
ANG musika ang karaniwang paraan ng pagpapahinga katapat ng isang araw na gawain. May kasama o wala, may iniinom o wala, ang pakikinig nito’y sapat na upang makalimot sa pagod na dinaanan.Sa pakikinig at pagsabay sa musika, nababawasan o nailalabas ang nadarama na ‘di na babangit ngunit makikita ang damdamin sa saliw ng musikang pinakikingan. Maraming usapin sa titik ng musika, ang saya o lungkot ng isang tao.
Walang usapin ng ekonomiya o yaman ng tao at pareho ang trato sa sino mang may kahiligan dito. Ano man ang uri ng musika na ibig, kakikitaan ang nakikinig ng kaakit-akit na ngiti o paghahayag na galing sa puso, na malalim ang pinaghuhugutan. Sa uri ng musika o sa uri ng instrumentong ginagamit, nahahalina ang nakikinig na parang tinutusok o kinurot ang puso’t nagsasabing, isa pa. Di ba’t masarap na may humihiling sa saliw ng musikang tinutugtog.
Sa mga nakasalamuha, napansin na iba’t – iba ang pamamaraan o gawi sa pag-papahinga ngunit matingkad na kasama ang musika sa ano mang uri nito. Sa mga piging nadadagdagan ang kasiyahan gamit ang musikang eengganyo ng partisipasyon ng nakararami. Ang palakpak ng mga nasa piging ang nagpapataba sa puso ng nagtatanghal na nagpapaganda sa tipa, palo, at sa boses ng nagtatanghal. Nariyan ang may likas na talento sa pag-awit na ang pakikinig dito’y sapat nang mawala ang pagod sa maghapong gawain. At meron ‘din na malakas ang loob na mapapatayo at mapapasigaw ng more, more practice, kasunod ang hiyawan at tawanan.
Sa gawain na pinagkakaabalahan, hindi maiwasan na may panahon na nagkakaroon ng pansamantalang pagkalimot o yung mental block na kailangan ng ilang minuto upang makapagsimulang muli. Ang pagbukas ng mga music videos ang gagawin upang luwagan ang ulong naninikip ng manumbalik sa dati ang takbo ng isip.
Sa takdang oras nariyan na ang wisyo, na tila hangin na napakadaling tapusin ang sinimulan at maipasa sa kinauukulan ang tapos na obra. Parang mahika na hindi alam kung bakit sa pakikinig ng musika gumising ang diwa ng maipagpatuloy ang nabalam na gawain. Hindi maipaliwanag, musika ba ang kumalog sa utak na naalimpungatan. Napaka hiwaga o musika..
Mahiwaga ang musika, subalit iba ang tugtog ng pamahalaang ito na ang pangunahing layon ang iligaw ang taumbayan sa mga katotohanang nagaganap sa bayan. Iba-iba ang tono ng mga umaawit gayun din ang notang ginagamit na parang sinasadya upang ang baya’y magalit sa mga mausisang makukulit. Ang musikang alam ng pamahalaang ito’y tunay na nakakaligalig dahil kaban yaman ang sinusingkit at bahala na si Mang Juan sa panahong malupit. Sa totoo lang, gipit na si Mang Juan, bingi na ito sa kasinungalingan na inaawit ni Totoy Kulambo na pagbabago at laban sa lahat ng mali sa lipunan na tila isang sirang plaka na paulit-ulit.
Ang pag-iimbento o paggawa ng kanta’y tila isang tsubibo na masakit na sa tenga nakaka bwisit. At heto, gusto pa ng anim na taon, ano kaming hilo. Ilang ulit ng mag-reresign kung mapatunayan sa maraming anomalya na sangkot ang mga tauhan pero todo ang saklolo sa mga ito at takot na umabot sa kanya ang kalalabasan ng pagsisiyasat, at hayan tatakbo pa sa halalan. O tatakbo sa humahabol na ICC?
Sa kasalukuyang kalakaran sa social media, binabaha ang paraang ito ng iba’t ibang uri ng propaganda na makikita ang mga pambabatikos sa sino hindi pampamahalaan, maging opisyal na nasa kabilang bakod. Tila mga bandang malakas ang tunog at paulit ulit, na ginagamit upang sirain ang kalaban at pabanguhin ang amo’y lupang pinuno na may sako-sakong salapi na galing sa pawis ni Mang Juan. Kabi-kabila ang tugtog pero iisa ang notang gamit, iangat ang baliw ng Dabaw sa anumang uri ng survey upang sa pagdating ng panahon nariyan na ang pananggalang. Lalo kung manalo ang singer dancer ng That’s?
Sa tulong ng abalang mga troll, ang maputikan ang kalaban sa politika at mapabilis o magpaganda sa resulta ng survey para itong panulak na nagpapabilis sa umento’t bayad na nagpapanatili ang hanapbuhay. Walang pagdududa na ang kaligayahang dulot nito’y isang pandemya na nakakahawa sa marami tulad nila. Inspirado sa trabaho dahil tuloy tuloy ang saboy ng salapi sa lumabas na survey na ang mag-ama ang ibig ng mga bobotante. Sa pag-inog ng panahon, sumabay ang ikot trolls na parang musika na naririnig na ibinabagay sa panahon.
May nagsasabing hindi masakyan ang uri ng survey ng False Asia at SWS subalit hindi na ito bahagi ng kanilang gawain, at ito’y ingay ng mga kalaban ni TK. Ngunit ito ang hiwaga ng katotohanan na binabagay sa kaganapan ng panahon, inilabas o lumalabas ang totoong saloobin ng bayan. Ang impormasyo’y galing sa mapagkakatiwalaang pinagmulan na ‘di kumukuha ng kaperahan sa pamahalaan. Sadyang panapanahon sa silong ng langit.
Masasabi na bumabalik ang kasaysayan, ang pagkakahati ng lipunan tuwing may halalan. Ang pagkahilig ng Pinoy sa gawaing ito’y nasilip na mula ng mauso ang halalan sa bansa. Para o tila isang musika na nariyan ang pagkahilig sa awit ng ‘ 60’70 80’ 90, o nasa poder at ng oposisyon. Subalit batid na ungos ang nasa poder dahil hawak nito ang makinarya ng pamahalaan maging ang kabang bayan. Lalo’ sa kasalukuyan na napakalaki ng intelligence at Bayanihan fund na inilaan para kay Mang Juan. Subalit ang gising na kabataan at maraming mulat na mamamayan ang magbibigay sa tunay na oposisyon ng panalo sa darating na halalan.
At masisiguro na ang musikang aawitin sa ’22 ang ay ang Bayan Ko na sagisag ng tagumpay ng bayan kontra sa mapaniil na pamahalaan. Palasak ang mensahe ng awit, na tumutusok sa puso ng bawat Pilipino na nagnanais ng tunay na pagbabago. At mula dito magkakabuklod ang magkakaibang henerasyon dahil nasa musikang tumutusok sa puso at diwa na iisa ang nota.
Sa musika itatawid ang mensaheng ibig iparating ang pagbabagong mula sa tao para sa tao. Mainam na ipaabot sa anak ni Mang Juan na ang pagbabago’y ‘di mapipigilan at ang pagkakaisa ang sandata na gagamitin kasama ang balota. Ang paggising sa kamalayan ng bayan gamit ang musika ang titiyak sa pagpasok ng bagong pamahalaan. Ang musikang para sa tunay na pagbabago ang instrumento papalit sa pamahalaang mapang-api at palasak sa katiwalian.. Pagbuklurin nawa ang Pilipino ng musika ng pagkakaisa, palitan ang pamahalaang walang pagmamahal sa bayan…
Maraming Salamat po!!!
The post Musika appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: