
APRUBADO na ng Senado ang pagpapalawig ng prangkisa ng mga water concessionaire na Manila Water Co. Inc. at Maynilad Water Services Inc.
Sa botong 23 affirmative at walang abstensyon, ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) 9422 at HB 9423 para sa pagkakaloob ng 25-taong prangkisa sa dalawang kumpanya.
Magpapatuloy ang Maynilad Water Services Inc. sa kanilang pagbibigay ng serbisyo sa west zone ng Metro Manila at lalawigan ng Cavite sa ilalim ng HB 9422, habang ang Manila Water Co. Inc. ay magtutuloy ng serbisyo sa east zone ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal sa ilalim ng HB 9423.
“Sa susunod na 25 taon, dapat hamunin natin ang ating mga water concessionaire na makapagbigay ng mas mahusay na serbisyo sa ilalim ng new normal kasabay ng pangmatagalan at maiksing target para solusyunan ang kakapusan sa tubig,” pahayag ni Poe.
Taong 1997 pa nang unang nabigyan ng concession agreements ang dalawang water concessionaires para sa water at sewerage services kaya’t nagsulong ng mga amiyenda sa bagong kasunduan na naglalatag ng mas mataas na standard sa mga water service providers.
Kabilang sa inamiyendahan ang pagsumite ng mga concessionaire ng completion plan para sa pagtatayo at operasyon ng water, sewerage at sanitation projects hanggang 2037, kasama na dito ang limang-taong completion target para makamit ang 100 porsiyentong combined sewerage at sanitation coverage.
Ang iba pang pag-amiyenda sa kasunduan ay ang pagmamandato sa mga concessionaire na magpatupad ng mga mekanismo para sa konsultasyon sa mga stakeholder ukol sa kanilang serbisyo at lumikha ng mga oportunidad para sa pagbibigay ng trabaho kung saan bibigyang prayoridad ang mga residente ng lugar kung saan nag-ooperate ang concessionaire.
“Ang pagbibigay ng serbisyo-publiko, lalo na ang isang mahalagang serbisyo tulad ng suplay ng tubig, ay nangangahulugang uunahin ang kapakanan ng komunidad at mga mamamayan nito. Higit sa pagbibigay ng maasahan, mura at malinis na tubig, kailangan nating makipag-ugnayan sa taumbayan upang malaman kung paano pa mapapabuti ang serbisyo,” dagdag ni Poe.
Nakasaad din sa Revised Concession Agreement ang tariff freeze hanggang Disyembre 2022 kung saan hindi magkaroon ng pagtaas sa singil ng tubig sa National Capital Region hanggang sa susunod na taon. (Mylene Alfonso)
The post Pagpapalawig ng prangkisa ng Maynilad at Manila Water aprub na sa Senado appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: