
HINDI natapos sa Nuremberg Trial ng 1945 ang paghuhukom sa mga lider ng Nazi Germany na pumatay sa humigit-kumulang na anim na milyon Hudyo at gumawa ng maraming kahayupan at kalupitan sa humigit-kumulang na limang milyon na dayuhang manggagawa na sapilitang dinala sa Alemanya at nagtrabaho sa mga pagawaan ng armas pandigma doon.
Maraming paglilitis sa Alemanya at karatig bansa ng Poland at Francia kung saan binitay ang ibang lider Nazi. Marami ang tumakas sa Timog Amerika at namuhay ng patago sa Argentina, Brazil, Bolivia, Paraguay, at iba pa. Nang nabuo ang bansang Israel noong 1949, isa sa pinag-abalahan ng liderato ni Presidente Ben Gurion, unang pangulo, ang makilala sila, habulin kung nasaan, at patawan ng parusa.
Tinalunton ang pinagtataguan at nang masiguro ang pagkakakilanlan, nakakahilakbot ang mga tagpo. Noong 1960, kinidnap ng Mossad, sangay sa paniniktik ng Israel, si Adolf Eichmann sa karatig ng Buenos Aires, pangunahing siyudad sa Argentina, at dinala sa Israel upang litisin. Iniharap sa kanya ang mga ebidensiya at saksi upang papanagutin sa kanyang bahagi sa pagpatay ng mga Hudyo.
Nagtago na mistulang daga si Eichmann sa Argentina at gumamit ng pekeng pangalan – Roland Klement. Natunton siya ng Mossad at pinag-aralan ang kilos. Hindi pa malakas ang Israel noon at isang batang nasyon ito noong kinidnap si Eichmann. Umabot ng dalawang taon ang paglilitis na sinaksihan ng mundo. Binitay si Eichmann noong 1962.
Hinanap sa Brazil si Herbert Cukurs upang papanagutin sa maramihang pagpatay sa mga Hudyo sa bansang Latvia. Nang matagpuan at nakilala si Cukurs, hinikayat siya ng isang ahente ng Mossad na nagpanggap na negosyanteng at nakipagkaibigan sa kanya. Kumagat si Cukurs sa anyaya sa kanya na pumunta sa Montevideo sa Uruguay para sa negosyong pagkakitaan sana nila. Ngunit patibong pala ang paanyaya sa Montevideo.
Pinatay siya ng mga ahente ng Israel doon. Malinis ang trabaho sa kanya. Bagaman naplano ng Mossad ang pagpatay kay Cukurs, hindi nakilala ang kanyang salarin. Umuwi ito sa Israel at hindi na nakita sa kasaysayan. Nagretiro at namatay na hindi nalaman ang pangalan. .
Hindi pa tapos iyan. Nawala na parang bula sa pagwawakas ng digmaan noong 1945 si Klaus Barbie, ahente ng Gestapo, o secret police ni Adolf Hitler, na responsable sa pagkamatay ng mahigit 14,000 na Hudyo. Nang nasiguro noong 1980 na nasa Bolivia si Barbie, na trabaho ng Francia para sa kanyang extradition. Ibinalik ng Bolivia si Barbie sa Francia kung saan nilitis siya. Iniharap sa kanya ang maraming saksi na kahit hindi niya makilala dahil sa tagal ng kanyang pagkawala ay nakikilala siya upang isumbat ang kanyang kalupitan.
Nahatulan si Barbie ng pagkabilanggo ng habambuhay. Namatay siya sa bilangguan noong 1991. Gayunpaman, maliwanag na hindi katwiran ang edad at katandaan upang makaligtas sa paglilitis at hatol ng kasaysayan. Ilan lang si Eichmann, Cukurs, at Barbie sa mga dating Nazi na hinabol ng kanilang kalupitan noong suot nila ang uniporme bilang opisyales ng kilusang Nazi. Marami pang iba na pinarusahan.
***
MAY katwiran kung bakit matindi ang galit ng mga Hudyo sa mga lider ng Nazi Germany na pumatay sa kanila at nagsagawa ng nakakarimarim na kahayupan at kalupitan. Tinatayang humigit kumulang sa sampung milyon ang mga Hudyo na nagkalat sa Europa sa simula ng digmaan noong 1939. Bumaba sa wala pang limang milyon ang natira sa pagwawakas ng digmaan. Nakatakas sa ibang bansa ang marami at ang naiwan sy mga nangamatay sa gas chamber sa Auschwitz, Dachau, Treblinka, at iba pa..
Tinatayang pito at kalahating milyon ang mga manggagawa mula Polandiya, Francia, Unyon Sobyet at iba pa ang sapilitang dinala sa Alemanya at nagtrabaho sa mga pagawaan ng armas at bomba doon. Malaking bilang ng mga dayuhang manggagawa ang nagtatrabaho hanggang mamatay. Sobrang maltrato ang inabot nila sa mga lider Nazi. Ito ang dahilan kaya hinabol at ginantihan ang mga lider Nazi.
Sa Filipinas, sumulong ang sakdal na crimes against humanity na isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC) laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat. Nagpasya ang Pretrial Chamber ng ICC na umpisahan sa madaling panahon ang preliminary investigation kontra Duterte at mga kasapakat tulad ni Dick Gordon, Bato dela Rosa, Alan Peter Cayetano, Jose Calida, at iba pa.
Inaasahan sa preliminary investigation ng ICC na kikilalanin ng malinaw kung ano ang mga puwersang nasa likod ng mga EJKs at sino ang mga pulis at lider sibilyan na nagsawa ng maramihang patayan (mass murder) sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga. Hindi ipinatupad ni Duterte at mga kasapakat ang batas sa droga ng bansa at ipinagmalaki pa sasagutin niya ang mga tampalasan ng kanyang alipures na sangkot sa mga EJKs.
Nasa polisiya ng kanyang gobyerno ang maramihang pagpatay. Sa totoo, marami sa mga pinatay ang nilansi ng puwersa ni Duterte. Pinasuko sila sa mga barangay at nang lumantad at nakilala, pinagpapatay ng mga pulis at vigilante group sa tinaguriang “Oplan Tokhang.” Walang nagawa ang mga ibang lider pulitikal,kasama na ang oposisyon sa sigwa ng mga maramihang patayan noong 2016, 2017, at 2018. Natakot sila dahil nasa rurok ng kapangyarihan si Duterte.
Tanging si Sonny Trillanes at Gary Alejano ang nagsimula ng sakdal kontra Duterte. Bagaman inimbita, hindi sumama ang ibang mga lider oposisyon. Lumayo dahil sa takot na madamay. Dumistansya kahit si Bise Presidente Leni Robredo at hindi nagbigay ng anumang suporta sa sakdal. Nilibak ng iba ang sakdal. Niliit ni Ping Lacson ang sakdal at nagsabing mauuwi lang ito sa basurahan. Pinagtawanan ng iba ang sakdal ngunit laking mangha nila ng sumulong ito.
Nagpahayag ang maraming pamilya ng mga biktima ng mga EJK na nais nilang linisin ang kanilang pangalan dahil basta sila kinaladkad ni Duterte at tinatakan na sangkot sa droga. Hindi totoo na sangkot sa droga ang maraming pinatay, ayon sa kanilang mga kalatas na ipinadala sa ICC ng kani-kanilang mga abugado. Isa ito sa mga basehan ng Pre-Trial Chamber ng ICC kaya sumulong sa pormal na imbestigasyon – ang pangalawa at maselang yugto – ng sakdal.
Hindi natin kabisado ang tindi ng ngitngit at galit ng mga pamilya ng biktima ng EJK. Hindi maihahambing ang galit ng mga Hudyo sa kanila, ngunit may matibay na basehan na hindi malayo ang tindi ng kanilang galit. Isa sa mga hinihiling ng pamilya ang ilitin ang mga pag-aari ng pamilya Duterte sa loob at labas ng bansa, ibenta ang mga iyon, at ipamahagi ang pagbilhan sa mga pamilya ng biktima ng maramihang pagpatay.
Hihilingin nila na makulong si Duterte at mga kasapakat. Marami mangyayari. Magandang pagmasdan at subaybayan.
The post Parusa sa salarin appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: