng pormal ng ICC ang isang bansa sa konteksto ng isang digmaan kontra droga. Sinabi ni Duterte na hindi niya maatim na humarap sa paglilitis ng isang hukumang binubuo ng mga puting tao. Pinagtawanan si Dfuterte sapagkat hindi totoo na mga puti ang bumubuo ng ICC. Halo-halong lipi at kulay ng balat ng mga hukom na umuupo sa ICC. Kahit si Bensouda ay isang itim na nanggaling sa bansang Gambia.

Nasa PreTrial Chamber ng ICC ang sakdal at maaaring bumaba ang desisyon ngayong buwan o sa susunod upang umpisahan ang pormal na pagsisiyasat. Bubusisiin ang maraming usapin ng extrajudicial killings (EJKs) ng mga pinaghinalaang adik at pusher ng droga.

Mahaharap sa mahirap na sitwasyon ang mga taga-ICC sapagkat nagpahayag si Duterte na hindi niya papasukin sa bansa ang mga imbestigador. Inamin ng ICC na mahirap na sitwasyon ang hindi pagsuporta ng Filipinas sa imbestigasyon, ngunit nagpahiwatig ang ICC na may hawak ito na maraming katibayan na magdidiin kay Duterte sa malawakang patayan. Sa maikli, naisahan si Duterte sapagkat lingid sa kanyang kaalaman, tinaggap at hawak ng ICC ang mga patunay na siya nga ang may pananagutan sa mga patayan.

Sa ngayon, balitang unang lumipad sa Europa sina Edgar Matobato at Arthur Lascanas, mga dating triggerman ni Duterte na bumaliktad at nagsasabi sa ICC ng mga detalye kung paano sila ginamit ni Duterte sa mga patayan. Hinihintay ng dalawa ang pagdinig ng ICC sa kasong crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano laban kay Duterte noong 2017.

Nanalo si Duterte noong 2016 at inihalal siya ng maraming botante dahil sa kanyang giyera kontra droga. Kinondena ng international community ang kalupitan na pagpapatupad ng digmaan kontra droga dahil sa malaking bilang ng mga pinatay na hindi sumailalim sa batas. Wala ang pangingibabaw ng batas (rule of law) sa kanyang giyera kontra droga.

Ayon sa Final Report ni Bensouda, gumamit si Duterte ng labis na karahasan na kinasasangkutan ng mga pulis at iba pang alagad ng batas sa pamamaslang sa libo-libong sibilyan na walang lakas upang lumaban. Mismong si Duterte ang humikayat sa mga alagad ng batas na basta patayin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, ani Bensouda.

Sinabi ni Bensouda na marami sa katibayan na hawak ng ICC ay mga sinumpaang salaysay ng pamilya ng mga biktima ng EJKs.. Hawak ng ICC ang mga pahayag ng ibang organisasyon na sangkot sa pagtatanggol ng karapatang pantao tulad ng Human Rights International. Kasama sa mga salaysay ang pangalan ng mga pulis na pinaghihinalaang sangkot sa patayan.

***

SA bibig nahuhuli ang isda. Isa sa mga dahilan ni Fatou Bensouda sa kanyang rekomendasyon na magkaroon ng pormal na imbestigasyon ang ICC sa sakdal na crimes against humanity nina Sonny Trillanes at Gary Alejano ay ang mga opisyal na pahayag ni Duterte at mga kasapakat na kailangan ang mga malawakang patayan upang mawala ang suliranin sa ilegal na droga. Sa kayang 57-pahina na ulat noong ika-14 ng Hunyo, o bisperas ng kanyang pagreretiro, binanggit ni Bensouda ang pahayag ni Duterte sa publiko na nagbibigay saysay sa mga patayan.

Hindi nawawala sa eksena sina Bato dela Rosa at Vitaliano Aguirre II, dating kalihim ng DoJ at mga hindi pinangalan na kasapi umano ng “Davao Death Squad” (DDS) bilang mga bahagi ng polisiya ni Duterte na magpapatay ng mga EJKs. Inakusahan ni Bensouda sa kanyang ulat si Duterte ng pagkakaroon ng opisyal na polisiya na pumatay sa digmaan kontra droga hindi lang noong maupo siya bilang presidente noong 2016, kundi maski sa mga pagpatay ng mga DDS noong siya ang bise alkalde at alkalde ng Davao City mula 2011 hanggang 2016.

***

QUOTE UNQUOTE: “The Davao mafia has been in power since 2016. Hindi sila ngayon lang nangungurakot… Customs smuggling/drugs, BuCor GCTA, NFA, infra, BI pastillas, POGOs, AFP Modernization, PCSO STL, e-Sabong, 3rd Telco, business extortions, PhilHealth, COVID response…” – Sonny Trillanes

The post Matigas si Duterte appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Matigas si Duterte Matigas si Duterte Reviewed by misfitgympal on Setyembre 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.